Minaliit Niya ang Nanay na Maliit ang Ambag at Simple ang Regalo; Pahiya Siya sa Pangaral ng Guro sa Dulo
Malawak ang ngiti ni Rosie. Magandang maganda kasi ang pagkakaayos ng classroom kung saan magdaraos ng christmas party ang klase ng kaniyang anak.
Bilang presidente ng kapulungan ng mga magulang, nais niya na maging perpekto at masaya ang selebrasyon nila ng pasko.
Ilang sandali pa ay isa isa nang nagdatingan ang mga bata kasama ang mga magulang. Kasama din kasi silang mga magulang para naman mabantayan nila ang mga bata.
“Rosie! Congrats ha, ang ganda ganda naman ng pagkakaayos dito!” Nakangiting sinalubong niya si Rina, ang nanay ng kaibigan ng anak niya.
“Siyempre naman, Rina. Para saan ba ang pagbabayad ko ng mahal, hindi ba?” pasimpleng pagbibida niya rito.
Makalipas ang kalahating oras ay halos kumpleto na ang mga bata.
Kasalukuyang nag-aayos si Rosie nang dumating si Diana.
“Hello, Rosie! Pasensiya ka na at nahuli kami, ha.” May kiming ngiti sa labi ng babae nang lingunin niya ito.
Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa babae. Natuon ang pansin niya sa bilao na hawak hawak nito. Hindi niya makita ang dala ng babae dahil natatakpan ito ng dahon ng saging.
“Ano ‘yang dala mo?” usisa niya sa babae.
“Ah, nagluto ako ng puto. Pasensiya na ha, ito lang ang nakayanan eh.” Inilapag nito ang dala sa mesa na halos puno ng kung ano anong pagkain.
Pinigilan ni Rosie ang matawa. Kahit kailan kasi ay napaka-cheap talaga ni Diana.
“Hala, bakit ka pa nag-abala? Nagdala naman ako ng mamahaling cake para sa dessert.” May pekeng ngiti sa ngiti niya.
Nakaramdam siya ng kasiyahan nang tila napapahiyang nagyuko ng tingin ang babae.
“Sayang lang kasi baka wala namang kumain,” dagdag niya pa.
Tila walang nangyari na iniwan niya itong nakatayo malapit sa mesa.
Tuwang tuwa si Rosie dahil nakita niya na talaga namang nag-eenjoy ang mga bata sa inihanda niyang mga palaro at premyo.
Nang dumating ang kainan ay halos matawa siya nang mag-agawan ang mga bata sa cake na dinala niya.
Nakita niya pa ang puto na dala ni Diana na halos hindi nabawasan. Hindi niya mapigilang mapangisi.
Nilapitan niya si Diana. Kasalukuyan nitong kausap si Anya, isa ring nanay. Nagtatawanan ang dalawa habang kumakain.
“Diana, naku, sayang naman ‘yung dala mong puto, hindi nakain,” kunwa’y malungkot na balita niya sa babae.
Hindi pa man nakakasagot ito ay narinig niya na ang matinis na boses ni Anya.
“Ikaw pala ang nagluto ng puto? Kanina ko pa hinahanap ang nagdala, kasi ang sarap sarap. I-share mo sa akin ang recipe, ha,” biro pa nito.
Nagtawanan ang dalawa. “Oo naman, gusto mo bumisita ka sa bahay ay magsasawa sa ka sa puto doon,” ganting biro ni Diana.
Nakaramdam naman siya ng pagkapahiya. Tila kasi nakalimutan na ng dalawa ang kaniyang presensiya dahil bumalik na ang mga ito sa pagkukwentuhan.
Mas lalo pa siyang nainis nang makita ang mga magulang na tila nagustuhan ang puto na dala ni Diana.
“Parents, bakit hindi kayo kumain ng cake? Sapat naman ang dami nun para sa ating lahat, ‘wag kayong mahiya. ‘Wag kayong mag-tiyaga sa puto,” alok pa niya sa mga ito.
“Naku, alam mo naman tayong matatanda, hindi tayo mahilig sa mga ganiyang pagkain,” tanggi ng mga ito.
“Saka ang sarap sarap ng puto na ‘to, sino kayang may gawa?” tanong pa ni Rina.
“Oo nga, hihingin ko ang recipe nito,” pagsang ayon ng isa pang nanay.
Napaismid na lang si Rosie. Wala naman siyang magagawa kung cheap ang panlasa ng mga ito.
At siyempre, hindi matatapos ang selebrasyon kung walang palitan ng regalo na magaganap.
