Mahilig Siyang Magpakalat ng Tsismis; Natauhan Siya nang Makita ang Epekto Nito sa Isang Taong may Mahalagang Koneksiyon sa Kaniya
“Venice, sis! May chika ako sa’yo,” sigaw sa kaniya ni Nathalie na tila hinihintay siya pintuan ng kanilang classroom.
Agad na napangiti si Venice sa narinig. Panibagong tsismis na naman kasi ang kaniyang malalaman.
“Ayos! Meron ding exciting na pag-uusapan!” sabik na makatabing naupo ang magkaibigan.
“Naku! Mabubusog ka na naman dito chika ko sa’yo,” natatawang komento ni Natalie.
Kilala siya sa kanilang eskwela dahil sa pagiging tsismosa. Maraming may ayaw sa kaniya ngunit wala siyang pakialam.
Marami rin naman ang may gusto ng tsismis, o pekeng balita, sadyang siya ang ay may lakas ng loob na kumalap noon, iyon ang lagi niyang katuwiran.
Masaya si Venice sa atensyong ibinibigay sa kaniya ng mga tao – isang bagay na kailanman ay hindi niya nakuha sa kaniyang pamilya.
Wala siyang kaibigan. Napagtanto niya kasi na kapag malapit siya sa isang tao, may kakayahan ito na saktan siya. Kagaya ng kaniyang mga magulang.
Matuling lumipas ang maghapon. Mag-isang naglalakad si Venice pauwi nang may bumangga sa kaniya mula sa likuran, dahilan upang halos matumba siya at mapaupo sa daan.
“N-naku! S-sorry! Pasensya na hindi ko sinasadya,” nakayukong paghingi ng tawad ng babaeng nakabangga.
Nakaramdam siya ng iritasyon nang makilala ang babae. Ito ang pinsan niyang si Louise.
Ilang linggo na itong nakikitira sa bahay nila sa kadahilanang malayo ang bahay nito sa eskwelahan na kanilang pinapasukan.
“Mag-ingat ka naman, Louise. Bulag ka ba?” inis na pasaring niya.
Hindi niya gusto ang pinsan. Masyado itong mabait. Ayaw niyang mapalapit ito dahil alam niya na darating ang panahon na aalis din ito at iiwan siya.
Gulat na nag-angat ng tingin ang babae.
“Ikaw pala ‘yan, Venice! P-pasensya na ulit,” natatarantang naglakad ito nang mabilis palayo sa kaniya.
Napakunot ang noo niya dahil sa inasal ng kaniyang pinsan. Kakaiba kasi ang ikinikilos nito. Tila may kinatatakutan ito na kung ano.
Walang nakakaalam sa eskwelahan na pinsan niya si Louise dahil pinagbawalan niya itong kausapin siya sa loob ng eskwelahan.
Nag-uusap naman sila kapag malayo na sila sa eskwelahan ngunit nakapagtatakang hindi iyon ginawa ng kaniyang pinsan.
Nang makauwi ay nadatnan niya itong nakatulala habang nakaupo ito sa mesa.
“Wala pa sila Mama?” tanong niya sa pinsan habang tinatanggal niya ang kaniyang medyas.
“H-ha? Ano, w-wala pa sila. Gusto mo bang ipagluto kita?” aligaga nitong tanong bago aligaga ring kumilos.
Dahil nga palaging wala ang kaniyang mga magulang ay si Louise na ang nag-aasikaso sa sa bahay nila kahit na magka-edad lamang sila.
Kahit hindi niya lubos na kasundo ang pinsan ay malaki ang pasasalamat niya dito dahil naibibigay nito sa kaniya ang atensyon na inaasahan niyang mula sa kaniyang mga magulang. Kahit papaano ay hindi siya nag-iisa.
Subalit hinding-hindi niya iyon aaminin sa pinsan.
Ngunit hindi maitatangging nag-aalala siya sa ikinikilos nito.
“Kumain ka muna at magre-review ako para sa exam bukas,” aligaga pa ring paalam ni Louise bago ito nagmadaling pumasok sa kwarto nito.
Ipinagkibit balikat niya na lamang ang inasta ng pinsan. Marahil ay kinakabahan lang ito sa exam.
Kinabukasan, umaga pa lang ay sira na ang kaniyang araw dahil hindi niya na naman naabutan ang mga magulang. Ni hindi siya sigurado kung maaga bang umalis ang mga ito o sadyang hindi lang nakauwi dahil sa trabaho.
Nakasimangot na dumating si Venice sa eskwelahan. Mabuti na lang at sinalubong siya ng pinakapaborito niyang ingay sa lahat – ang ingay ng tsismisan.
