Pinandirihan ang Matanda Dahil sa Sakit Nito sa Balat; Nagulat ang Lahat nang Lumabas Ito mula sa Pagtatago
“Tito Ramon, happy birthday po!” masayang bati ni Dara sa kaniyang paboritong tiyuhin.
“Ang paborito kong pamangkin!” malugod naman siyang niyakap nito. Napangiti siya nang maluwag.
Masasabi ni Dara na ito ang pinakamalapit niyang kamag-anak. Hindi man sila tunay na magkadugo ay mahal na mahal niya ang matanda dahil napakabait at matulungin nito. Kahit hindi siya tunay na anak ng kapatid nito ay itinuring siya nitong tunay na pamangkin.
Minasdan niya ang tiyuhin na mukhang giliw na giliw sa pagbati sa mga bisita nito.
Matanda na ang kaniyang tiyuhin pero hindi pa rin ito nagbago. Napakahilig pa rin nito maghanda ng maliit na party para sa kanilang pamilya.
Ito rin ang pinakamayaman sa angkan nila kaya naman talagang napakarami sa mga kamag-anak nila ang mahigpit ang kapit sa matanda.
Wala kasi itong sariling pamilya o anak. Kaya naman marami ang naghihintay kung sino ang magiging tagapagmana ng matanda.
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang isang panauhin ang atensyon ng mga bisita.
“Kuya Ramon!” malakas na pagbati nito.
Marami ang tumaas ang kilay nang dumating ang kaniyang Tita Alice, ang bunsong kapatid ng kaniyang Tito Ramon.
Agaw pansin ang babae sa suot nitong hapit na hapit na pulang damit. Maging ang mahahaba nitong kuko ay napipinturahan ng matingkad na pula.
“Alice! Mabuti naman at nakarating ka! Matagal na simula nung huli kitang makita!” Mahigpit na niyakap ng matanda ang nakababata nitong kapatid.
Umugong ang bulungan ng ilan sa kanilang mga kamag-anak. Hindi naman kasi lihim sa kanilang pamilya na nalugi ang negosyo ng kaniyang Tita Alice.
Kaya ang usap usapan ay umaaligid ito sa kapatid nito upang manghingi ng pera.
“Maraming salamat sa pagpunta niyo. Alam niyo naman siguro kung bakit ko kayo pinapunta dito, hindi ba? Matanda na ako at ilang panahon na lang ay mawawala na ako sa mundo. Gusto ko naman na may mangasiwa ng aking mga maiiwan upang maipagpatuloy ko ang aking nasimulan dito,” mahabang paliwanag nito.
“Tito Ramon, ‘wag mo namang sabihin ‘yan. Mahaba pa ang itatagal mo dito,” saway ni Dara sa tiyuhin.
Natawa lamang ito. Nakita niya sa gilid ng kaniyang mata ang pag-irap ng kaniyang Tita Alice.
Nagtayo ng isang ampunan ang kaniyang Tito Ramon. Ang layon nito ay pangalagaan ang mga matatanda na may malubhang sakit at walang kakayahan maipagamot ng kani kanilang pamilya.
“Kuya, pinag-iisipan pa ba ‘yan? Hindi ba’t ako ang dapat nauuna sa listahan dahil ako bunso mong kapatid? Tunay na magkamag-anak tayo,” pasaring ng kaniyang Tita Alice bago siya pinukol ng masamang tingin.
“Alice,” saway naman dito ni Tito Ramon.
“Tito Ramon, tama si Tita Alice. Dapat kaming mga tunay na kamag-anak mo ang makinabang,” segunda naman ni Brenda, isa sa mga pinsan niya.
Tumaas man ang kilay nito ay hindi ito nagsalita. Pinukol siya nito ng tingin na tila humihingi ng paumanhin.
Nginitian niya ang butihing tiyuhin.
“Hindi naman po ako interesado sa ari-arian ni Tito Ramon. Ang mahalaga lang po sa akin ay may mangasiwa rito na malinis ang intensyon,” nahihiyang sagot niya sa mga kamag-anak.
Ngumiti naman nang malawak ang kaniyang Tito Ramon, tila proud na proud ito sa sinabi niya.
Totoo naman iyon. Hindi niya naman kailangan ng malaking ari arian. Una sa lahat, komportable naman ang pamumuhay niya dahil malaki rin ang iniwan sa kaniya ng mga namayapang magulang. Ikalawa, kagaya ng kaniyang tiyuhin ay masaya na siya na makitang nakakatulong sila sa mga matatanda na may karamdaman. Kaya nga siya na ang itinuturing na katuwang nito sa pagtataguyod ng foundation.
“Pag-iisipan ko ang mga sinabi niyo. Maghahanda ulit ako ng salo-salo kapag nakapagdesisyon na ako,” sagot nito sa kanila.
Tila nawala naman ang tensiyon dahil sa sinabi nito. Masayang nagkwentuhan ang lahat habang nagsasalo-salo sa isang masaganang hapunan.
Subalit ang salo-salo na iyon ay hindi na nangyari. Dahil makalipas lang ang ilang araw ay nabalitaan niya na nagkasakit ang tiyuhin. Matanding sakit sa balat daw ang dumapo sa matanda.
“Bisitahin naman natin si Tito Ramon. Malamang nalulungkot ‘yun, dahil sanay siya na maraming tao sa bahay niya,” isang araw ay yaya niya sa mga pinsan.
