Dahil sa Pambabaeng Disenyo ng Motor Niya’y, Pinagtakhan na ng Iba ang Tunay Niyang Kasarian; Ito Pala ang Buong Katotohanan
“Hoy kumare!” Tawag ni Elisa sa kumareng si Alice. “Hali ka muna’t may itatanong lang ako sa’yo.”
Nagtataka man si Alice ay lumapit siya sa kumareng tumawag sa kaniya. “Ano iyon, mare?”
“May nais lang akong itanong tungkol sa kapitbahay mong si Alvin.”
Wala sa loob na agad namang nagsalubong ang kilay ni Alice sa sinabi ni Elisa. “Anong meron sa kaniya?”
“Napansin mo ba ang kulay ng motor niya? ‘Di ba’t kulay pink at Hello Kitty pa. Ano ba ‘yan siya Mareng Alice, ba*kla?”
“H-ha?” Hindi alam ni Alice kung ano ang dapat niyang ibigay na sagot sa kumare. Napapansin niyang kulay pink at Hello Kitty ang design ng motor ni Alvin, pero minsan man ay hindi niya naisip na ba*kla ang lalaki.
“Alam mo hindi naman kataka-takang ba*kla siya. Pero buti at natanggap siya ng kaniyang asawang si Marian,” dugtong pa ni Elisa.
“Alam mo mare ah, kailanman ay hindi sumagi sa isipan kong ba*kla si Alvin. Saka ano naman kung trip niyang kulay pink at Hello Kity ang design ng kaniyang motor ‘di ba? Siya naman ang gumagastos no’n at hindi tayo,” ani Alice sabay kibit balikat.
“Alam ko, mare. Pero hindi kasi bagay sa isang lalaki ang gano’ng kulay. Hindi ba’t nakakaba*klang isipin kapag ganyan ang dala mong motor. Pero parang sa nakikita ko’y tuwang-tuwa pa siyang ibalandra ang motor niyang pambabae,” sagot ni Elisa.
“Mare, uso na ngayon sa mga lalaki ang magsuot at gumamit ng kulay pink. Hindi ko alam ang rason ni Alvin, pero wala naman akong nakikitang mali sa ginagawa niya. Mas maigi mare na huwag na lang natin silang pakialaman,” pahapyaw na payo ni Alice sa kumare.
Agad namang umismid si Elisa. “Hmp! Naaawa lang ako kay Marian. Buti at nasasakyan niya ang kabak*laan ng asawa niya.”
Hindi napigilan ni Alice ang paikot ang kaniyang mga mata sa sinabi ni Elisa. Aalis na sana siya nang makitang papalapit na ang motor ni Alvin sa pwesto nila. Agad niya itong pinara, upang mas malinawan ang mga katanungan ni Elisa.
“Alvin, pasensiya ka na ah. Nagmamadali ka ba?” Tanong ni Alice.
“Hindi naman masyado. May kailangan ka ba, Alice?”
“Ahh, ako wala akong kailangan sa’yo. Pero itong si Elisa, may mga gusto siyang malaman tungkol sa’yo,” nakangiting sagot ni Alice.
Agad naman siyang siniko ni Elisa.
“Itanong mo na mismo kay Alvin ang mga bagay na gumugulo sa isipan mo Mareng Elisa. Alam mo kasi, mas maiging sa kaniya mo mismo marinig ang tinatanong mo sa’kin kanina.
“Ano ba iyon, Elisa?” Nakangiting baling ni Alvin sa namumutlang si Elisa.
Ngunit tila nalunok na yata ni Elisa ang sariling dila nito, kaya si Alice na lamang ang nagtanong sa mga itinanong kanina sa kaniya ni Elisa.
“Nais lang malaman ni Elisa, kung bakit napili mong kulay pink at Hello Kitty ang design ng motor mo, Alvin. Unusual nga namang isa kang lalaki tapos bukod sa pambabae ang motor mo’y para pa itong pambata,” tanong ni Alice.
Hindi naman niya gustong mapahamak at ipahiya ang kaibigan. Nais lang niyang malinawan ito sa mga pagdududang wala naman talagang basehan.
Nagpakawala muna ng malakas na tawa ni Alvin bago sinagot ang tanong ni Alice. “Ahh, gano’n ba? Actually natuwa lang din talaga ako sa kulay pink at Hello Kitty. ‘Yong mga pamangkin ko kasi ang may pakana nito. Gusto nilang lagyan ko ng design na Hello Kitty ang motor ko para cute daw tignan.
No’ng una’y nag-alinlangan ako, kasi baka mamis-interpret ng iba. Baka isiping nababak*la na ako. Pero no’ng nilagyan ko ng Hello Kitty sticker ang harapan ng motor, sobrang saya nila at lagi nilang pinupuri ang motor ko.
Kaya ang ginawa ko’y pinalitan na lang ng tuluyan ang design. Cute nga naman talaga. Bukod sa mga pamangkin ko’y nakakakuha din ng magandang feed back ang motor ko sa iba. Wala namang masama ‘di ba kung gustuhin kong mag-Hello Kitty. Uso naman iyon ngayon,” nakangiting paliwanag ni Alvin.
Palihim na siniko ni Alice si Elisa. “Oo naman, Alvin. May kaniya-kaniyang trip naman tayo at sadyang iyan ang trip mo kaya ipagpatuloy mo ‘yan. Maganda at cute naman talaga ang Hello Kitty, ta’s mas lalo ka pang makakakuha ng atensyon kasi lalaki ka ngang may-ari ng pambabaeng motor,” ani Alice.
Malakas ma tumawa si Alvin. “May nagdududa ba sa kasarian ko kasi Hello Kitty ang motor ko?”
Gustong sabihin ni Alice na si Elisa ang taong iyon. Ngunit tumawa na lang siya at sinabing wala naman. Kaya nagpaalam na si Alvin sa kanilang dalawa.
“‘Di ba? Hindi por que naka-pink at Hello Kitty, bak*la na. Okay?” baling ni Alice sa kaibigan.
“Sorry naman.” Nakayukong wika ni Elisa.
May kaniya-kaniyang gusto at panlasa ang bawa isa sa’tin. Hindi por que, hindi mo nagugustuhan ang hilig o panlasa ng iba’y huhusgahan mo na.