Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya Tiwala sa Babaeng Pakakasalan ng Kaniyang Ama; Hanggang sa Nakilala Niya Ito nang Lubos

Hindi Siya Tiwala sa Babaeng Pakakasalan ng Kaniyang Ama; Hanggang sa Nakilala Niya Ito nang Lubos

“Siya na ang magiging bago mong ina, Stella. Si Christine.” Isang gabi ay ginulat siya ng balita mula sa tatay niya. Kasalukuyan silang kumakain sa isang mamahaling restawran.

Kasama nila ang isang magandang babae na sa tingin niya ay kaedad ng kaniyang namayapang ina.

“Masaya akong makilala ka, Stella. Sana ay mas makilala pa kita,” nakangiting sambit ng babae. Akmang aabutin nito ang kaniyang kamay subalit mabilis niya iyong naiiwas.

“Magpapakasal na kami, anak. Sana ay matanggap mo siya bilang bago mong ina,” masayang anunsiyo ng kaniyang tatay.

Kita ang saya sa mga mata ng dalawa. Hindi nakaligtas sa pansin niya na ang parehas na pagtingin ng kaniyang ama sa babaeng nasa harap niya pati na sa pumanaw niyang ina.

“Bakit ngayon niyo lang po sinabi sa akin? Hindi naman po sa tutol ako, nabibigla lang po ako,” pag-amin niya.

“Matagal na kaming magkakilala si Christine. Pasensiya na at ngayon ko lamang naipaalam sa’yo anak. Ngayon lang kasi ako nagkaroon ng lakas ng loob,” balisang sagot ng kaniyang ama. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Naiintindihan ko po. Pupunta lang ako sa CR,” paalam niya sa dalawa.

Imbes na magpunta sa banyo ay lumabas siya upang sumagap ng sariwang hangin. Natagpuan niya ang sarili sa isang madilim na bahagi sa labas ng restawran.

Hindi inaasahan ni Stella ang plano ng ama na muling pagpapakasal. Hindi niya kilala ang babae. Paano kung huthutan lang nito ang Papa niya?

“Mama. Kumusta ka diyan? Kumusta kayo ni Jane diyan?” mahinang sambit niya habang nakatingala sa madilim na kalangitan na balot ng ulap.

Hinubad niya ang suot na kuwintas kung saan nakalagay ang litrato ng kaniyang ina at ng kaniyang kaibigang si Jane na pawang sumakabilang buhay na.

“Ayos lang po ako dito Mama, ‘wag po kayong mag-alala,” malungkot na sambit niya habang nakatingin sa litrato ng ina.

“Ikaw naman, Jane, naku, sayang. May nakita pa naman akong guwapo doon sa restawran na kinakainan namin. Ganoong ganoon ang mga type mo,” natatawang sambit niya naman habang nakahawak sa mukha ng kaniyang kaibigan sa litrato.

“Sayang at wala ka na,” kapagkuwa’y malungkot na wika nia bago tuluyang isinara ang kaniyang kwintas.

Matagal na panahon na noong iniwan siya ng kaniyang ina dahil sa sakit nito.

Sinundan ito ng biglaang ipagkawala ng kaniyang matalik na kaibigan dahil sa isang aksidente.

Agad na nanubig ang kaniyang mga mata dahil sa pagka-miss sa dalawang babae na mahal na mahal niya. Gustong gusto niyang makita ang mga ito.

Matapos kalmahin ang sarili ay binalikan niya ang kaniyang ama at si Christine. Doon ay tuluyan niyang ibinigay sa dalawa ang basbas sa kasal na inaasam ng mga ito. Gusto niya rin naman gawin ang makapagpapasaya sa kaniyang ama.

Subalit hindi siya tuluyang nagtiwala sa babae. Gusto niya pa rin itong kilatisin.

“Naku naman, Ray! Natapunan mo pa naman ng pagkain ang damit mo! Bata ka ba?” natatawang wika ng kaniyang Tita Christine habang pinupusan ang damit ng kaniyang ama na tawa lamang nang tawa.

Iyon ang eksena na nadatnan niya nang dumating siya sa bahay.

Hindi niya namalayang mapangiti siya sa nakita. Sa ilang linggo niya kasing pag-oobserba ay ni minsan ay wala siyang nakitang pangit na katangian ng babae.

Naisip niya na baka maganda nga kung muling magkakaroon ng ina sa kanilang tahanan. Ikakasal na ang mga ito sa susunod na araw.

Dumiretso siya sa kaniyang silid upang hindi maabala ang dalawa.

Maya maya ay nakarinig siya ng katok sa kaniyang kwarto.

“Pasok po,” tugon niya na hindi inaangat ang tingin.

“Stella, hija.” Narinig niya ang tinig ni Christine.

Gulat na nag-angat siya ng tingin. Iyon kasi ang unang pagkakataon na binisita siya nito sa kaniyang silid.

