Tinawanan ng Iba ang Pangarap Niyang Maging Matagumpay sa Pagsasaka; Makakamit Niya Kaya ang Tagumpay?
“Good morning, class! Ngayong araw ay ibabahagi niyo kung ano ang gusto niyo maging paglaki niyo,” anunsiyo ng kanilang guro nang umagang iyon.
Hindi na lingid kay Paolo ang gagawin dahil iyon ang kanilang takdang aralin. Ang iba ay nag-drawing, kumuha ng litrato para magpaliwanag.
“Sino ang gustong mauna?” masiglang pagsisimula ng kanilang guro.
Kani kaniyang taasan ng kamay ang kaniyang mga kaklase. Excited na ipinahayag ng mga ito ang kani-kanilang mga pangarap.
Kagaya ng inaasahan ni Paolo, karamihan sa kanila ay nais na maging guro, doktor, at abogado, pawang mga respetadong propesyon.
Pumalakpak siya nang matapos ang mga ito.
Lumibot ang mata ng kanilang guro at nagkasalubong ang kanilang mga tingin.
Ngumiti ito bago tinawag ang kaniyang pangalan. “Paolo! Ikaw naman! Sabihin mo sa amin kung ano ang pangarap mo!”
Tumayo siya at kinuha ang salakot na hiniram niya sa kaniyang ama. Agad niyang narinig ang ugong ng bulungan ng kaniyang mga kaklase.
“Ang pangarap ko ay maging magsasaka, kagaya ng aking ama. Gusto ko na maging matagumpay sa larangan ng pagsasaka,” proud na wika niya.
Agad na umugong ang tawanan ng mga kaklase niya. Kani-kaniyang komento ang mga ito sa ibinahagi niya.
“Ano raw? Gusto niya maging magsasaka?”
“Bakit?”
“Pangarap niya magbungkal ng putik. Nakakatawa!”
Nadismaya siya nang pawang pang-iinsulto ang marinig niya mula sa mga kaklase.
Tumungo na lang siya. Hindi naman kasi ito ang unang beses na nakakuha siya ng ganitong reaksyon. Ganito parati simula pa noong bata siya. Sa tuwing ibinabahagi niya ang kaniyang pangarap ay tinatawanan siya ng mga tao.
“Ano ba ang masama? Marangal na trabaho naman ang pagsasaka,” katwiran niya.
Ang pagsasaka ng kanilang ama ang bumuhay sa pamilya niya. Saksi siya kung gaano ito kasipag sa pag-aararo sa bukid. Mula madaling-araw hanggang gabi ay mas masipag pa ito sa kalabaw kaya napakasakit para sa kaniya na masaksihan kung gaano kababa ng tingin ng mga tao sa mga magsasaka.
“Kung tutuusin ay kung walang magsasaka, wala tayong makakain,” wika pa niya.
Hindi niya hahayaang hamakin ng kahit na sino ang isang marangal na trabaho.
“Hindi ka yayaman sa pagsasaka kahit na kailan. Napakababa naman ng pangarap mo. Mangangarap ka lang din ay tayugan mo na!” diretsang komento ng kaklase niyang si Mario. Dinig na dinig niya naman ang pagsegunda ng mga kaklase.
Alam naman niya iyon. Maaaring hindi siya yumaman sa pagsasaka ngunit iyon talaga ang kaniyang pangarap.
“Tahimik!” utos ng kaniyang teacher nang sunod sunod pang batikos ang abutin nang pobreng si Paolo.
“Walang maliit o malaking pangarap, tandaan niyo ‘yan. Wala ring mababa o mataas na trabaho dahil lahat ng trabaho ay nangangailangan ng determinasyon at sipag. ‘Higit sa lahat, ‘wag na ‘wag niyong mamaliitin ang pangarap ng kahit na sino man. Anong malay niyo? Baka balang-araw ay si Paolo ang maging pinakamatagumpay sa lahat.” Nakangiti siyang nilingon ng kanilang guro. Sa mga mata nito ay nakikita niya na inuudyukan siya nitong ‘wag panghinaan ng loob at tuparin ang kaniyang napakagandang pangarap.
