Mas Bagets pa si Yaya!

“Mija, dear! Halika na here at tinatawag na tayo ng iyong father earth!” narinig niyang tawag sa kaniya ng kaniyang Yaya Adel mula sa labas ng kwarto.

Napataas na lang ang kilay ni Mija sa paraan ng pagsasalita ng ginang na siyang nag-alaga sa kaniya simula pa noong pumanaw ang kaniyang ina. Sanay na siya rito ngunit minsan ay nahihiwagaan siya talaga kung saan nito napupulot ang mga salita nito.

Pagbaba niya sa sala ay naabutan niya ang yaya na inihahanda ang gamit niya habang sumasayaw at kumakanta-kanta pa. “Adelicious, yeah, Adelicious, oh yeah!” kanta nito. Umagang-umaga ay putok na putok ang make-up nito at ayos na ayos ang kulot na buhok. Nagpasya siyang gulatin ito kaya naman halos mabingi siya sa tinis ng tili nito. Nang marinig naman ng kaniyang ama ang komosyon ay nakatikim sila pareho ng sermon. Lalo na siya at sinabihan pang huwag umaktong bata dahil dalaga na siya. Tumango na lang sila dahil sanay na sila sa pagiging istrikto nito. Nakayuko siyang sumunod sa ama papunta sa kotse at naiwan naman ang yaya sa labas ng gate.

Dahil wala ang drayber nito ay kasabay niya sa pagpasok ang ama na may-ari ng isang kompanya. Hindi iyon kasing laki ng iba ngunit masasabing may magandang reputasyon sa mundo ng business. Nagpasya siyang gamitin ang pagkakataong iyon upang magpaalam sa ama tungkol sa party na nais niyang daluhan. Pumayag naman ito ngunit may isang kondisyon, dapat niyang isama ang kaniyang yaya sa party.

“But Papa, it’s a highschool party! Pagtatawanan ako ng friends ko kapag nagsama ako ng yaya doon!” apela pa ng dalaga. Isang tingin lang ng ama ay alam na niyang iyon na ang huling desisyon nito kaya hindi na iyon mababago pa.

Kinabukasan, labag man sa loob ay sinabihan niya ang yaya na maghanda dahil may pupuntahan silang party. Sobra naman itong na-excite at may pagtakip pa sa bibig na nalalaman.

“OMG! Talaga?! Bakit ngayon mo lang sinabi edi sana nakapagpa-salon ako day!” impit na tili nito.

“Yaya Adel, paalala lang na sasamahan mo lang ako ha. Kahit sa kotse ka lang–”, naputol ang sasabihin niyang nang makita niyang nakapikit na ang wirdong yaya at saka sumenyas na tumahimik siya.

Advertisement

“Sshh, iniisip ko na ang final look at kulay ng lipstick ko. Kung ayaw mong ma-late ay maghanda ka na, at ako naman,” bigla itong dumilat, “ay sisiguraduhing hindi ka mapapahiya sa ganda ng iyong nag-iisang, Yaya Adelicious!” sabi nito at saka tumalikod sa kaniya. Halos kilabutan siya sa pakaway-kaway at pakembot-kembot na rampa nito na para bang isa itong beauty queen. Naiisip niya pa lang na makikita ito ng mga kaibigan niya ay nahihiya na siya. Kung may pagpipilian lang ang hinding-hindi talaga niya ito isasama sa kahit anong lakad niya.

Nauna pa siyang matapos mag-ayos kaysa sa yaya kaya naiinip siyang kumatok sa kwarto nito. Halos matumba siya sa hitsura nito nang pagbuksan siya ng pinto. Paano ba naman ay ang bagets niyang yaya, hayun at nakagown pa! Talaga namang sumakit ang mata niya nang makita ang malalaking perlas nitong kwintas at hikaw.

“Yaya Adel! Magpalit ka nga! Maghihintay ka lang naman sa kotse kaya bakit ba nag-gown ka pa?! Ang sakit sa mata!” sabi ng dalaga na hindi napigilan ang sarili dahil sa konsumisyon. Nakita naman niya ang biglang paglungkot ng yaya kaya sa huli ay hinayaan niya na lang ito sa trip nito. Sa isip-isip niya, tutal ay sa kotse lang naman ito maghihintay eh.

