Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Dumating sa Kanilang Selda; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Nila?

Isang Matanda ang Dumating sa Kanilang Selda; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Nila?

“Wow! May bago tayong kakosa!” Narinig niya ang malakas na halakhak ni Berto. Agad nitong pinatuloy sa kanilang selda ang baguhan na animo ay nagpapatuloy ito ng bisita sa sarili nitong bahay.

Napalingon tuloy si Dario sa bagong pasok na matandang lalaki. Sa tantiya niya ay nasa higit limampung taong gulang na ang matanda.

“‘Wag kayong gagawa ng gulo diyan kung ayaw niyong malintikan,” bilin ng pulis na naghatid dito bago ito umalis.

Inakbayan agad ni Berto ang matanda.

“Ano naman kasalananan ang nagawa mo, ‘Tang?” kuryosong tanong ni Berto dito.

Hindi sumagot ang matanda kaya tinuro sila isa-isa ni Berto.

“Ayan, si Bruno at Dario, mga tulak ng dr*ga ‘yan. Si Joey, estafa. At ako, nanloob sa bangko. Ayos ‘di ba?” Tumawa pa ito na parang proud na proud sa mga nagawa nilang kasalanan.

“Nakapat*y ako,” maya maya ay wika nito.

Nagkatinginan silang lahat. Alam nilang hindi sila santo pero wala sa kanilang nakagawa ng kasalanan na kasingbigat ng nagawa nito.

Para silang robot na pinanood ang paglapit nito sa papag at pag-upo nito doon.

“Sabi nila, eh. Wala naman akong ginawa na kahit na ano. Ewan ko ba, napadaan lang naman ako tapos maya-maya inaresto na ako dahil ako raw ang tinuturo ng witness,” pagkukwento nito.

“Totoo ba ‘yan? Imposible naman ata ‘yan, iniimbestigahan ‘yan ng mga pulis bago sila dumampot ng suspect,” hindi naniniwalang katwiran ni Joey.

“Hindi mo rin ‘yan masisiguro, Joey. ‘Di ba nga si Makoy, napagbintangan lang din? ‘Yun pala pinagtakpan lang ng mga pulis para hindi madawit ‘yung anak ni mayor,” kontra ni Bruno sa sinabi nito.

Sinuri ni Dario ng tingin ang matanda. Wala nga sa mukha nito ang gagawa ng masama. Napakakalmado ng tindig nito. Pero hindi naman ‘yun maaaring gamitin na basehan.

“Eh, bakit parang wala lang sa’yo, ‘Tang? ‘Di ka ba nag-aalala na hindi ka na makalabas dito?” hindi niya na napigilan pang tanong dito.

Kung totoo nga ang sinasabi nito na wala itong kasalanan ngunit nakulong pa rin, hindi ba dapat ay magalit ito nang husto dahil hindi makatarungan ang nangyari dito?

“Siyempre nag-aalala pero alam niyo, iniisip ko na lang na may rason kung bakit ako narito. Siguradong may dahilan ang Diyos,” paliwanag nito.

Walang nakaimik sa kanila.

Parang napakatagal na noong huli niyang narinig ang salitang ‘Diyos.’ Hindi kasi siya kailanman naniwala na may Diyos. Ang sabi niya pa noon, maniniwala lang siya kung makikita niya ito.

Kasi kung mayroon ngang Diyos, bakit siya Nito pinabayaan? Bakit siya hinayaan Nito na malugmok sa bisyo at mapunta sa kulungan?

Doon natapos ang kanilang pag-uusap.

Mabait si Tatay Lucio, nakikita niya rito ang kaniyang yumaong ama. Iyon rin siguro ang dahilan kung bakit kahit na barumbado silang magkakasama sa selda ay hindi nila kailanman kinanti ang matanda.

Isa pa, kahit papano ay napalapit na sila sa matanda. Napakabait kasi nito.

“Hoy, Dario. Hindi ka ba sasama sa amin?” tanong ni Joey.

Agad na kumunot ang kaniyang noo. “Saan naman?”

“Diyan, kay Tatay Lucio. Tara na. Pagbigyan mo naman ‘yung matanda,” aya nito.

Napabuntong hininga siya. Ilang araw na siya nitong kinukulit na sumama sa bible study na pinamumunuan ng matanda.

Sa kanilang apat na magkakasama sa selda, siya na lang ang hindi pa minsan nakasama sa bible study. Hindi niya nga alam kung paano nagawang kumbinsihin ng matanda ang mga kasama niyang pulos mga brusko at siga.

“Hindi ako interesado,” malamig na sagot niya.

“Sumama ka na. Masaya kaya, ang dami naming natutunan. Basta, sumunod ka kapag gusto mo,” sabi nito bago tuluyang umalis.

Ilang minuto ang lumipas bago siya nagdesisyon na tumayo. Tinutulak siya ng kaniyang kuryosidad na sumunod sa mga kasamahan.

“Bahala na. Kapag ayaw ko, eh ‘di babalik na lang ako rito,” katwiran niya sa sarili habang tinatahak ang daan papunta sa pagpupulong.

Nang makarating sa kung nasaan ang mga ito ay tahimik siyang nag-obserba. Nakabilog ang kaniyang mga kasama, sa gitna ay ang nakangiting si Tatay Lucio na may hawak na maliit na bibliya.

