Inday TrendingInday Trending
Maysakit ang Kaniyang Anak, Subalit Hindi Maasahan ng Martir na Ina ang Kaniyang Sugarol na Mister; Ano Kaya ang Gagawin Niya Upang Maipagamot ang Anak?

Maysakit ang Kaniyang Anak, Subalit Hindi Maasahan ng Martir na Ina ang Kaniyang Sugarol na Mister; Ano Kaya ang Gagawin Niya Upang Maipagamot ang Anak?

“Ang taas ng lagnat mo, anak…”

Nahihintakutan ang martir na si Aling Ligaya para sa anak niyang si Peter, 8 taong gulang, na kanina pa dumadaing ng pagkahilo, masakit na ulo, at mataas na temperatura. Tila hindi umepekto ang pagtatapal niya ng mga pinainit na tuba sa langis.

Nagtungo si Aling Ligaya sa harap ng rebulto ni Birheng Maria. Nanikluhod.

“Mahal na Birhen, nagmamakaawa po ako sa inyo, pagalingin po ninyo ang aking anak. Wala po akong maipangpapaospital sa kaniya. Sana rin po ay dumating na ang aking asawa, baka-sakaling matauhan kung makikita niya ang kaniyang anak na hindi maganda ang lagay,” lumuluhang panalangin ni Aling Ligaya.

Subalit nang maalala niya ang kaniyang mister na sugarol, babaero at walang kuwenta, agad siyang tumayo mula sa pagkakaluhod. Naalala niya, hindi pa pala siya nakakaluto at nakapagsasaing. Maghapon siyang naglaba ng mga damit kaya nakaligtaan na niyang maghanda ng makakain. Agad siyang nagtungo sa kusina upang ipaghanda ng hapunan ang kaniyang mister.

Hindi makapaniwala si Aling Ligaya sa uri ng lalaking napangasawa niya. Lahat na yata ng masasamang kapintasan ay nakuha na nito: sugarol, basagulero, lasenggero, babaero, at batugan. Noong una, hindi naman ito ganoon, subalit habang tumatagal, unti-unti na nitong ipinakilala ang sarili sa kaniya. Isa siyang kasambahay noon at karpintero naman ito. Ipinangako nito sa kaniya ang isang magandang buhay. Subalit miserableng buhay pala ang ibibigay nito sa kaniya.

Tamang-tama namang nain-in na ang sinaing at nakapagluto na siya ng apat na pirasong tuyo na may sawsawang sinamak, nang dumating ang kaniyang mister na si Mang Gado; gaya ng datim, lango na naman ito sa alak.

“G-Gado, mabuti naman at dumating ka na. M-May sakit si Peter… baka naman may kakaunti kang pera diyan, walang-wala ako eh… bibili lang sana ako ng gamot sa botika…”

Isang igkas sa pisngi ang nagpatahimik kay Aling Ligaya.

“Manahimik ka! Wala akong pera! Hala, maghain ka na at nagugutom na ako,” bulyaw nito. Halos masuka naman si Aling Ligaya sa napakabahong amoy ng hininga nito. Hindi naman magkandatuto si Aling Ligaya: agad siyang nagtungo sa kusina at pinaghain ang kaniyang mister.

“Ano ‘to? Tuyo na naman?” asik ni Mang Gado.

“W-Wala na kasi akong kapera-pera eh, pasensiya ka na. H-Hindi ka kasi nag-iwan ng pera sa akin kaya wala akong naipamalengke…”

Tumayo si Mang Gado at sinakal si Aling Ligaya.

“Hayop ka… saan mo dinala ang perang iniwan ko rito ha… sabihin mo! Kaninong lalaki ka naman naglandi ha…”

“T-tama na Gado parang awa mo na… wala akong ibang nilalanding lalaki, nasa bahay lang ako maghapon at naglaba ng mga damit… at isa pa may sakit si Peter…”

“Tumahimik ka! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ko anak iyang anak mo sa labas! Kasalanan mo kung bakit ganito ang trato ko sa iyo. Iniputan mo ako sa ulo… kaya magdusa ka!” inihagis ni Mang Gado si Aling Ligaya. Napadausdos naman ang kaawa-awang ginang.

“Makaalis na nga sa pesteng bahay na ito. Walang kuwenta!” galit na sabi ni Mang Gado sabay alis. Napaiyak naman si Aling Ligaya. Hindi pa rin makalimutan ni Gado ang kasalanang nagawa niya rito. Nagkamali siya dahil pumatol siya sa isang lalaki, subalit hindi si Peter ang bunga ng kasalanang iyon. Alam niya sa sarili niyang anak nila ni Gado si Peter.

Maya-maya, nagdedeliryo na si Peter. Nataranta si Aling Ligaya. Bahala na… kailangan niyang maitakbo ang anak sa ospital. Subalit wala siyang pambayad. Paano siya tatanggapin sa ospital?

Ang isang desperadang ina, lahat ay gagawin para sa anak. Kumuha siya ng pentel pen at papel. Isinulat niya roon ang malaking mga salitang TULUNGAN PO NINYO KAMI, MAY SAKIT ANG ANAK KO. Ikinabit niya ito sa kaniyang damit. Binitbit niya ang anak at nagtungo siya sa lansangan upang magmakaawa sa mga tao na tulungan siya.

“Maawa na kayo sa akin… maawa po kayo…” humahagulhol na panawagan ni Aling Ligaya sa mga tao. Napukaw niya ang atensyon ng lahat, lalo na ang nakakabit na paskil sa kaniyang katawan. Isang concerned citizen, na isang nurse na napadaan sa lugar na iyon, ang nagmagandang-loob na samahan siya sa ospital.

May mga tao naman na kinuhanan ng video at larawan si Aling Ligaya at nai-post sa social media. Agad naman siyang naging viral kaya bumaha ng tulong sa kaawa-awang ina. Maraming tumulong na maipagamot si Peter, na may dengue na pala.

Nang gumaling si Aling Ligaya, marami sa mga kilusang pangkababaihan ang tumulong sa kaniya upang iwanan na ang walang kuwentang asawa, at magsimula ng bagong buhay kasama ang anak na si Peter sa malayong lugar—malayo sa mapanakit na ama. Naniniwala si Aling Ligaya na magbabago pa ang kaniyang mister, subalit sa ngayon, kailangan muna nilang lumayo at iligtas ang mga sarili para sa kapakanan nilang dalawa.

Advertisement