“Venice! May schoolmate daw tayong buntis! Grabe, ‘yung nakabuntis pa raw ang nagpakalat ng balita!” nanlalaki ang matang salubong ni Nathalie.
Unti-unting nagkaroon ng umpukan nang dumating si Venice. Tila hinihintay ng mga ito ang balitang hatid niya.
“Naku! Narinig ko na ‘yan. Balita ko nga ay ipapalaglag niya raw ang bata. Grabe, hindi ba?” pagkakalat niya ng pekeng balita. Hinintay niya ang magiging reaksyon ng mga kaklase.
Halos humagalpak siya ng tawa nang mapanganga ang mga ito sa pekeng balita na dala niya.
“Grabe naman!”
“Hala, totoo ba ‘yan?”
“Kawawa naman ang bata kung ganoon!”
“Napakasama naman ng nanay na ‘yun! Lalandi landi tapos hindi panindigan!”
Iba’t ibang reaksyon ang kaniyang nakuha niya. Palihim siyang napangiti.
Mabilis na kumalat ang balita. Iyon ang naging laman ng bawat usapan habang kumakain sila ng tanghalian. Kaya naman tuwang tuwa si Venice. Gustong gusto niya ang pakiramdam na makapangyarihan ang bawat salita na lumalabas sa kaniyang bibig.
Nang hapong iyon ay napagdesisyunan niyang umakyat muna sa rooftop ng eskwelahan para sumagap ng sariwang hangin.
Ngunit nagulat siya ng makita ang kaniyang pinsan na si Louise na handa na yatang tumalon! Kitang kita niya ang panginginig ng buong katawan nito.
Alisto siyang tumakbo upang pigilan ito. Hinablot niya ang pinsan na tulala lamang.
Nagulat siya nang biglang itong yumakap sa kaniya at nagsimulang umiyak.
Walang siyang nagawa kundi ang hagurin ang likod ng umiiyak niyang pinsan.
“Napakasama ko! Masama akong tao! Hindi ko dapat sinubukang tapusin ang buhay ko lalo na at may isa pang buhay sa sinapupunan ko,” sising sising wika ng babae.
Nanlaki ang mata niya sa narinig. Tila ito yata ang laman ng tsismis na kumakalat!
Para bang may kumirot sa puso ni Venice nang pagmasdan niya si Louise na nakahawak sa tiyan nito, na tila ba gusto nitong protektahan ang nasa sinapupunan.
“Bakit mo ba kasi naisip na gawin ito, Louise? Matapang ka, kaya bakit ka natatakot harapin ang responsibilidad?” tanong niya sa pinsan.
“May kumakalat kasi na balita na ipapalaglag ko raw ang bata. Kaya ang dami nang humuhusga sa akin na para bang kilala nila ang buong pagkatao ko,” umiiyak na sumbong nito.
Hindi namalayan ni Venice na lumuluha na pala siya. Dahil sa lason na lumalabas sa kaniyang bibig ay muntik niya pang ipahamak ang nag-iisang taong nagmamalasakit sa kaniya.
“Venice, bakit ka umiiyak?” takang tanong ni Louise. Mabilis nitong pinalis ang kaniyang luha gamit ang kamay nito.
“Sorry, Louise! Ako ang nagpakalat ng tsismis na ‘yun! Hindi ko sinasadya!” umiiyak na hingi niya ng tawad sa pinsan.
Imbes na magalit ay puno ng pang-unawang ngumiti ito. “Lahat tayo nagkakamali, Venice. Ang mahalaga ay natuto ka. Isa pa, paano ko magagawang magalit sa sarili kong pinsan? Mahal na mahal kita kahit na lagi mo akong sinusungitan!” natatawang biro nito.
Napahagulhol na lamang si Venice. Sising sisi sa nagawa sa mabait na pinsan. Siguradong hindi niya mapapatawad ang kaniyang sarili kung may nangyari dito dahil sa kagagawan niya.
“Salamat, Venice. Kung hindi ka dumating ay baka wala na kami ng magiging anak ko. ‘Wag ka nang umiyak diyan.” Masuyo nitong hinaplos ang kaniyang likuran.
Iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nila ni Louise. Buong puso niyang sinuportahan niya ito sa pagbubuntis nito. Nakahanap siya ng matalik na kaibigan sa katauhan ng pinsan.
Malaki ang naging pagbabago ni Venice. Nakita niya ang panganib na dala ng tsismis at pekeng balita, kaya naman tuluyan niya nang binago ang sarili.
Makalipas ang ilang buwan ay isang napaka-cute sanggol ang iniluwal ni Louise. At siyempre, naging ninang siya ng anak ng kaniyang itinuturing na matalik na kaibigan.