Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Mahal Kita, Maniwala Ka - Inday Trending

Mahal Kita, Maniwala Ka

“Kuya,” tawag sa binata ng kanyang nakababatang kapatid.

“Hmm, ano iyon?” maikling tugon ni Ian sa dalaga.

“Tungkol kay Ate Liana, napatawad mo na ba siya sa ginawa niya sa’yo?” nag-aalanganing tanong kay Ian ng nakababatang kapatid. Nabigla man sa tanong ng dalaga ay pilit namang ngumiti si Ian para ipakitang ayos lang siya.

“Oo naman. Matagal na yun. I’m over it,” pagpapapanatag niya sa loob ng nakababatang kapatid. Huminga naman ito ng malalim at tumango-tango at saka ngumiti.

Gustong-gusto kasi ng bunso niyang kapatid ang kaniyang dating nobya. Lumabas saglit ang dalaga at laking gulat niya ng makita kung sino ang kasama ng kapatid sa pagpasok sa kaniyang kwarto. Ang babaeng winasak ang puso at pagkatao siya. Si Liana, ang nag-iisang babaeng inibig niya sa buhay niya.

Hindi niya alam kung ano ang dapat ba niyang maramdaman. Pinaghalong lungkot, galit at pagkasabik sa dalaga ang sabay-sabay niyang nararamdaman pagkakita sa dating nobya. Nagtitigan lamang silang dalawa at walang nagsasalita kaya minabuti na muna ng kanyang nakababatang kapatid na umalis at iwan sila.

“Hi, kumusta ka na?” pagbabasag ni Liana sa katahimikan.

“I’m good, and you? How’s America?” sarkastikong tanong ni Ian sa dalaga.

“Ian,” sinubukang lumapit ni Liana kay Ian at hinawakan ang kamay ng binata. Agad namang umiwas ang binata at bahagyang lumayo sa dalaga.

“And what the hell do you think you’re doing? After nang ginawa mo? Pagkatapos mo akong iwan sa altar sa araw ng kasal natin at bigla na lamang lumipad papuntang Amerika ng wala man lang kahit anong pasabi?!” puno ng pait na bulyaw ng binata kay Liana.

“Ian please, let me explain. Hayaan mo naman akong magpaliwanag oh,” nagsusumamong pahayag ng dalaga.

“Pagkatapos ng limang taon, ngayon ka palang talaga magpapaliwanag?! Wow, you’re impossible! Iniwan mo ako sa harap ng maraming tao, sa harap ng Diyos. Iniwan mo ako sa ere! Pinagmukha mo akong t*nga! Muntik na akong masiraan ng bait Liana!” kaytagal na itinago ng binata ang kanyang mga nararamdaman, akala niya ay nawala na ito pero ngayong nasa harapan niya na muli ang dalaga ay biglang nanariwa sa kanyang isipan ang nangyari limang taon na ang nakararaan.

Napakalakas ng ulan noon ngunit hindi niya ito inalintana at walang tigil na tinatawag ang dapat mapapangasawa niya sa labas ng bahay ng dalaga. Ang akala niyang magiging isa sa pinakamasayang araw sa buong buhay niya ay naging kabaliktaran pala. Imbes na labis na kaligayahan ay labis na pighati pala ang dala nito sa kanya.

“Liana! Lumabas ka d’yan babe, please naman oh! Bakit ayaw mo akong pakasalan? May nagawa ba ako? Pag-usapan naman natin ‘to oh! Kung mayroon man akong maling nagawa, sabihin mo sa akin at itatama ko. Kung may mali sa akin, magbabago ako. Sabihin mo lang babe, please!? Mahal na mahal kita!” paulit-ulit niyang pagmamakaawa sa babaeng pinakamamahal habang basang-basa sa ulan. Ngunit sumikat na ang araw at walang Liana na lumabas.

Nadala si Ian sa hospital kinabukasan gawa ng ilang oras niyang pagkababad sa ulan. Nabalitaan niya na lang na lumipad na pala papuntang Amerika si Liana. Ang babaeng dapat ay mapapangasawa niya ay umalis at iniwan siya ng wala man siyang kahit anong ideya kung ano ang naging rason ng paglisan at pag-iwan nito sa kanya.

