Inday TrendingInday Trending
May Rebelasyong Ibubunyag ang Groom; Isang Lihim na Parehong Magpapalaya sa Kanila ng Kaniyang Bride

May Rebelasyong Ibubunyag ang Groom; Isang Lihim na Parehong Magpapalaya sa Kanila ng Kaniyang Bride

“Ariel, congratulations. Sa wakas ikakasal ka na rin,” masayang bati ni Tiya Pamela sa kaniya.

Matamis na ngumiti si Ariel saka niyakap ang tiyahin. “Salamat, tiya.”

“Masaya ako para sa iyo, anak,” anito saka maya maya rin ang nagpaalam sa pamangkin.

Halos lahat ng kaniyang pamilya ay masaya sa gaganaping kasalan. Akala kasi ng mga ito’y wala na siyang balak pang mag-asawa. Kaya lubos ang sayang nadarama ng mga ito, nang sabihin niyang may nobya na siya. Mas lalong sumaya noong inanunsyo niyang ikakasal na siya sa nobyang si Jenny.

Masaya ang lahat. Mula sa kaniyang pamilya hanggang sa pamilya ng kaniyang mapapangasawa na ngayon ay anim na buwan nang buntis. Lingid sa kaalaman ng lahat ay may napaka-mahalagang anunsyo rin siyang gagawin sa araw na ito.

“Hello sa inyong lahat,” bati ni Ariel sa mga bisita. “Salamat sa pagpunta niyo sa pinakamahalagang araw ng aking kasal. Nga pala, bago natin simulan ang okasyong ito’y may nais lang pala akong ipakita sa inyong lahat. Itong bagay na ito’y halos dalawang buwan kong pinag-aralan, bago ko nakumpleto ang bawat detalye,” wika ni Ariel habang may hinahalungkat sa dalang laptop.

Sabik naman ang lahat na malaman kung ano ang bagay na sasabihin ni Ariel.

“Bago ko nga pala sana ituloy ang kasalang ito’y may nais na muna akong ipakita sa inyong lahat, lalong-lalo na sa pamilya ng mapapangasawa ko,” ani Ariel saka ipinakita ang bidyo na nasa laptop na naka-konekta sa projector.

“Patawarin mo ako, Jenny, kung sa ganitong paraan ko naisip na isiwalat ang bahong matagal mo nang itinatago sa’ming lahat,” ani Ariel. Malayo sa emosyong sinasaad ng mukha.

Rinig sa buong paligid ang malakas na singhapan ng mga bisita. Nilingon ni Ariel ang mukha ng pamilya ni Jenny na hindi makapaniwala sa nakikita. Gano’n rin ang kaniyang pamilya na mas lalong nagulat sa mga pangyayari.

Makikita sa bidyo si Jenny kasama ang nobyo nito. May ginagawang milagro. Kuha iyon ng CCTV na kinuha pa niya sa isang hotel na laging pinupuntahan ng nobya at ng nobyo nito.

“Nang sabihin mo sa’king tatlong buwan ka nang buntis, noong nasa barko pa ako’y agad akong napaisip, Jenny, kung totoo nga bang sa’kin ang bata o hindi. Pinilit kong burahin ang masamang isipang iyon, sapagkat mas dapat akong magtiwala sa’yo, dahil nobya kita.

Hanggang isang araw ay tumawag sa’kin ang isang nagmamalasakit na kaibigan. Aniya’y nakita niya kayo ni Ronald, magkasamang pumasok sa isang hotel. Ayoko pa ring maniwala, sapagkat iniisip kong hindi mo magagawa ang bagay na iyon sa’kin. Sa tropa ko pa talaga.

Pero noong nakita ko ang bidyo na ito’y. Nabuo ang lahat ng pagdududa ko. Binilang ko ang huling pagtata*lik natin at nakumpirma kong buntis ka na, bago pa man ako muling sumampa noon sa barko,” mahabang wika ni Ariel.

“Anong ibig sabihin nito, Jenny!” Galit na wika ni Mang Juan, ang ama ng babae.

Umiiyak na nakikiusap si Jenny na itigil na ang bidyong pinapalabas. “Magpapaliwanag ako, Ariel,” nakikiusap na wika ni Jenny sa nobyo.

“Ano pang ipapaliwanag mo Jenny? Ide-deny mo ba ang lahat na hawak kong ebidensya?”

“Hindi,” humihikbing wika ni Jenny. “Patawarin mo ako. Ang totoo’y gusto ko na rin namang aminin sa’yo ang lahat. Minahal naman kita, pero hindi ko kaya ang malayong relasyon, Ariel. Hindi ko kaya ang kagaya sa set-up nating dalawa,” pag-amin ni Jenny.

“Anong ibig mong sabihin, Jenny!” Galit na singit ni Mang Juan.

“Nagmamahalan kami ni Ronald. Patawarin niyo kami kung mali man iyon. Pero si Ronald ang nagbigay sa’kin ng pagmamahal na hindi mo kayang ibibigay, Ariel,” tumatangis na wika ni Jenny. “Hindi ko ginustong umabot sa ganito. Patawarin mo ako kung hindi ko man agad naamin sa’yo ang totoo,” dugtong pa nito.

“Bakit kailangang umabot sa ganito, Jenny?”

Yumuko si Jenny. “Dahil hindi ko rin kayang aminin sa’yo ang totoo. Patawarin mo ako, Ariel.”

“Kung sinabi mo ito ng mas maaga’y hindi tayo aabot sa ganito,” ani Ariel na ang tinutukoy ay ang nagastos sa gaganapin sanang kasal. “Hindi din sana kita napahiya ng ganito. Kaya ko namang tanggapin kung sinabi mong hindi mo na ako mahal. Kaya naman kitang palayin. Sana hiniling mo nang mas maaga sa’kin,” naiinis na wika ni Ariel.

“Patawarin mo ako, Ariel. Wala akong kayang sabihin kung ‘di sana mapatawad mo ako,” nakayukong wika ni Jenny.

Matagal na pa lang ginusto ni Jenny ang kumalas sa kaniya, ngunit wala itong lakas na loob na gawin iyon. Mabuti na lang at hindi hinayaan ni Ariel na lokohin siya ng babae.

Mahirap makipaghiwalay. Pero kung hindi mo na kayang lumagay sa isang relasyon ay kumalas ka na. Huwag nang paabutin sa isang malaking eskandalo.

Advertisement