Labis na Nangangamba ang Ginang dahil Hindi Siya Mabuntis; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Mister
“H’wag ka nang malungkot, mahal. Hindi naman ako nagmamadali na magkaroon ng anak. Kung ibibigay sa atin ng Panginoon ay malugod nating tatanggapin. Sa ngayon ay kailangan muna nating tanggapin na hindi pa nakalaan sa atin ang biyayang hinihiling natin,” saad ni Austin sa kaniyang asawang si Belle.
“Hindi ko lang maiwasan na malungkot, mahal. Ilang taon na rin kasi tayong sumusubok pero laging ganito ang kinakalabasan. Minsan nga ay nais ko na lamang sumuko. Ginagawa ko naman ang lahat ng sinasabi ng mga doktor. Iniinom ko naman ang mga gamot na ibinibigay nila pero bakit ganito palagi ang resulta?” naiiyak na wika naman ng maybahay.
“Hayaan mo at hindi tayo hihinto na sumubok, mahal. Isang araw ay ibibigay din sa atin ang magkaroon ng isang anak. ‘Wag tayong mawawalan ng pag-asa,” sambit pa ng ginoo.
Ngunit kahit ano pang sabihin ni Austin ay talagang pinanghihinaan na ng loob si Belle.
Limang taon nang kasal ang mag-asawa at sa puntong ito ay hindi na mawala ang kanilang pagnanais na mabuo ang kanilang pamilya at magkaroon ng mga anak. Ngunit kahit ano pa ang gawin ng dalawa ay hindi mabuntis-buntis si Belle.
Marami na silang sinubukan na paraan ngunit wala pa ring umeepekto sa kanila.
“Alam mo, bes, minsan talaga pinanghihinaan na ako ng loob. ‘Yung tipong ayaw ko na talagang sumubok pa. Ang dami na kasi naming ginawa ni Austin pero tignan mo, hindi pa rin ako mabuntis-buntis. Alam mo ba ‘yung pakiramdam na tila walang silbi? Ganoon ang pakiramdam ko sa aking sarili,” pahayag ni Belle sa kaniyang kaibigang si Megan.
“H’wag ka ngang magsalita ng ganiyan. Mali ang iniisip mo,” tugon naman ng matalik na kaibigan.
“Magsayaw ka kaya sa Obando, bes?” mungkahi pa ni Megan.
“Nagawa ko na rin ang bagay na iyan, bes. Pero wala pa rin,” malungkot na tugon ni Belle.
“H’wag ka nang ma-istres kasi baka nakakadagdag pa iyan sa nangyayari sa iyo kaya hindi ka mabuntis. H’wag mo masyadong pwersahin ang sarili mo, Belle. Ibibigay din sa’yo ang anak na pinakahihiling mo. Saka ayos lang naman kay Austin kahit hindi mo siya mabigyan ng anak. Ano pa ba ang ikinababahala mo?” sambit muli ni Megan.
“Pakiramdam ko ay sinasabi lang ni Austin ang bagay na iyan sa akin upang hindi ako masyadong mag-isip. Pero alam ko sa loob-loob niya ay nais na rin niyang magkaroon ng anak. Marami pa naman akong nababalitaan at nababasa na ipinagpapalit dahil lamang sa hindi niya magawang bigyan ng anak ang asawa,” tugon ng ginang.
Patuloy ang pag-aalala ni Belle sa kaniyang kalagayan. Sa tingin niya kasi ay hindi na talaga siya magkakaanak pang muli. Hanggang sa isang araw ay hindi siya dinatnan ng kaniyang buwanang daloy.
Hindi muna niya sinabi ito sa kaniyang asawa. Hanggang umabot na ito ng isang linggo at sumubok siya na mag-pregnancy test.
Laking gulat niya nang makita na dalawang guhit ito.
Nangangatog siyang ipinakita sa asawa ang resulta.
