Tapos na ang Paghihirap ni Mahal

Paggising pa lamang sa umaga, agad na inaasikaso ni Julio ang kaniyang anak na nasa elementarya pa lamang. Pinagluluto ito, pinapaliguan, at hinahatid sa eskwelahan bago siya pumasok sa trabaho bilang isang doktor. Doon ay kaniyang inaalagaan ang mga pasyente pati na ang asawang dalawang buwan nang comatose dahil sa isang car accident.

“Kumusta, mahal ko? Magandang araw!” bati ng lalaki sa asawang nakaratay sa kama ng ospital habang hawak niya ang mga kamay nito. Kasabay na rin ay ang pagsusuri niya ng kalagayan nito.

Palagi niya itong kinakausap, dahil alam niyang nakikinig lamang ito sa kaniya. Para sa kaniya, tulog lamang ito at marahil gusto rin ng makakausap. Kaya nga regular niyang kinukwentuhan ang asawa tungkol sa mga nangyayari sa kanila ng anak. Wari bang gising ang asawa kung siya’y makapagkwento.

Mahirap ito para sa kaniya. Kung minsan pa nga ay bigla na lamang luluha ang mga mata niya dahil sa hirap at takot na mawala na nang tuluyan ang pinakamamahal niyang asawa. Kaliwa’t kanan din ang mga usapin tungkol sa kaniya. Ang iba’y hanga sa determinasyon at pagmamahal niya sa kaniyang asawa. Subalit ang iba naman ay negatibo dahil hindi raw iyon praktikal na gawin at pinapahaba niya lamang ang paghihirap ng kaniyang asawa.

Isang umaga, habang kinakausap ni Julio si Lucy, nakatanggap siya ng tawag mula sa guro ng kaniyang anak. Nanakit daw ito at nang-away ng kaklase. Agad niya itong pinuntahan dahil emergency iyon. Pagpasok sa opisina, nakita niya ang anak na nakasimangot na kinakausap ng guro. Kahit na dumating siya sa silid ay wala itong kibo at parang hindi siya nakikita. Humingi na lamang siya ng paumanhin sa kaklase ng anak pati na sa guro.

Pagkarating sa bahay, nagmamaktol pa ang anak at dali-daling papasok sana sa kaniyang silid. Ngunit pinigilan siya ni Julio at pilit na kinausap ang bata. Kagagalitan sana niya ang ginawa ng anak ngunit nagpakita ng galit ito at hindi siya makapagsalita sa sinabing rason ng anak bakit siya nanakit.

“Kasi tinutukso niya akong walang mama. Sabi niya daddy lang daw meron ako. Isa pa, sabi niya malapit na daw mawala si mama,” galit na sabi nito habang umiiyak na rin.

Pinapatahan naman siya ng ama na noo’y naluluha na rin. Kasabay nito ay ang pag-alo niya sa anak ast sinabing walang katotohanan ang mga iyon. Na mayroon siyang ina, na hindi pa iyon mawawala sa piling nila. Dumating ang gabi, habang pinapatulog ni Julio ang anak, hindi na niya mapigilan pa ang mapaluha. Dahil sa awa sa kaniyang anak, sa kaniyang asawa na nag-aagaw buhay sa ospital, pati na rin sa sarili na hindi na magkanda-ugaga sa dami ng inaasikaso.

Advertisement

Maya-maya, muli siyang nakatanggap ng mensahe mula sa kasamahang doktor sa ospital. Si Lucy, ay pinilit na namang i-revive matapos itong atakihin sa puso. Agad siyang tumayo, tinawagan ang kapatid upang bantayan muna ang anak at mabilis na nagpunta sa ospital.

“Kailangan mong bitawan na ang misis mo, Julio. Lalo lang siyang nahihirapan dahil pinapatagal mo pa ang nararamdaman niyang sakit! Alam mo sa sarili mo ‘yan dahil doktor ka rin. At walang kasiguraduhan kung gigising pa ulit si Lucy. Kaya pakawalan mo na siya, Julio. Para sa’yo rin ito, sa anak at asawa mo,” pagkumbinsi sa kaniya ng kasamahang doktor habang inaabot sa kaniya ang papel na kailangan niyang pirmahan na nagsasaad na tanggalin na ang mga makinang nakakabit kay Lucy.

Hindi mapatid ang luha ni Julio habang nakatingin lamang sa asawa at mga makinang nagbibigay buhay dito. Unti-unti siyang lumapit sa asawa. Katulad ng dati, kinuwentuhan niya ito ng mga nangyari sa kanilang anak pati na ang nangyayari sa kaniya.

“Lucy, mahal ko, ano ang gagawin ko? Paano na si Chuchi? Paano na ako…” hindi na napigilang humagulgol ni Julio.

“Pinapahirapan ba kita diyan? Alam ko kasi malakas ka eh. Alam kong gigising ka pa diyan. Alam kong dadating ulit iyong araw na sama-sama tayong kakain ng almusal, magku-kwentuhan, at magkatabi muling matulog. Alam ko, hindi ako nagkamali ng desisyon na hintayin iyong araw na iyon…” dagdag pa niya.

Nagpunta si Julio sa chapel ng ospital. Umiiyak, lito at desperado ito. Nanalangin siya para sa asawa, para sa buong pamilya niya. Sa unang pagkakataon, halos nawala na ang pag-asa niya na gigising pa si Lucy, na mabubuo pa ang pamilya niya. Nang biglang tumunog ang kaniyang telepono at tumawag ang kasamahang doktor.

Walang pinalipas na sandali, habang may luha sa mga mata, kumaripas ng takbo si Julio papuntang silid ni Lucy. Hindi siya makapaniwala nang makita ang asawa na gising at nakakausap na ulit. Nang mapatingin ito sa kaniya ay para bang nagliwanag muli ang mundo ni Julio.

Niyakap niya nang mahigpit ang asawa, kasabay ay ang pasasalamat sa Dios sa pagdinig ng kaniyang panalangin. Sa wakas, mabubuo na ang kaniyang pamilya. Iyon ay dahil sa kaniyang tiyaga at pagtitiis na balang araw, makakamit niya rin ang wakas na gusto niyang makamtan. Tapos na ang paghihirap ni mahal, tapos na ang paghihirap nilang dalawa.