Inday TrendingInday Trending
Humahagulhol ng Iyak ang Binata nang Maabutan Siya ng Kaniyang Kaibigan; Ito ang Dahilan ng Kaniyang Pag-Iyak

Humahagulhol ng Iyak ang Binata nang Maabutan Siya ng Kaniyang Kaibigan; Ito ang Dahilan ng Kaniyang Pag-Iyak

Pagod na pagod na ang katawan ni Bryan sa maghapong trabaho. Gustong-gusto na niyang umuwi, upang makapagpahinga na. Ngunit kinailangan niyang mag-over night, dahil may mga kailangan pa siyang tapusin. May hinahabol silang deadline.

“Ma, hindi na muna ako makakauwi ngayon,” kausap ni Bryan sa kabilang linya.

“Gano’n ba, anak? D’yan ka pa rin matutulog ngayon sa pinagta-trabahuan mo?” Tanong ng ina sa kabilang linya.

Tatlong araw na rin mula noong huling umuwi si Bryan sa bahay nila at totoong namimiss na niya ang mama niya, lalong-lalo na ang luto nito. Pati ang buo niyang pamilya.

“Opo. Dito na lang po muna ako matutulog sa trabaho ko. Dito na rin ako kakain sa malapit na kainan,” nahahapong kausap ni Bryan sa ina.

“Miss ka na ng mga pamangkin mo, Bryan,” malungkot na tugon ng kaniyang ina.

“Hayaan mo ma. Babawi na lang ako kapag natapos ko na ang kailangan kong tapusin rito. Okay ma. Salamat po. I love you, mag-iingat kayong lahat d’yan,” aniya saka pinatay ang tawag ng ina.

Totoong napapagod na ang katawan ni Bryan sa pagtatrabaho. Parang gusto niyang bumalik ulit sa pagkabata. ‘Yong walang ibang iniisip at inaalala.

“Narito na ang order mo, Bryan,” masiglang wika ni Arturo, ang pang-gabing taga-luto ng suki niyang kainan.

Kapag nag-oover night siya’y lagi niyang nakakausap ang lalaki. Kaedad lamang niya ito kaya nagkakasundo silang dalawa. Hindi napigilan ni Bryan ang humagulhol ng iyak sa nakitang inilapag ni Arturo na pagkain. Mas lalo niyang namiss ang ina.

“Hala! Bakit, Bryan?” Nagtatakang tanong ni Arturo.

“Namiss ko lang ang mama at papa ko, Arturo,” humihikbing paliwanag ni Bryan.

Nais mang matawa ng lalaki’y pinigilan niya ang sarili. Sinong malaking tao ang iiyak, kasi namimiss lang nila ang mga magulang nila. Ngunit sa kabilang banda ay naiintindihan ni Arturo si Bryan, dahil ganyan din ang nararamdaman niya sa sariling pamilya.

“Gano’n talaga, Bryan, kapag malaki ka na’t sinisikap na mamuhay sa sarili mong paraan. Hindi mo talaga maiiwasang mapahiwalay sa mga magulang mo. Buti ka nga’t saglit mo lang silang hindi nakikita. Ako nga noong nagsimula akong magsikap sa sarili kong paraan ay iniwan ko ang pamilya ko sa probinsya at sumubok dito sa Manila. Para makatulong sa kanila.

Araw-araw umiiyak ako kasi namimiss ko ang pamilya ko. Pero makalaunan, nasanay rin ako. Namimiss ko pa rin naman sila, kaya ang lagi kong ginagawa’y araw-araw din akong tumatawag sa kanila upang kamustahin sila,” nakangiting wika ni Arturo.

“Hindi ako sanay sa ganitong pakiramdam. Parang ang lungkot-lungkot at hindi ako sanay na hindi sila nakakasalo sa pagkain,” ani Bryan.

Agad namang ginulo ni Arturo ang buhok ng kaibigan. “Gano’n talaga. Ang lungkot kayang kumain na mag-isa. Ako nga, kahit sanay na akong mag-isa, nalulungkot pa rin ako.”

“Anong ginagawa mo para mawala ang lungkot?”

“Tumatawag ako sa kanila bago ako kakain. Tapos gaganahan na akong kumain,” wika ni Arturo.

“Gano’n ba ‘yon?” Nakangiting wika ni Bryan.

“Oo. Masaya na ako kahit nakikita ko lang sila sa video call o ‘di kaya minsan naman ay nakakausap ko sila sa selpon. Kuntento na ako roon. Wala akong magawa e, ang layo nila sa’kin. Inisip ko naman kung hindi ako magtatrabaho at hihiwalay sa kanila’y sino ang susuporta sa kanila?

Kaya isipin mo na lang na ang ginagawa mo ngayon ay isang sakripisyo para sa kanila. Matatapos din iyang trabahong lagi mong pinagpupuyatan at makakasama mo ulit ang pamilya mo,” wika ni Arturo.

“Ang hirap pa lang maging adult, Arturo ‘no?” Tumatahan ng wika ni Bryan.

“Naku! Sinabi ko pa,” ani Arturo. “Minsan nga’y parang gusto kong hingin na sana maging bata na lang ako ulit. Iyong kasama ko ang buong pamilya ko, masaya kami at wala akong ibang pino-problema kung ‘di ang paglalaro lamang.

Kapag kasi isa ka ng adult. Bukod sa marami ka ng obligasyon, kailangan mo pang magsakripisyo para sa kanila,” malungkot ngunit nakangiting wika ni Arturo.

“Pero bilib pa rin ako sa’yo kasi nakakayanan mo ang lahat. Ako nga tatlong araw ko pa lang silang hindi nakikita’y pakiramdam ko taon na ang lumipas.

Miss na miss ko na ang pamilya ko. Kahit hindi kami perpekto at madalas na magkasagutan at mag-away, nakakamiss rin pala kapag napalayo ka sa kanila,” wika ni Bryan. Isang malaking realisasyon sa sarili.

Isang matamis na ngiti na lamang ang isinagot ni Arturo, saka inabutan ang kaibigan ng isang malamig na tubig upang tuluyan nang kumalma ang nag-uumapaw nitong emosyon.

Walang perpektong pamilya, pero totoong nakakalungkot at nakakamiss kapag nagkahiwa-hiwalay na kayo.

Advertisement