“Mahal, buntis ako! Buntis ako!” maligaya nitong sambit sa asawa.
Nang makita ni Austin ang resulta ay labis din itong ikinatuwa ng ginoo. Kaya agad-agad silang pumunta ng doktor upang ipatingin ang pagbubuntis ng asawa.
Ayon sa doktor ay maselan daw ang pagbubuntis nito at kailangan ng sapat na pahinga. Lahat ng bilin ng espesiyalista ay snusunod naman ng mag-asawa hanggang sa isang araw ay laking takot ni Belle nang bigla na lamang siyang duguin.
Agad siyang isinugod ni Austin sa ospital.
“Dok, ano po ang lagay ng bata?” agad na tanong ni Belle.
“Pasensiya ka na ngunit ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na hindi ka nagdadalantao,” deretsang pag-amin ng doktor.
“A-anong ibig po ninyong sabihin na walang bata sa sinapupunan ko?” natatarantang tanong ng ginang.
“Hindi ka buntis, Belle. Ang nangyari sa iyo ay isang bihirang kundisyon. Hindi ka buntis at mayroon kang karamdaman sa matres,” paliwanag pa ng doktor.
“Sa kundisyon mo ngayon, Belle, kailangan mo ng agarang operasyon upang hindi na lumaki pa ang bukol. Pero ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na kapag tinanggal na ang matres mo ay wala ka ng tyansa pang magkaroon ng anak,” pahayag pa nito.
Labis ang pag-iyak ni Belle sa sinabi ng doktor. Hindi niya matanggap ang nangyari sa kaniya. Ngunit kailangan na niyang sumailalim agad sa operasyon kung hindi ay malalagay sa bingit ang kaniyang buhay.
Nagkaroon ng depresyon si Belle. Labis niyang ikinalungkot na hindi na niya mabibigyan pa ng anak ang kaniyang asawa. Ngunit hindi umalis si Austin sa kaniyang tabi at inalagaan siya.
“Bakit kahit na hindi kita magawang bigyan ng anak ay nananatili ka pa rin sa akin?” tanong ni Belle sa asawa.
“Wala na akong pakinabang, Austin. P’wede mo na akong iwan kahit kailan mo gusto. Hindi kita sisisihin o hindi ako magagalit. Alam kong kasalanan ko ito,” dagdag pa ng ginang.
Niyakap na lamang siya ni Austin ng mahigpit.
“Ganoon ba kababaw ang tingin mo sa pagmamahal ko sa iyo?” tanong ng ginoo.
“Nananatili ako sa tabi mo sapagkat ito ang sinumpaan ko sa harap ng Diyos at sa harap ng tao. Nananatili ako sapagkat mahal na mahal kita, Belle. At wala akong pakialam kung ano man ang kakulangan mo sapagkat kahit ano pa ‘yan, mananatili ako sa sayong-sayo lamang,” pahayag ni Austin.
Hindi na napigilan pa ni Belle na pumatak ang kaniyang mga luha.
“Dito lang ako sa tabi mo, mahal, hanggang sa bumalik muli ang matatamis mong ngiti. Kung hindi na talaga tayo magkakaanak pa ay itutuon ko na lamang ang lahat ng lahat at buhay ko upang pasayahin ka at pagsilbihan ka sapagkat mahal na mahal kita,” dagdag pa ng kaniyang mister.
Naging tapat si Austin sa kaniyang pangako sa asawa. Sa tagal ng kanilang pagsasama ay hindi kailanman niya isinumbat sa misis ang kakulangan nito. Kahit hindi sila nagkaroon ng anak ay masaya silang nagsama.
Nanumbalik ang pagiging masayahin ni Belle. Sa wakas ay natanggap na rin niya ang kanilang sitwasyon. Lubos ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang mister na hindi umalis sa kaniyang tabi at pinatunayan na kaya siyang mahalin sa kabila ng lahat ng mga bagay na hindi niya kayang ibigay.