“Mukhang marami ka pa kasing gagawin kaya tinimplahan kita ng kape,” malumanay na sambit nito bago inilapag ang kape sa kaniyang mesa.

Nahihiyang nginitian niya ang babae. “Naku, salamat po. Nag-abala pa po kayo.”

“Okay lang, ikaw naman.”

“Upo po kayo, Tita.” Iminuwestra niya ang pang-isahang sofa.

Pinaunlakan naman siya nito.

“Gusto lamang kitang makausap bago kami ikasal ng tatay mo bukas. Baka kasi napipilitan ka lang na tanggapin kami,” nag-aalangang pagsisimula nito.

“Masaya po ako para sa inyo. Alam ko pong ito ang magpapasaya sa inyo ni Papa, kitang kita ko po iyon. Sana po ay huwag niyong isipin na hindi ako masaya na magiging magkapamilya na tayo. Kailangan ko lang po ng kaunting oras upang masanay,” sinserong tugon niya sa alalahanin nito.

Hinawakan niya ang kamay ng babae upang ipaalam dito na wala itong dapat ipag-alala.

May kinuha ito sa bulsa nito bago iniabot sa kaniya. Namangha siya nang makita ang ibinigay nito. Isang kuwintas na katulad na katulad ng kwintas niya!

Nang buksan niya ito ay nakita niya ang litrato ng kaniyang ina. Mukhang bata bata pa ito sa litrato na iyon.

“Matagal na kaming magkaibigan ng nanay mo, Stella. Marahil ay hindi mo alam na pinakiusapan niya ako na samahan sa buhay ang tatay mo kung sakali man na mawala siya. Hindi mahirap mahalin ang tatay mo, Stella. At gusto kong tuparin ang pangako ko sa Mama mo,” pagpapaliwanag nito nang mapansin ang naguguluhan niyang ekspresyon.

Tama ito. Hindi niya alam na kaibigan pala ito ng Mama niya.

Natigilan siya nang mapansin ang isa pang litrato. Mas nabigla siya nang makita niya ang larawan ni Jane, ang kaniyang matalik na kaibigan. Bakit mayroon itong larawan ni Jane?

“Bakit po mayroon kayong larawan ni Jane? Kilala niyo po ba siya?” kunot noong tanong niya.

“Oo naman. Si Jane ang nag-iisang anak ko. Teka, ikaw ba yung sinasabi niyang Stella na bago niyang kaibigan?” nanlalaki ang matang sagot nito.

Gulat na napatango siya. Hindi pa rin makapaniwala sa koneksyon na meron sila ni Christine. Madalas maikwento ni Jane sa kaniya ang ina nito noong nabubuhay pa ito. Mahal na mahal nito ang ina.

“Tita, pasensiya na po ha. Hindi ko po nadalaw si Jane sa mga huling sandali niya. Hindi ko po kasi kaya na makita siyang ganun. Gusto kong manatili siya sa alaala ko bilang ang masayahing si Jane,” hingi niya ng tawad sa babae.

“’Wag mong isipin ‘yun, Stella. Salamat dahil naging mabuting kaibigan ka ni Jane, ng anak ko. Alam kong bago lang kayong magkaibigan pero ikaw ang bukambibig niya. Ikaw daw ang bestfriend niya. Alam kong miss na miss ka na niya,” naiiyak na sambit ni Christine.

“Gusto ko na silang makita. Miss na miss ko na sila,” umiiyak na wika niya.

Niyakap siya ng babae.

Tuluyan nang napanatag ang loob ni Stella. Paano ba namang hindi kung ang bago niyang ina ay kaibigan ng kaniyang Mama at nanay pala ng kaniyang bestfriend? Tunay nga na napakaliit ng mundo.

“Ako na ang bahala sa bestfriend mo Mama, basta’t alagaan mo rin si Jane, ha?” naibulong niya habang mahigpit na kapit sa kaniyang kuwintas.

“Ako na ang bahala sa anak mo, Esther. Basta’t ikaw din ang bahala sa anak ko, ha?” tugon naman ni Christine habang mahigpit din ang hawak sa kuwintas nito.

Nagkatinginan ang dalawa at sabay na natawa.

Matapos ang kasal ay mas lalo pang napalapit si Stella kay Christine, lalo pa’t madami pala silang hilig na magkapareho kagaya ng pagluluto.

Tuluyan na niyang nakasundo ito dahil napakamaasikaso nito, gaya ng kaniyang ina, at napakakulit din, gaya ng bestfriend niyang si Jane.

Masayang masaya si Stella. Maaga mang nawala ang dalawang babae na pinakamamahal niya ay tila sinagot naman ng Maykapal ang kaniyang dalangin na bumalik ang mga ito sa katauhan ni Christine.

Advertisement