Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Babae ang Lalaking Nakipagkilala sa Kaniya Dahil Binigyan Siya ng mga Bagoong; Nagulat Siya Kung Sino Talaga Ito

Hinamak ng Babae ang Lalaking Nakipagkilala sa Kaniya Dahil Binigyan Siya ng mga Bagoong; Nagulat Siya Kung Sino Talaga Ito

Masyadong pihikan si Kathleen sa kaniyang mga manliligaw. Hindi siya basta-basta tumatanggap ng mga umaakyat ng ligaw sa kaniya. Bukod sa panlabas na anyo, tinitingnan din niya ang estado ng pamumuhay nito. Hindi naman sa sobrang mayaman, pero siyempre, gusto niya na may regular na trabaho at hindi sakit ng ulo.

Isang araw, dumalo sa isang binyagan si Kathleen. Kaanak naman niya ang nagpabinyag kaya hindi na siya nag-abala pang mag-ayos nang husto. Siya lamang ang mag-isa at wala naman kasi siyang isasama at ipapakilala sa iba dahil nga single naman siya. Maya-maya, nilapitan siya ng kaniyang tiyahin.

“Kathleen, pamangkin ko… wala ka pa ring nobyo hanggang ngayon?” tanong nito sa kaniya.

“Wala pa po, tita. Wala pa po sa isipan ko iyan. Busy pa po ako sa trabaho,” sabi ni Kathleen. Kahit ang totoo, gustong-gusto na niya talagang magka-boyfriend. Marami naman nanliligaw sa kaniya, kaya lang, kapag nakita na niyang hindi mapera o may imperfection sa hitsura, inaayawan na niya.

“Huwag puro trabaho. Hindi mo naman mayayakap iyan eh. Sige may ipapakilala ako sa iyo. Huwag mong isnabin ah,” sabi ng kaniyang tita.

Umalis ang kaniyang tita, at pagbalik nito, may kasama na itong isang lalaki. Guwapo, matangkad, at mukhang malinis sa katawan.

“O Kathleen, si Vincent. Vincent, si Kathleen. Ito yung gusto kong ipakilala sa iyo noon pa. Sana maging magkaibigan kayo,” sabi ng kaniyang tiyahin.

Ngumiti naman si Kathleen. Pasaway talaga ang kaniyang tiyahin na iyon. Masyadong kalog at taklesa. Pero infairness, ayaw nang umarte ni Kathleen dahil type naman niya ang hitsura ng lalaking ito na ipinakilala sa kaniya.

“P-Puwedeng tumabi sa iyo?” nakangiting tanong nito sa kaniya. Tumango naman si Kathleen. Sa pag-upo nito, may kakaibang amoy na nahagip si Kathleen. Parang masangsang na amoy. May kakaibang amoy ang Vincent na ito. Na-turn off na si Kathleen. Guwapo nga, mabaho naman! Naligo ka ba? gustong itanong ni Kathleen. Kinusot-kusot ni Kathleen ang kaniyang ilong. Nahalata naman ito ni Vincent.

“Pasensiya ka na, amoy-bagoong kasi ako, hehehe. Nagdala kasi ako ng bagoong kanina.”

Subalit wala nang interes si Kathleen sa kausap. Hinusgahan na kaagad niya ito. Sa isip niya, maaaring tindero ito ng bagoong sa palengke kaya ganoon ang amoy nito. Hindi na lamang siya kumibo at nanatiling tahimik sa pagkakaupo, upang mailang na ito at umalis na sa kaniyang tabi.

Nahalata naman ni Vincent ang kaniyang pananahimik kaya nagkusa na itong tumayo at nagpaalam sa kaniya. Tumango lamang si Kathleen at ni hindi niya nilingon ang lalaki nang ito ay lumayo na.

“Sayang, guwapo ka pa naman pero ang baho mo…” sa isip-isip ni Kathleen. Saka ayaw naman niyang mauwi sa isang tindero lamang sa palengke. Sayang naman ang pagiging pihikan niya kung magpapadala lamang siya sa hitsura nito.

Subalit maya-maya, nagulat siya nang bumalik si Vincent at may dalang eco-bag.

“Kathleen, para sa iyo pala, tikman mo…”

Kinuha ni Kathleen ang iniabot nitong eco-bag. Nang sinilip niya, mga bagoong isda, alamang, at padas ang laman.

“Wow… daming bagoong. Salamat ah. Ito ba ang tinitinda mo sa palengke? Baka naman magalit ang amo mo, sabihin dami mong kinuha sa tindahan ninyo,” pabirong banat ni Kathleen. May malalim na mensahe siya para kay Vincent, na tila hinahamak niya ang trabaho nito.

Ngumiti lamang si Vincent.

“Baka ikaltas pa ito sa suweldo mo, Kuya… saka besides hindi naman ako kumakain ng bagoong, kaya isasauli ko na lang…” sabi ni Kathleen. Ibinalik niya ang bagoong kay Vincent. Napahiya naman si Vincent dahil tila hinamak siya ni Kathleen, na bagong kakilala lamang niya.

“Pasensiya na miss kung bagoong ang ibinigay ko sa iyo. Gusto ko lang sanang matikman mo kung masarap ba ang mga produkto ko. Don’t worry, hindi na mauulit,” paghingi ng paumanhin ni Vincent. Nagpaalam na ito sa kaniya.

Maya-maya, lumapit kay Kathleen ang kaniyang tita.

“Kathleen, bakit mo naman dinedma si Vincent? Naku. Saksakan pa naman ng yaman ang pamilya niyon. Matabang isda na nga pinakawalan mo pa,” sabi nito.

“Paanong saksakan ng yaman tita eh binigyan nga ako ng bagoong. Sa lahat ng mga lalaking nakilala ko, siya lang ang bukod-tanging nagbigay ng bagoong sa akin,” natatawang kuwento ni Kathleen.

“Oo kasi siya lang naman ang nagmamay-ari ng pinakamalaking pagawaan ng bagoong, patis, toyo, at condiments sa buong Pilipinas. I-search mo sa internet,” sabi ng kaniyang tiyahin. Sinaliksik nga ni Kathleen, at totoo nga ang sinabi ng tiyahin.

Pinagsisihan ni Kathleen ang kaniyang panghuhusga kay Vincent. Napagtanto niyang mali ang kaniyang mga nagawa. Hindi niya dapat pinagsalitaan ng mga mapanghamak na salita ito, lalo’t kakakilala lamang nila. Isa pa, totoo man o hindi na mayaman ito, wala siyang karapatang mangmaliit ng trabaho ng isang tao.

Advertisement