Kakaiba ang Phobia ng Dalaga, Takot Siya sa Video Calls at Video Conferencing; Ano ang Malalim na Kuwento sa Likod Nito?
Simula nang malaman ni Erica na madalas nang gagamitin ang mga video calls at video conferencing sa kanilang pagtuturo at pagpupulong, hindi niya maitago ang kabang nararamdaman niya. Isa siyang guro sa isang pribadong paaralan. Lahat ng kanilang mga mag-aaral ay pinili ang online modality ng pagkatuto kaya kinakailangan nilang gumamit ng video calls at video conferencing.
Hindi dahil sa hindi siya maalam sa paggamit ng mga makabagong kagamitan, o hindi kaya ay dahil hindi malakas ang kaniyang internet kaya nangingimi siyang gamitin ito. Kung may trauma o phobia man sa paggamit ng ganito, iyon ang tawag sa kaniya.
Takot siyang gumamit ng video calls. Nanginginig at kinakabahan siya.
“Ang arte mo naman! Hindi ka naman kakainin ng gadgets mo,” sabi sa kaniya ng kasamahang guro na si Roselyn, nang minsang sabihin niya ito sa kaniya.
“Basta… ayoko sa mga video calls at video conferencing. Anong gagawin ko, Roselyn? Magreresign na lang ba ako? Saka na lang ako babalik sa pagtuturo kapag nasa ayos na ang lahat, kung wala na ang pandemya at nasa physical classes na ang lahat?” sabi na lamang ni Erica.
Napatunayan ni Roselyn na malaki ang takot ni Erica sa video calls nang minsang magpatawag ang kanilang punungguro ng isang pagpupulong sa pamamagitan ng isang sikat na video conferencing app.
Nanginginig ang katawan ni Erica, at hindi na nagawa pang matapos ang pulong dahil hinimatay na kaagad ito. Agad siyang dinaluhan ng kaniyang mga kapwa-guro.
“Buntis ka ba, Erica? Bakit ka hinimatay?” untag sa kaniya ni Roselyn.
“Hindi ah, ano ka ba. Sinabi ko naman sa iyo, ayoko talaga sa mga video calls at video conferencing.”
“Bakit? For sure, may malalim na kuwento,” sabi ni Roselyn. “Handa naman akong makinig sa iyo. I’m willing to listen.”
Napabuntung-hininga si Erica.
“Sa akin na lang muna siguro. Maiiyak lamang ako kapag naalala ko. Sa takdang panahon, malalaman mo rin.”
Dumating na nga ang pasukan. Walang nagawa si Erica kundi ang harapin ang kaniyang takot para sa tawag ng tungkulin. Sa una, talagang nanginginig siya at namumutla. Subalit habang dumaraan ang mga panahon ay nagagamay at nagagawa na rin niyang humarap sa kaniyang mga mag-aaral, na hindi natatakot na baka bigla na lamang siyang mapatimbuwang dahil sa phobia na kaniyang nararamdaman.
Nagagawa na rin niyang mag-entertain ng mga lalaking nagpaparamdam sa kaniya sa social media. paunti-unti, naibabalik na rin niya ang dating siya: ang dating siya na walang “weirdo” o kakaibang phobia na nararanasan, lalo na sa pakikipag-usap sa ibang tao sa pamamagitan ng video calls o video conferencing.
Isang araw, nag sila ay required na magphysical reporting sa paaralan, inusisa na naman siya ni Roselyn.
“I’m sure naman na may dahilan kung bakit ka nagkakaganyan sa video calls. May traumatic experience ka ba riyan? Siguro may kumalat kang scandal ‘no?” pagbibiro ni Roselyn sa kaniyang katrabaho.
“Siyempre, may malalim na kuwento. Nagkaroon ako ng karelasyon, five years ago. Isa siyang Chinese. Nagkakilala kami sa dating app, pagkatapos ay nagtungo siya rito sa Pilipinas para makipagkita sa akin. Nagustuhan ko naman siya, at naging kami naman. Pagkatapos, bumalik siya sa bansa nila para sa trabaho.
Napromote daw siya sa opisina kaya ibinalita niya sa akin. Masayang-masaya siya noon. Habang nagmamaneho siya pauwi, nag-bi-video call kami.
Maya-maya, kitang-kita ko na may paparating na malaking truck sa kaniyang harapan. Kitang-kita ko kung paano nito nasalpok ang kaniyang sasakyan. Kitang-kita ko ang lahat ng mga pangyayari. Basag na basag ang mukha niya. At ako—wala man lamang akong nagawa para sa kaniya. Kitang-kita ko kung paano siya nawalan ng buhay dahil hindi niya na-off ang video call,” maluha-luhang kuwento ni Erica.
“Kaya mula noon, iniwasan ko na ang video calls o pakikipag-usap sa video conference. Natrauma ako. Naaalala ko ang mga nangyari sa taong mahal ko. Pakiramdam ko may mangyayaring masama sa kausap ko sa kabilang linya kapag ginagawa ko iyon,” paliwanag ni Erica.
“Patawarin mo ang sarili mo, Erica. Hindi mo naman kagustuhan ang mga nangyari,” turan na lamang ni Roselyn.
Matapos dumaan sa pagkonsulta sa isang psychologist at paglaban sa takot na kaniyang nararamdaman dahil na rin sa pangangailangan sa trabaho, natutuhan ni Erica na mapaglabanan ang kaniyang takot sa video calls at video conferencing, na kung isisipin ay napakababaw lamang naman, subalit may malalim palang dahilan.