Nginitian niya pabalik ang kaniyang guro. Tama ito. Hindi siya dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa opinyon ng iba. Sisikapin niyang tuparin ang kaniyang pangarap!
Plano niyang bumili ng malaking ektarya ng lupain at magtanim ng marami. Gusto niya na kapwa niya Pilipino ang makinabang ng kaniyang mga produkto pero kung may pagkakataon, ipapa-export niya ang produkto para kumita nang mas malaki. Babayaran niya nang malaki at nararapat ang mga trabahanteng magsasaka rin, nang sa gayon ay kumita ang mga ito nang naayon sa kanilang pinaghirapan. Hindi kagaya ng kakarampot na kinikita ng ama niya. Iyon ang pangarap niya.
“Kailangan ba talagang lumuwas ka pa sa Maynila, anak? Pwede ka namang mag-aral ng kolehiyo dito,” nag-aalalang wika ng kaniyang ama.
Niyakap niya ang kaniyang mga magulang.
“Opo, Tatay. Sayang naman po kasi dahil nakapasa na ako. At saka balita ko, napakagandang mag-aral doon sa eskwelahan na papasukan ko. Hayaan niyo po, mag-aaral talaga ako nang husto,” kumbinsi niya sa mga magulang.
“Basta tatawag ka nang madalas anak, ha!”
Natatawang nangako siya sa ina.
Naging mahirap para sa kaniya ang pag-aaral lalo na’t kinailangan niyang magtrabaho upang hindi mahirapan nang husto ang kaniyang ama.
Masyadong matatalino ang kaniyang mga kaklase at istrikto ang mga guro ngunit kailanman ay hindi siya sumuko dahil sa pangako niyang gagawin niya ang lahat para sa pangarap.
“Magna cum laude raw ako, ‘Tay!” Masaya niyang pagbabalita dito.
“Talaga anak? Talagang luluwas kami agad riyan!” Dinig na dinig niya sa tinig ng ama ang hindi masukat na tuwa.
Sa araw ng pagtatapos, taas noo niyang isinuot niya ang salakot ng kaniyang ama habang tinatanggap ang kaniyang mga medalya.
Masayang masaya si Paolo nang makatapos siya sa kolehiyo. Pakiramdam niya ay isa iyong malaking hakbang patungo sa kaniyang pangarap.
Nagtrabaho siya nang husto hanggang sa makaipon ng pambili ng ilang ektarya ng lupain. Kumuha sila mga kasamang magsasaka. Nagtanim sila ng iba’t ibang halaman hanggang sa lumaki ng lumaki ang kanilang lupain sa bawat taon na lumilipas.
Parami ng parami ang mga kompanyang nakikipag-ugnayan para gawin silang supplier sa mga negosyo ng mga ito. Kung minsan ay nagbibigay rin siya ng lecture sa mga gusto rin na magsaka tulad niya.
Hindi niya kailanman kinalimutan ang pangako na makakatanggap ang mga magsasaka ng tamang benepisyo na nararapat sa para sa mga ito.
Masasabi ni Paolo na natupad niya na ang matagal na pinapangarap para sa mga masisipag na magsasaka.
“Sir, anong ginagawa niyo rito?” tanong sa kaniya ni Manong Berting, isang sa mga pinagkakatiwalaan niyang trabahador.
“Tutulong ho para naman hindi tayo masyadong gabihin. Mukhang marami-rami ang aanihin natin,” paliwanag niya sa matanda.
Hindi na ito masyadong nagtaka dahil madalas naman talaga siyang sumali sa mga ito. Masaya naman siya na mamahala ng plantasyon ngunit iba pa rin kapag ang pakiramdam na magtanim at mag-ani kaya talaga namang naglalaan siya ng oras para tumulong sa pagsasaka.
Kasalukuyan silang namamahinga nang isang bisita ang dumating.
“Nasaan ang amo niyo? Kailangan ko siyang makausap. Taga-Piña Company ako,” pahayag ng isang lalaki.
Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagsukat nito ng tingin sa tauhan niyang si Mang Matias.
“Anong nangyayari dito?” Lumapit siya sa lalaking pormal na pormal ang kasuotan. Pamilyar sa kaniya ang lalaki.
Agad na bumakas ang rekognisyon sa mukha nito.
“Paolo? Paolo Cruz?”
