Inday TrendingInday Trending
Nakipaglaro sa Apoy ang Mister sa Isang Babaeng Nakilala sa Bar; Bakit Nagulat Siya Nang Malaman Kung Sino Ito?

Nakipaglaro sa Apoy ang Mister sa Isang Babaeng Nakilala sa Bar; Bakit Nagulat Siya Nang Malaman Kung Sino Ito?

Nang kapwa nila maabot ang “rurok,” ibinagsak ni Harry ang kaniyang katawan sa kama. Kinuha naman ng babae, na si Sonia, ang kaniyang mga damit at isinuot na kaagad, subalit nanatili pa ring nakahiga. Si Harry naman ay bumangon na rin, nagsuot ng kaniyang damit at pantalon, at naupo sa tabi ng kama. Kinuha niya ang cellphone niya upang tingnan ang mga pumasok na mensahe.

Hindi yumakap si Harry; para sa kaniya, kapag niyakap niya ang babae, magkakaroon ng emotional attachment at iyon ang ayaw niyang mangyari. Isa lamang itong one night stand.

“Ang galing mo… sana maulit pa ‘to,” sabi ni Sonia. Nagkakilala sila sa isang bar. Nasa Davao si Harry para sa isang conference na kaniyang dinaluhan. Isinama niya sa tinutuluyang hotel si Sonia. Nagkasundo sila sa isang gabi ng pagsasama.

“Hindi puwede. I’m a married man, pinapaalala ko lang sa iyo. For release lang ito. Mahal ko ang asawa ko. Mahal ko ang pamilya ko,” sagot ni Harry. Kinuha niya ang kaha ng sigarilyo, kumuha ng isang piraso, at sinindihan.

“Puwede naman nating gawin ‘to nang regular. No emotional attachment. We are just two consenting adults, having fun. Hindi naman ako maghahabol. Saka wala akong balak na maging kabit, ‘no. Ang ganda ko para diyan, hello. Ayoko ng sakit ng ulo. Ayokong kumuha ng batong ipupukpok ko sa ulo ko,” sagot ni Sonia. Kumuha rin siya ng sigarilyo at sinindihan ito.

Humithit muna si Harry, binuga, bago sumagot.

“Huwag na siguro. Para walang komplikasyon. Pag-alis mo rito sa kuwarto ko, hindi na tayo magkakilala. Okay na iyon. One night stand nga ‘di ba?”

“Okay… hindi ko na ipipilit kung ayaw mo. Good luck sa inyo ng misis mo,” ang tanging naisagot na lamang ni Sonia.

Kagaya ng usapan, nang lumabas na si Sonia sa hotel, hindi na sila nagkita pa ulit ni Harry. Itinuon na niya ang sarili sa conference. Hindi siya magtatagal doon. Kailangan na niyang bumalik sa trabaho sa Maynila dahil naghihintay na ang kaniyang pamilya.

Makalipas ang dalawang buwan matapos ang conference na iyon sa Davao, isang hindi inaasahang tawag ang natanggap ni Olga, ang misis ni Harry. Medyo mahaba-haba ang kanilang naging usapan. Nang matapos, inusisa ni Harry kung sino iyon.

“Long lost besfriend ko. Ibinalita na gagawin daw akong ninang. Buntis ang hitad, dalawang buwan na,” sagot ni Olga.

“Wow talaga? Buti pa ang bestfriend mo magkakaanak na. Tayo kaya? Gawa na ulit tayo…” mapanuksong sabi ni Harry sa misis.

“Ano ka ba?! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na ayoko pa magka-baby. Marami pa akong gustong gawin sa career ko, lalo na ngayon na kandidato ako for promotion. Kapag ready na ako. Itong hitad kong bestfriend, malamang solo parent ito. Hindi raw niya alam kung nasaan ang tatay. Nabigyan ng trophy,” kuwento ni Olga.

Hanggang isang araw, pag-uwi ni Harry sa bahay mula sa trabaho, isang hindi inaasahang bisita ang mabubungaran niya.

“Hello babe, si Sonia nga pala, bestfriend ko,” pagpapakilala ni Olga.

Napatda sina Harry at Sonia sa isa’t isa. Hindi sila nakahuma. Hindi sila makapaniwala.

“Magkakilala ba kayo?” usisa ni Olga sa dalawa.

“H-Hindi naman… nagulat lang ako, ngayon ko lang kasi nakilala ang asawa mo. Hi, I’m Sonia, the long lost besfriend ni Olga. Nice to meet you,” namumutlang pahayag ni Sonia. Inilahad niya ang kaniyang kamay. Inabot naman ito ni Harry. Nasalat ni Sonia ang nanlalamig na kamay nito.

Habang nag-uusap sina Sonia at Olga, nararamdaman ni Harry ang mga panakaw na sulyap sa kaniya ni Sonia. Tumatakbo naman ang kaniyang isipan. Dalawang buwan na ang nakalipas simula nang may mangyari sa kanila ni Sonia. Hindi niya alam na matalik pala itong kaibigan ni Olga. Ayon sa kuwento ng misis, dalawang buwang buntis si Sonia. Ibig bang sabihin nito, siya ang ama ng dinadala nito?

Dahil hindi makampante si Harry, nakipag-ugnayan siya kay Sonia at nakipagkita rito upang malinawan siya. Pumayag naman ito. Nagkita sila sa isang coffee shop.

“Ako ba ang ama ng dinadala mo?” tanong ni Harry.

“Oo. Wala nang iba. Pero maniwala ka, wala akong intensyon na ipanagot sa iyo ‘to. Hindi ko rin alam na ikaw pala ang asawa ng bestfriend ko. Napakatagal na panahon na naming hindi nagkikita.”

“Sigurado ka bang sa akin ‘yan?”

“Sira ulo ka ah. Oo may nangyari sa atin noon pero ginusto ko ‘yon. Hindi naman ako pakawalang babae. Huwag kang mag-alala, hindi ko sasabihin kay Olga. Mananatili ang sikreto mo,” sabi ni Sonia.

“At anong sikreto iyon?”

Nagulat ang dalawa dahil nasa tabi na pala nila si Olga. Nalaman nito ang kanilang pagkikita. Naghinala na kasi ito na may “ugnayan” sa pagitan nila, nang una niyang ipakilala ang mister dito. Mula noon, palihim na minamasid ni Olga ang kakaibang kilos ng dalawa, na para bang hindi sila kampante sa isa’t isa. Parang asiwa. Parang naiilang.

At dito na ipinagtapat ni Harry kay Olga ang tunay na namagitan sa kanila ni Sonia. Ayaw na niyang maglihim pa sa misis. Nakahanda siyang harapin kung anuman ang gagawin nito. Hindi makapaniwala si Olga sa kaniyang mga narinig. Hiniwalayan niya si Harry at tinalikuran naman niya ang pakikipagkaibigan kay Sonia.

Pagkapanganak naman ni Sonia, nagtungo ito sa ibang bansa dala ang kaniyang baby. Sising-sisi naman si Harry sa kaniyang ginawa. Hindi na niya uulitin ang pakikipaglaro sa apoy.

Advertisement