Excited si Rosie dahil talagang naghanda siya ng magandang regalo para sa bawat isa – bag para sa mga nanay at wallet naman para sa mga tatay.
Nasiyahan siya nang marinig ang pagkagulat ng mga ito sa kaniyang regalo.
“Rosie, mamahalin ang mga ito, hindi ba? Grabe sana hindi ka na nag-abala!” hindi makapaniwalang wika ni Rina.
“Oo naman. Hindi naman ako nagreregalo nang mumurahin. Pero ok lang, pasko naman,” malawak ang ngiting tugon niya sa babae.
“Rosie, salamat dito ha,” wika naman ng guro na si Mrs. Pampilo. Sigurado siya na natuwa ito dahil higit na mamahalin ang ibinigay niya rito.
Hinanap ng tingin niya si Diana. May hawak itong paper bag na sa tingin niya ay naglalaman din ng regalo.
Palihim siyang napangisi. Sigurado kasi siya na hindi nito kayang higitan ang naibigay niya.
Maya maya ay narinig niyang nagsalita si Diana.
“May inihanda din ako para sa inyo. Hindi ito kasing mahal ng ibinigay sa atin ni Rosie pero sana ay magustuhan niyo.”
Isa isa silang inabutan nito ng regalo.
Nang buksan niya ay halos mapaismid siya ng makitang simpleng bag iyon. Gawa ito sa gantsilyo, kaya nahulaan niya na ang babae ang gumawa niyon.
Inilibot nya ang tingin. Bonnet naman ang ibinigay nito sa mga kalalakihan, habang isang alampay ang ibinigay nito sa guro.
“Ikaw ang gumawa nito? Sana hindi ka na nag-abala, hindi naman namin magagamit ito,” kunot noong komento ni Rosie.
Natahimik ang lahat. Tila hindi malaman ang isasagot sa maanghang niyang komento.
Pilit na ngiti ang isinukli nito. Bakas sa mukha ang pagkapahiya. “Oo, mahilig kasi ako mag-gantsilyo. Pasensiya na kayo–”
“Naku, Diana! ‘Wag kang humingi ng pasensiya. Gustong gusto ko ang regalo mo! Parang ngayon lang yata may naggantsilyo ng bonnet para sa akin. Napaka-espesyal ng regalo mo,” sabat ni Arthur, isa sa mga tatay.
“Sakto ‘to sa akin, maitatago ko ang napapanot kong ulo,” biro pa ng isa.
Nagkatawanan ang mga ito.
Hindi naman malaman ni Rosie ang kaniyang gagawin. Bakit tila mas nagustuhan pa ng mga ito ang mumurahing regalo na binigay ni Diana?
Nasagot ang kaniyang katanugan nang magsalita si Mrs. Pampilo. Malapad ang ngiti nito habang hawak nito ang alampay na regalo ni Diana.
“Maraming salamat, Diana. Pinaalala mo sa amin na ang diwa ng pasko ay hindi sa mahal o ganda ng regalong nakukuha natin kundi sa pag-alala at pagmamahal na kalakip ng regalo. Oo, masaya makatanggap ng mamahaling regalo subalit hindi ibig sabihin nun ay babalewalain natin ‘yung mga mumurahing regalo. Maliwanag ba ‘yun, mga bata?” pangaral ng guro.
“Opo, Ma’am!” bibong sagot ng mga ito.
“Sa huli, walang regalo ang makakapantay sa regalo na ibinigay ni Hesus para sa atin. Ang sarili niyang buhay. Walang anumang mamahaling regalo ang mkakapantay dun, kaya wala tayong karapatan na magyabang,” dagdag pa ng guro.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Rosie. Napahiya siya sa sarili sa lahat ng ginawa at sinabi niya kay Diana.
Nang matapos ang selebrasyon ay lumapit sa kaniya si Diana.
“Rosie, maraming salamat sa pag-oorganisa mo ng christmas party ha, tuwang tuwa ang anak ko,” nakangiting wika ng babae.
“Naku, wala iyon. Masaya ako na masaya ang mga bata. Merry Christmas sa’yo at sa pamilya mo,” sinserong bati niya sa babae.
Lalo namang lumawak ang ngiti nito. “Merry Christmas din sa’yo,” sagot nito bago tuluyang nagpaalam.
Napangiti si Rosie. Nakaramdam kasi siya ng hindi maipaliwanag na ginhawa sa kaniyang dibdib. Mas masarap pala magdiwang ng pasko nang walang ibang iniisip na masama sa kaniyang kapwa.