Ikinahihiya ng Dalagita ang Trabaho ng Kaniyang Nanay Bilang Handicraft Maker sa Isang Pabrika; Paano Kaya Mababago ang Kaniyang Pananaw Hinggil Dito?
“Anak, halika, tingnan mo ohhh… ganiyan ang mga gawa namin… ang gaganda hindi ba!”
Nagulat na lamang si Chelsea sa kaniyang nanay si Aling Doray nang hilahin siya nito sa isang puwesto sa loob ng isang sikat na mall. Nag-grocery kasi sila, at bago tuluyang umuwi, napadaan muna sila sa department store, hindi upang mamili ng mga gamit, kundi upang magbanyo lamang.
Nahihiya si Chelsea sa tuwing ginagawa iyon ng kaniyang nanay. Tumingin-tingin siya sa paligid at baka may makarinig sa sinabi nito. Ayaw niya kasing malaman ng kaniyang mga kaibigan at kaklase na isang hamak na handicraft maker ang kaniyang nanay sa isang pabrika. Maganda kasi ang mga suot ni Chelsea, at gusto niyang ipakita sa kaniyang mga kaklase na may kaya sila, kahit na ang totoo niyan, minsan ay nagkakandakuba na ang nanay niya sa pag-oovertime at pagpakyaw ng mga dekorasyon upang mas malaki ang maiuuwing suweldo para sa kanilang pamilya.
“Hello Ma’am. Bibili po kayo?” magiliw na tanong ng sales lady na nakatoka sa naturang puwesto.
“Ay naku miss, gagawa na lang ako niyan. Kami ang gumagawa nito eh,” pagmamalaki ni Aling Doray.
“Ay talaga Ma’am ang galing naman po! Ang gaganda po,” nakangiting turan ng sales lady. Gusto namang lumubog s kinatatayuan ni Chelsea.
“‘Nay tara na… nakakahiya na…”
“Chelsea… uy… kumusta?”
Napasulyap ang mag-ina sa pinanggalingan ng boses. Si Stephanie iyon, ang kaklase ni Chelsea, kasama ang Mommy nito. Sa hitsura pa lamang nito, masasabi nang nakaaangat sa buhay, lalo na sa mga suot nitong alahas sa katawan. Napalunok si Chelsea. Tila nanunuyo ang kaniyang balahibo. Ayaw niya kasing makikita ng kaniyang mga kaklase ang kaniyang nanay. Simple lamang kasi ang pananamit nito. Isa pa, magaspang at kulay-berde ang mga kamay nito dahil hindi basta-basta natatanggal ang mga kemikal na ginagamit sa mga materyales sa pagbuo ng handicrafts.
‘H-Hello… Stephanie… hello po Tita,” nangingiming pagbati ni Chelsea sa mag-ina. Ngumiti rin si Aling Doray sa dalawa.
“Hi Tita, kaklase po ako ni Chelsea. This is my mother po,” pagpapakilala ni Stephanie kay Aling Doray. Inilahad ni Stephanie ang kaniyang kamay upang makipag-shakehands kay Aling Doray. Inilahad naman ni Aling Doray ang kaniyang kamay upang paunlakan si Stephanie. Napapikit na lamang si Chelsea. Tiyak na mandidiri ito kapag nakita ang hitsura ng kamay ng kaniyang nanay. Sunod naman na nakipagkamay sa nanay niya ang Mommy ni Stephanie. Subalit wala naman itong sinabi.
“Bibili rin po ba kayo ng handicrafts na iyan? tanong ni Stephanie.
“Ay hindi. Naku, kami nga ang gumagawa niyan eh. Bili na kayo ah. Sa pagawaan kasi niyan ako nagtatrabaho… sige bili kayo ah,” masayang sabi naman ni Aling Doray sa dalawa.
Manghang-mangha naman ang Mommy ni Stephanie.
“Wow talaga? Ang galing naman. Gustong-gusto ko ang mga gawa ninyo. Bilib ako sa inyo, ang gagaling ninyong mag-design, papuri ng Mommy ni Stephanie kay Aling Doray.
Habang abala si Aling Doray sa pagbibida sa Mommy ni Stephanie, naiwan naman ang dalawang magkaklse. Hiyang-hiya na si Chelsea sa mga sinasabi ng kaniyang nanay.
“Hindi mo sinabi sa amin na handicraft maker pala ang Mama mo?” pakli ni Stephanie kay Chelsea.
“Ah oo, pasensiya na kayo sa kamay niya ah,” nahihiyang pagpapaumanhin ni Chelsea.
“Ok lang iyon. Alam mo bilib nga kami sa kaniya. Ang gaganda ng mga gawa nila. Mahirap yata ang ginagawa nilang pagdedecorate ng mga ganiyan. Kaya ikaw, huwag na huwag mong ikahihiya ang trabaho nila kasi marangal iyan. Marami silang napapasaya dahil sa gawa nila,” sabi ni Stephanie.
Tila binuhusan naman ng malamig na tubig si Chelsea. Bakit nga ba niya naisip, o sumagi sa isipan niya, na kahiya-hiya ang trabaho ng kaniyang nanay? Kung tutuusin, marangal na trabaho ang pagiging handicraft maker. Walang dapat ikahiya sa uri ng trabahong mayroon ang kaniyang ina. Biglang nakaramdam ng kirot sa kaniyang puso si Chelsea.
“Tita, bili na po kayo ng produkto nina Ninay. Hindi ba’t ang gaganda po? Ang galing-galing po ng Nanay ko at ng mga kasamahan niya,” pagbibida ni Chelsea sa kaniyang nanay. Ngumiti naman si Aling Doray sa kaniyang mga narinig mula sa kaniyang anak.
“Oo nga eh. Bibili talaga ako. Saka espesyal ito kasi nakilala ko pa ang posibleng gumawa,” saad naman ng Mommy ni Stephanie.
Napagtanto ni Chelsea na hindi dapat ikahiya ang trabaho ng kaniyang nanay, dahil marangal ito.