Pagdating sa party ay kabilin-bilinan niya sa yaya na huwag lalabas ng kotse. Hindi na niya napansin ang pagsimangot nito dahil sinalubong na siya ng mga sosyal na kaibigan. Papasok na sila sa bahay nang biglang narinig niya ang sigaw ng yaya sa kaniya. Hinabol siya nito upang iabot ang naiwan niyang cellphone.

Huli na ang lahat at nakita na ito ng mga nandoon kaya marami ang natawa at nangutya sa hitsura nito. Hindi naman magawang ipagtanggol ni Mija ang yaya kaya pinabalik na lang niya ang nahihiyang ginang sa kotse.

Masaya ang naging party at halos walang matatandang kasama liban sa ilang kasambahay rin. Nang mabagot ang magkakaibigan ay nagpasya ang lahat na humanap ng ibang katuwaan.

“Mija, what if tawagin natin iyong yaya mo? Sabihin natin may nangyaring masama sa iyo tapos gulatin natin siya?!” suhestiyon ni Zyra na siyang may kaarawan ng araw na iyon. Tutol si Mija sa nais ng mga ito ngunit nang subukan niyang tumanggi ay nakita niyang parang nainis ang mga ito sa kaniya. Bandang huli ay nakisakay na lang siya, katwiran niya ay wala naman sigurong masamang mangyayari at malay pa niya at makisakay ang bagets niyang yaya sa trip ng mga ito.

Nagtago ng siya sa isang sulok at ang ilan niyang kaklse ay tumakbo palabas ng bahay upang tawagin ang kaniyang Yaya Adel.

Advertisement

Maya-maya lamang ay narinig niyang sumisigaw ang yaya sa pagkataranta. “Mija! Mija! Anong nangyari, Diyos ko!” natawa ang lahat dahil sa paghulas ng make-up nito dahil sa luha. Nahabag naman siya sa yaya kaya lalabas na sana siya nang biglang may nagsindi ng paputok na ikinagulat ng yaya. Lalong lumakas ang tawanan dahilan upang hindi nila napansin ang paglihis ng isang paputok at pagtama nito sa isang kurtina.

Mabilis na nagliyab iyon kaya kani-kaniyang takbuhan ang lahat. Sa dami ng tao ay hindi niya malapitan ang yaya na nasa sahig at tinatawag ang pangalan niya. Halos masipa-sipa ito ng mga tumatakbo palayo sa papalaking apoy.

“Yaya Adel! Nandito ako!” sigaw niya at saka hinawakan sa braso ang yaya at sabay na silang lumabas. Sa kabuting palad ay wala namang nasaktan sa maliit na sunog liban lamang sa kaniyang yaya na nagtamo ng mga pasa at sugat dahil sa stampede. Dinala naman agad ito sa ospital at umiiyak na sumunod si Mija. Sising-sisi siya sa kaniyang mga maling desisyon na naging dahilan upang masaktan ang isang taong ang hangad lang ay alagaan siyang mabuti.

Hindi niya iniwan ang tabi ng yaya kaya pagkagising nito ay agad niya itong niyakap.

“Mija? Mija, ayos ka lang ba dear? Anong nangyari?” sabi nito. Lalo siyang naiyak dahil kahit nasaktan ito ay siya pa rin ang inaalala nito.

“Sorry Yaya Adel! Ako ang may kasalanan kung bakit ka nasaktan. Pumayag po ako na pagkatuwaan ka namin para lang sa ikaliligaya namin. Patawad po at napahamak kayo…” sabi ng dalaga. Napatigil ang ginang sandali nang malaman ang ginawa ng alaga. Imbes na sisihin siya ay nagulat siya sa sinabi nito.

“Mija dear, alam kong deep inside of your heart, ay mabuting kang bata. Kaya nga hindi ako napapagod na alagaan ka. Nagkamali ka man ay sana may natutunan ka. Tahan na at masisira ang beauty mo na isang paligo lang ang lamang kay yaya,” biro pa nito at saka hinagod ang kaniyang likod.

Simula noon ay mas napagtanto ni Mija na masuwerte pa rin siya dahil higit pa sa alagain ang tingin sa kaniya ng yaya. Kahit wala na siyang ina ay may tunay naman na nagmamalasakit sa kaniya. At nangako siyang mas ipapakita ang kaniyang pasasalamat sa yaya sa pamamagitan ng pagtanggap sa kung sino o ano man ito.