Nandoon rin ang apat na pulis, tahimik na nagbabantay. Mukhang suportado ng mga nagbabantay ang aktibidad. Tama nga naman, dahil mas ayos na ito kaysa naman magrambulan sa selda.

“Oh, may bago pala tayong kasama,” nakangiting pansin nito nang mapansin ang kaniyang presensiya.

Naglingunan ang mga kapwa niya preso sa kaniya. Tahimik siyang umupo sa tabi ni Joey na agad bumulong sa kaniya.

“Buti naman nagbago ang isip mo.”

“Ngayon lang. Ang kulit mo kasi,” balewala niyang sagot dito.

Isa-isang nagsalita ang mga kasama. Gulat na gulat siya dahil doon niya lang nalaman ang tunay na kwento ng mga ito. Hindi naman kasi niya nakakausap ang kahit sino bukod sa mga kasama sa selda.

“Hindi ko naman sinasadya ang nangyari, at sising sisi ako.”

“Kung maibabalik ko lang ang panahon, hinding hindi ko ilalagay sa kamay ko ang hustisya.”

Naluluha pa ang ilan sa mga ito habang nagkuwento ng pinagdaanan at kung bakit humantong ang mga ito sa malamig na selda.

“Gusto mo bang magkuwento sa amin, Dario?” maya maya ay nagulat siya nang bumaling sa kaniya si Tatay Lucio.

Tatanggi sana siya ngunit siniko siya ng kaibigan. Wala na siyang nagawa lalo pa’t tila inaantay siya ng lahat.

Wala siyang nagawa kundi ikwento sa mga ito ang lahat ng nangyari.

Bata pa lamang siya nang iwan sila ng kaniyang ina para sa ibang lalaki. Nagkasakit ang kaniyang ama kakatrabaho para matustusan sila kaya siya ang tumayong breadwinner ng pamilya.

Kung ano ano ang trabahong pinasok niya ngunit nahirapan siyang tustusan ang gamutan ng ama, pag-aaral at pagkain ng mga kapatid.

Kaya nang may mag-aya sa kaniya na magtulak ng dr*ga ay pikit mata niyang pinasok ang trabaho.

Iyon na ang naging simula ng pagbagsak niya. Nagsimula sa isang tikim hanggang sa naging bisyo na.

Dr*ga ang tinakbuhan niya upang makatakas sa sakit ng reyalidad lalo na noong inatake ang kaniyang ama na ikinasawi nito.

Hanggang sa isang araw ay na-raid ang kanilang lungga. Marami ang nakatakas ngunit isa siya sa mga minalas at nahuli.

Pilit niyang pinigilan ang luha na nais kumawala mula sa kaniyang mga mata.

“May plano ang Diyos para sa’yo, Dario. Kailangan mo lang na maniwala at magtiwala sa kaniya,” payo ng matanda habang mabining tinatapik ang kaniyang balikat.

Sa unang pagkakataon simula nang tumapak sa kulungan ay bumuhos ang kaniyang luha. Sa unang pagkakataon kasi ay nakahanap siya ng kakampi.

Pakiramdam niya ay may nakakaintindi na sa kaniya. Malaya niyang naisalaysay ang lahat ng hindi hinuhusgahan ng kahit na sino.

Ang minsan na pagsali niya sa bible study ay naging madalas. Ginusto niya na mag-aral at kilalanin ang Diyos. Unti-unti ay naniwala siyang may pag-asa at hindi pa huli ang lahat para sa kaniya.

Kaya naman kahit na magandang balita ang paglaya ni Tatay Lucio ay lubha siyang nalungkot. Inatras na raw pala ang demanda dito dahil tunay na napagbintangan lamang ito.

“Dario, Bruno, Berto, at Joey. Tandaan niyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo. Mahal ka ng Diyos. Sa tingin ko alam ko na kung bakit niya ako dinala dito, dahil ginawa niya akong instrumento para gabayan kayong lahat palapit sa kaniya. Masaya akong nakilala ko kayong lahat,” madamdaming pamamaalam nito sa huling gabi nito kasama sila.

Bawat isa sa kanila ay binigyan nito ng bibliya bilang regalo bago sila matulog nang gabing iyon.

Nang kinaumagahan ay excited silang gumising para dito ngunit agad iyong napalitan ng matinding kalungkutan.

Hndi na kasi nagising pa si Tatay Lucio. Inatake ito habang natutulog.

“Hindi niya na nahintay ang paglaya niya,” malungkot na wika niya habang hawak ang bibliya na ibinigay nito.

Ngunit kahit na iyon ang nangyari, alam niya sa kaniyang sarili na hindi niya makakalimutan ang lahat ng sinabi nito. Kahit nawala ito ay patuloy niyang kinilala ang Diyos.

Kaya naman matapos ang huling dalawang taon na sintensiya niya sa kulungan at dalawang taon din sa rehab ay handa na siya na harapin ang bagong buhay na kasama ang Diyos.

Makalipas ang ilang taon ay naging isa nang ganap na pastor si Dario. Ginawa niya nang misyon ang pagpapakalat ng salita ng Diyos para sa mga katulad niya na hindi makawala sa kadiliman.

Mabuti na lamang at nakilala niya si Tatay Lucio at natulungan siya nitong makilala ang Diyos. Kung hindi ay baka hindi niya nararanasan ang kapayapaan na kaniyang tinatamasa.

Advertisement