“Ay naku, hindi ako pumunta dun ‘no! Mamaya mahawahan niya pa ako!” maarteng tanggi ni Lizzie.
“Malamang nakuha niya ‘yan dun sa mga matandang sakitin sa ampunan! Sinasabi ko na nga ba at malaking problema ‘yang ampunan na ‘yan, eh! Ikaw naman kasi, kinukunsinti mo pa!” maya maya ay sikmat sa kaniya ng kaniyang Tita Donna, ina ni Lizzie.
Napayuko na lamang si Dara sa sinabi ng kaniyang tiyahin.
Sinubukan niyang kausapin ang iba nilang kamag-anak ukol sa kalagayan ng kaniyang Tito Ramon subalit wala ni isang gustong bumisita rito. Natatakot daw ang mga ito na mahawa ng sakit.
Wala siyang ibang maisip maliban sa kaniyang tiyuhin na nag-iisa at may sakit.
Kaya naman bagaman mag-isa ay binisita niya pa rin ang kaniyang pinakamamahal na tiyuhin.
“Ma’am Dara, wala hong bisitang tinatanggap si Sir, ‘yun po ang mahigpit na bilin niya,” nahihiyang wika ng katiwala nang dumalaw siya sa bahay ng kaniyang Tito Ramon.
“Sige na, Manang Rosa, ako naman ho ito,” nagtatampong pakiusap niya sa matanda.
“Pasensiya na po talaga, Ma’am, magagalit po si Sir,” muling tanggi ng babae.
Kahit na ni minsan ay hindi niya nakausap ang tiyuhin, walang mintis na linggo linggo niyang dinadalaw ang matanda upang kumustahin ang lagay nito.
Halos umabot din sa dalawang buwan na ganoon ang lagay ng kaniyang tiyuhin kaya naman ganun na lang ang tuwa niya nang isang araw ay pagbuksan siya nito ng pinto at muli niyang nakita ang maganda nitong ngiti.
“Ang paborito kong pamangkin!” nakangiting pagbati nito.
Walang pag-aalinlangan na niyakap niya ang matanda. Miss na miss niya ang kaniyang mabait na tiyuhin.
“Kumusta ka na, Tito? Wala ka nang sakit?” nag-aalalang tanong niya rito bago niya ito pinasadahan ng tingin. Mukha namang malusog ang matanda.
Ngumiti lamang ang matanda at misteryosong ngumiti.
Isang pagsasalo-salo ang inihanda ni Ramon. Masayang-masaya naman ang bawat isa na magaling na ang matanda.
“Tinipon ko kayo rito upang malaman niyo ang aking magiging desisyon ukol sa pagkakatiwalaan ko ang lahat ng aking ari-arian,” nakangiting pagsisimula nito.
“Kuya? Kagagaling mo lang sa sakit, hindi ba? Hindi ba dapat pag-isipan mo nang mabuti ‘yan?” alanganing wika ng kaniyang Tita Alice Marahil ay kinakabahan ito. Ngayon lang kasi ito nagpakita ulit sa kanila.
“Ginamit ko ang huling dalawang buwan upang malaman ko kung sino ang tunay na nararapat.” May makahulugang ngiti sa labi nito.
Ang nakangiting mukha ng mga kamag anak ay agad na napalitan ng kaba. Lahat ay naghihintay sa susunod na sasabihin ng kaniyang tiyuhin.
“At ang napili ko ay walang iba kundi si Dara.”
Namayani ang katahimikan. Walang makapagsalita.
Nang makabawi ang lahat ay pumaimbabaw ang galit na tinig ni Alice.
“Bakit ba gustong gusto mo ang ampon na ‘yan? Siya na nga ang nakinabang ng lahat ng pera ng mga umampon sa kaniya!” mataas na boses na komento ni Alice. Sa mukha nito ay kitang kita niya ang galit.
“Iyon nga nga eh. Hindi ko siya tunay na kadugo pero siya lang ang nag-iisang nagmalasakit sa akin dito,” matigas na pahayag ni Ramon.
Muling natahimik ang lahat. Ni isa ay walang nakaimik dahil alam ng lahat na totoo ang sinabi ng matanda.
“Nang malaman niyo na may sakit ako, hindi ba’t pinandirihan niyo ako? Sino ang walang sawang bumisita sa akin? Si Dara lang. Paano ko maaasahan na magmamalasakit kayo sa mga matatandang may sakit sa ampunan kung sa akin nga kapamilya niyo, wala kayong pakialam?” naghihinanakit na wika ni Ramon.
Mabilis na natapos ang salo salo at isa isang nagsipulasan ang mga kamag-anak nila. Marahil napagtanto ng mga ito na pinal na ang desisyon ng kaniyang Tito Ramon.
“Tito, hindi mo naman kailangang iwan sa akin ang lahat. Ayoko na magkaroon kayo ng samaan ng loob ng mga kamag-anak natin,” payo niya dito.
“Hindi, Dara. Gusto ko na may magandang mapuntahan ang pera ko. Sigurado ako na magagawa mo ‘yun.”
Niyakap niya ang tiyuhin. Masaya siya na siya ang pinagkatiwalaan nito.
Makalipas ang limang tao ay pumanaw ang kaniyang Tito Ramon. Kagaya ng kanilang napagkasunduan, siniguro ni Dara na maipagpapatuloy niya ang dakilang misyon na sinimulan na kaniyang paboritong Tito.