Matapos alalahaning ang pamilyar nitong mukha ay namukhaan kung sino ang lalaki. Isa ito sa mga kaklase niya noon. Si Mario.
Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa. Kitang-kita niya ang pagpipigil nito ng tawa.
“So, talagang naging magsasaka ka? Ayos,” ngising asong komento nito.
Alam niyang iniinsulto siya nito. Hindi siya ngumiti kahit na kaunti. “Oo.”
“Dito ka pala nagtatrabaho? Ayos din pala. Mukhang big time ang may-ari. Pwede mo ba siyang tawagin? Kailangan ko siyang makausap. Alam mo na… para sa boss ko. Akala ko mahihirapan ako, mabuti na lang nandito ka pala,” paghingi nito ng pabor na para bang hindi siya nito ininsulto ilang segundo lang ang nakaraan.
“Naku, Sir, si Sir Pao-”
Pinigilan niya sa Mang Mattias nang itutuwid nito ang maling akala ni Mario.
“Anong kompanya? Mukhang maraming kausap ang boss ko na ibang kompanya, e. May appointment ka ba?” pagsakay niya.
Hinigit niya ang ID nito.
Mario Domingo – Assistant Supervisor
Piña Company
“Kung makapagyabang akala mo siya ang presidente ng kumpanya, empleyado lang pala,” sa isip isip niya. Wala man lang ipinagbago ang lalaki.
“Ano ka ba? Parang hindi ka naman dating kaibigan! Sige na….tawagin mo na ang boss mo. Ayoko rin sumuong sa putikan. Ikaw na lang, mukhang sanay ka naman. Ayoko naman marumihan ang mamahalin kong sapatos,” natatawa pang utos nito.
Inginuso pa ng lalaki ang sapatos nito na bagong bago.
Kaibigan? Kailan niya pa ito naging kaibigan? Hindi ba’t ito ang pasimuno sa pang-aasar sa kaniya dahil mababa raw ang pangarap niya?
“Sige na, abala kami rito. Kung gusto mong makausap ang boss ko, hanapin mo siya. Sumuong ka sa putikan at gawin mo ang trabaho mo. ‘Wag mo kaming abalahin dito.”
Akmang tatalikuran niya na ito nang bigla siya nitong kinuwelyuhan.
Agad na naalarma ang mga kasamahan niya ngunit sinenyasan niya ang mga ito na manatili sa kanilang pwesto.
“Ang yabang yabang mo naman! Sino ka ba, ha? Nagbubungkal ka lang naman ng lupa! Kung hindi ko lang kailangan ‘tong trabahong ‘to, hindi ako magtitiyaga na lumapit sa putikan. Para lang ‘to sa mga hampaslupa na kagaya niyo!” maanghang na pahayag ng lalaki.
Madilim ang matang hinarap niya ito.
“Sabihin mo sa boss mo walang mangyayaring kasunduan sa aming dalawa dahil mayabang ang pinadala niya dito. Hindi kami nakikipgag-ugnayan sa mga nangmamaliit ng mga magsasaka,” sagot niya sa lalaki bago siya tuluyang tumalikod.
Binalingan niya ang kaniyang sekretarya.
“Siguraduhin mo na makakarating sa may-ari ng kompanya nila ang ginawang pambabastos ni Mario sa mga empleyado dito,” agad niyang utos dito.
“Opo, Sir Paolo,” mabilis na kumilos ang babae.
“Anong ibig mong sabihin?” Mula sa likod niya ay muli niyang narinig si Mario.
“Si Sir Paolo ang may-ari ng lupain na ito,” paliwanag ni Rupo, isa ring magsasaka.
“Ha? P-paanong nangyari ‘yun?” laglag ang pangang turan ng lalaki. Sa mata nito ay agad na bumakas ang matinding pagsisisi.
Agad na nag-iba ang ihip ng hangin.
Halos magmakaawa ang lalaki sa kaniya ngunit hindi niya pinalampas ang ginawa nito. Oras na para mawala ang mababang pagtingin ng mga taong kagaya nito sa mga magsasaka.
Napatunayan naman ni Paolo na tunay ngang walang mababang trabaho. Sadyang mayroon lang talagang mga mapagmataas na tao.