Inday TrendingInday Trending
Itinuturing na Weirdo ang Lalaki Dahil sa Kaniyang mga Kakaibang Ideya; Darating Kaya ang Panahon na Siya Naman ang Pakikinggan?

Itinuturing na Weirdo ang Lalaki Dahil sa Kaniyang mga Kakaibang Ideya; Darating Kaya ang Panahon na Siya Naman ang Pakikinggan?

“Sa palagay mo Ma, papatok kaya itong negosyong ito kapag itininda ko?”

Sinulyapan ni Charmaine ang kaniyang mister na si Joel. Ipinakikita nito ang isang produkto na tinatawag na “face shield.”

“Ano ka ba naman, Papa. Magsasayang ka lamang ng pera. Sino naman ang bibili niyan? Por Dios por santo. Hindi iyan bibilhin ng mga tao, aanhin nila iyan? Sinong kompanya naman ang magkakainteres na bumili niyan?” natatawang tanong ni Charmain sa kaniyang mister.

Si Joel ay hindi nagtatagal sa kaniyang mga trabaho dahil pinagkakamalan siyang weirdo, dahil may mga ideya siya na tinatawag na “out of this world.” Ipinasya na lamang niyang mamuhunan at magnegosyo. Ang naisip nga niya, magtinda ng mga “face shield.”

“Para ito sa mga nilalagnat, sinisipon o inuubo na nasa pampublikong lugar o nasa pampublikong sasakyan. Para hindi ka makahawa ng sakit, o kaya naman, para hindi ka mahawa. Nag-eexist na ang ganito pero walang pumapansin. Ito na lang ang gagawin natin, what do you think?”

“Crazy idea na naman! Ano ka ba naman? Unang-una, sinong normal na tao ang magsusuot niyan sa loob ng jeep? Hindi siya karaniwan. Magmumukha lamang siyang katawa-tawa o weirdong kagaya mo kapag isinuot iyan ng customers mo. Pangalawa, may tinatawag na face mask, mas tatangkilikin pa iyan ng mga tao kaysa riyan sa face shield na sinasabi mo.”

“Wala namang masama kung susubukin natin. Bukas na bukas din, pupunta ako sa mga clinic at hospitals. Magpapadala ako ng business proposals sa kanila, para kung magustuhan nila, tayo ang magsusuplay ng face shields para sa kanila. Kung hindi man sa mga pampublikong lugar o sasakyan, kahit sa loob man lamang ng mga ospital ay maaari itong gamitin. Halimbawa, kapag dadalaw sa mga maysakit. Madaling maikalat ang isang sakit sa pamamagitan ng mga droplets o talsik ng laway,” mahabang paliwanag ni Joel.

“Bahala ka na nga sa buhay mo. Napaka-weirdo mo talaga. Nagsisisi tuloy ako kung bakit kita pinakasalan. Nakakatakot ka na. Sasayangin mo lang ang pera natin. Alam mo magtayo na lang tayo ng restaurant o kaya boutique. Sa panahon ngayon, iyan ang patok na patok, kaysa sa naiisip mong face shield-face shield na iyan! Sige, subukan mong ituloy iyan, at hindi mo na ako makikita pa!”

Subalit matigas talaga ang ulo ni Joel. Nagpadala siya ng mga business proposals sa mga ospital at medical center upang ilahad sa mga ito ang kaniyang naisip na produkto. Subalit sa lahat ng mga ito, walang pumansin sa kaniya. Kaya naisip niya, magtungo sa mga tindahan, malls, grocery, at maging sa mga stalls sa Divisoria upang i-alok ang kaniyang naisip na produkto, subalit ang iba ay pinagtatawanan lamang siya. “Baliw” raw ang kaniyang ideya.

“Balang araw, gagamitin din ninyo ang produkto ko, at magpapasalamat kayo sa akin,” bulong ni Joel sa kaniyang sarili.

Tinotoo naman ng kaniyang misis ang nauna na nitong sinabi na hihiwalayan siya kapag ipinagpatuloy pa niya ang kaniyang ginagawa. Bigla na lamang itong umalis at inabandona si Joel.

“Wala na pare, iniwan na ako ni Charmaine. Pakiramdam niya, isang pagkakamali na pinakasalan niya ang isang gaya kong weirdo,” paghihimutok ni Joel sa kaniyang kumpare. Inaya niya ito ng inuman sa kanilang bahay.

“Babalik din si Charmaine. Malay mo nagpapalamig lang. Ang isipin mo ngayon, iyang business na gusto mong pasukin. Masaya ka ba talaga sa papasukin mo? Handa ka bang malugi dahil diyan?” tanong ng kaniyang kumpare.

“Oo naman. Naniniwala ka ba sa face shield ko?” tanong ni Joel.

“Actually maganda naman ang ideya mo. Siguro hindi lang sanay ang mga tao sa ganiyang konsepto. Yung iba nga, kapag bumabahing o umuubo, hindi nagtatakip ng ilong eh. Panay dura pa ang iba. Darating din ang araw na papatok din ang binabalak mong negosyo na iyan,” saad ng kaniyang kumpare.

“Maraming salamat, kumpare. Hanggang may naniniwala kahit isang gaya mo sa produkto mo, hindi ako titigil.”

Sa pagdating ng taong 2020, ginulat ang lahat ng tao hindi lamang sa Pilipinas, maging sa buong mundo, dahil sa pagkalat ng isang mapamuksang virus na naging pandemya. Sino nga naman ang mag-aakalang titigil ang karaniwang galawan at pag-inog ng mundo sa isang iglap lamang? Ni minsan, hindi sumagi sa isip ninuman na hihinto ang mga nakasanayan ng lahat dahil lamang sa isang virus na nagdudulot ng sakit.

Maliban kay Joel.

Dito na pumasok na kontakin siya ng mga ospital, medical centers, at iba pang mga establishments para sa paggamit ng face shield. Naging karaniwan na ang pagsusuot ng face shield kahit saan man bilang proteksyon sa sarili. Isa si Joel sa mga negosyanteng pumatok ang produkto dahil sa pangangailangang ito. Bukod sa mga ordinaryong face shields gumawa rin siya ng iba’t ibang uri ng face shields upang hindi pa rin mawala ang estilo ng mga tao, lalo na ang kanilang fashion statement.

Napagtanto ni Joel na kung bumitiw siya sa kaniyang “weird” na bisyon, malamang ay hindi papatok ang kaniyang negosyo, at walang makakaisip na gumamit ng isa sa mga pinakakinakailangang gamit ngayon—ang face shield. Kung may pangarap ka, huwag mo itong bibitiwan kahit hindi naniniwala ang mundo na magagawa mo ito.

Advertisement