Halos mabaliw siya kakaisip kung ano ang nagawa niyang mali. Sinubukan niyang tanungin ang pamilya ng dalaga ngunit matitigas ang mga ito at wala siya nakukuha na kahit anong sagot. Lumipas ang mahigit isang taon at inatake ang kanyang ina dahil sa sobrang pag-aalala sa kanya. Nadala ito ng bugso ng damdamin at muntik pang bawian ng buhay.

Doon napagtanto ni Ian na ang mga pinaggagagawa niya, madami na ang nagdadamay dahil sa pagluluksa niya, kaya pinilit niyang inayos ang sarili. Bumangon siya para sa pamilya niya na kahit kailanman ay hindi siya iniwan.

“Please Ian, let me explain,” sinubukan siyang hawakan ulit ng dalaga habang umiiyak.

Susumbatan pa sana ni Ian ang dalaga ng bigla na lamang itong nawalan ng malay sa kanyang harapan. Mabuti na lamang at nasalo niya agad ito kaya hindi tumama sa sahig ang ulo ng dalaga, natataranta niya itong isinugod sa hospital.

Hindi nagtagal at agad ding sumunod ang mga magulang ng dalaga. Alalang-alala ang mga ito na labis niyang ipinagtaka. At nang lumabas ang doktor ay bigla siyang natigilan sa sinabi niya sa kalagayan ng dalaga.

“Mabuti na lamang at sinunod niyo ang payo ko limang taon na ang nakalilipas at nagpagamot sa Amerika. Kung hindi ay baka wala na ngayon ang anak ninyo. Sa ngayon po ay ayos na siya. Pero I suggest na iwasan na po muna ninyo na bigyan ng stress si Liana. Makakasama kasi iyon sa kaniyang puso,” paliwanag ng doktor sa kanila.

Napatingin naman siya sa mga magulang ng dalaga. Ipinaliwanag ng mga ito ang nangyari limang taon na ang nakalilipas.

Isang araw bago ang kanilang kasal ay naisugod sa hospital si Liana. Masyado itong nasabik sa kanilang kasal at nakaramdam ng halo-halong emosyon kaya bumigay ang puso ng dalaga. Sinabihan sila ng doktor na mas makakabuti na magpa-opera ang dalaga sa lalong madaling panahon sa Amerika na agad din namang sinunod nila.

Ayaw siyang masaktan ni Liana kaya pinili na lang nito na hindi sabihin sa kanya at iwan na lamang siya sa altar sa araw ng kasal nila. Nang sa gayon, kung hindi siya palaring makaligtas ay hindi siya mahihirapang kalimutan ang dalaga dahil sa sakit na iniwan niya sa kanya.

Hindi niya na napigilan ang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo. Napahagulhol na lamang siya nang mapagtanto ang sakit at hirap na dinanas ng dalaga malayo lamang siya sa sakit. Hindi niya lubos maisip ang mga pinagdaanan at kinakailangang harapin ng dalaga nang mag-isa. Umiyak lang siya nang umiyak na para bang maiibsan ang sakit na nararamdaman nilang dalawa sa pamamagitan ng pag-iyak niya.

Makalipas ang tatlong taon ay masaya siyang nakangiti sa litrato ng kaniyang mahal na asawa na si Liana at ng kanilang napaka-cute na anak. Halos dalawang taon na rin silang kasal at masaya sa piling ng isa’t isa kasama ang kanilang anak. Labis na paghihirap at sakit man ang kanilang pinagdaanan, sa huli ay nanaig pa rin ang kanilang pag-ibig para sa isa’t isa.

Madalas ay nasasaktan tayo nang dahil sa pag-ibig, ngunit huwag din sana nating kakalimutan na dahil rin sa pag-ibig ay nagiging matapang tayo at nagagawa nating lumaban sa mga hamon ng buhay. Kapag dumating ang oras na nasasaktan tayo nang dahil sa pag-ibig, imbes na damdamin ang sakit, nawa’y piliin sana nating maging matapang para sa taong mahal natin at buong tapang na harapin ang pagsubok na kahaharapin.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.