Inday TrendingInday Trending
Napagkamalang Manyakis ng Magkaibigang Babae ang Isang Lalaki sa Coffee Shop; Napahiya Sila Nang Malaman Kung Ano ang Kondisyon Nito

Napagkamalang Manyakis ng Magkaibigang Babae ang Isang Lalaki sa Coffee Shop; Napahiya Sila Nang Malaman Kung Ano ang Kondisyon Nito

Kanina pa naiirita at hindi mapakali si Giselle sa kaniyang kinauupuan sa loob ng coffee shop. Magkikita sila ng kaniyang kaibigang si Rowena, subalit nahuli ito.

Sa tapat kasi ng kaniyang kinalalagyan ng puwesto, panay sulyap sa kaniya ang sulyap ang isang lalaking sa tantiya niya ay nasa 40 hanggang 45 taong gulang. Nagbabasa ito, balbas-sarado, may bonnet sa ulo, at may mga tattoo sa hita.

Ang ikinaiilang niya, walang humpay ang paggalaw ng mga hita nito, at laging dumarako ang kanang kamay sa mga hita; hinahaplos-haplos ito. Nababastusan siya.

“Dalian mo na. May bastos dito sa coffee shop. Mukhang manyakis. Dalian mo na please,” sabi ni Giselle sa kaniyang kaibigang si Rowena.

Makalipas ang labinlimang minuto, dumating na rin si Rowena. Sa sulok ng kaniyang mga mata, nakita niyang hindi na siya sinusulyapan ng mga lalaki, subalit patuloy pa rin ito sa mga manerismo nito: ginagalaw-galaw ang mga hita, at hinahaplos-haplos ang hita. Hindi pa rin makampante si Giselle. Pakiramdam niya, binabastos siya ng lalaki. May mensaheng nais iparating. Subalit wala sa personalidad niya ang gumawa ng eksena. Pinili na lamang niyang huwag pansinin ito.

“Iyan bang nasa harap natin yung manyakis? Inano ka ba?” tanong ni Rowena sa kaibigan.

“Ang weird niya kasi. Kanina tumitingin-tingin siya rito tapos kanina pa siya galaw nang galaw. Tapos hinahaplos niya yung kanang hita niya. Gusto ko na sanang tanungin kung nangangati ba siya’t umalis na siya eh. Nababastusan lang ako,” sabi ni Giselle.

Palihim na kinuhanan ito ng larawan ni Rowena gamit ang kaniyang cellphone.

Pagdating sa mga ganiyang bagay ay nadala na si Giselle. Madalas kasi siyang nabibiktima ng mga panghihipo sa loob ng mga pampublikong sasakyan, lalo na sa LRT o MRT. Dahil may kalakihan ang kaniyang dibdib, minsan ay nararamdaman niyang may mga lalaking nanadyang madunggol dito, o kaya naman, ididikit sa kaniyang puwitan ang kanilang pagkalalaki. Subalit hindi naman kasi siya palaaway kaya hindi na lamang niya pinapansin. Katwiran niya, hindi naman makukuha sa kaniya, at hindi naman nailugso ang kaniyang kapurihan.

Subalit kung siya ay matimpihin, hindi ang kaniyang kaibigang si Rowena. Palaban ito at walang sinasanto.

“Sige akong bahala,” sabi ni Rowena. Tumayo ito at lumapit sa lalaki. Nabigla naman si Giselle kaya napatayo na rin siya upang awatin ang kaibigan.

“Excuse me, mister. May problema ba tayo? Type mo ba ang kaibigan ko, ha? Anong tinitingin-tingin mo sa kaniya at bakit panay galaw ang mga hita mo’t kinakamot-kamot mo pa? Ikaskas mo iyan sa pader at huwag mong pagsamantalahan ang kaibigan ko sa isip mo! Bastos!”

Pumukaw sa atensyon ng lahat ang pag-eeskandalo ni Rowena. Napamaang naman ang lalaki. Napatingin lamang ito kay Rowena. Nilapitan na sila ng mga barista.

“Mam, sir excuse me po. Is there anything wrong here?” tanong ng babaeng barista.

“Ito kasing customer ninyo, manyakis eh! Tingnan ninyo oh…” at itinuro pa ito. “Hinihimas-himas niya ang hita niya at panay padyak. Nakakabastos! Tingin pa siya nang tingin sa kaibigan ko kanina.”

“Sige Che, you may go back to your work, I can handle this…” sabi ng lalaki. Yumuko naman ang barista at bumalik na sa kaniyang puwesto.

“Mam, excuse me po. Ano po bang concern ninyo? I am the owner of this coffee shop. I’m here dahil I’m monitoring my customers. Nasa tapat ko po ang table ng kaibigan ninyo, kaya tinitingnan ko siya. Pero it doesn’t mean na may kahulugan, malisya or something that I want to imply sa kaniya. I’m a married man,” kalmadong paliwanag ng lalaki.

Tahimik lamang na nakikinig si Rowena at Giselle. Tila nais nilang lumubog sa kanilang kinatatayuan.

“And when it comes to may uncontrolled mannerisms, as you can see,” sabi nito, at ipinakitang hindi nga humihinto ang kaniyang paggalaw ng mga tuhod at pagtungo ng kaniyang kanang kamay sa hita upang himasin, “if hindi ninyo alam, ang tawag sa kondisyong ito, I will inform you. Ang tawag dito ay tourette syndrome, isang disorder that involves repetitive movements or unwanted sounds that can’t be easily controlled. Pasensiya na kayo kung iba ang naisip ninyo tungkol sa akin,” paghingi ng paumanhin ng lalaki, na nagpakilalang may-ari ng coffee shop.

Pahiyang-pahiya naman ang magkaibigan sa kanilang ginawa. Naging mapanghusga sila.

“S-Sir… pasensiya na po kayo. Namisinterpret lang namin ng kaibigan ko ang mga aksyon ninyo. Pasensiya na po talaga,” pulang-pula ang mukha ni Giselle at Rowena sa paghingi ng paumanhin. Ngumiti lamang ang lalaki at tumatango.

Ipinasya nina Giselle at Rowena na lumipat na lamang ng ibang coffee shop. Gusto na nilang kainin ng lupa dahil sa kanilang ginawa. Napagtanto nilang hindi dapat husgahan ang kapwa batay sa mga ikinikilos nito, at hindi magandang nagpapadala sa simbuyo ng galit.

Advertisement