Hoy Hoy, Bulol

“P-pabili po nga isang nga p-pong sopdriks” bulol-bulol na sabi ni Badong habang bumibili ng softdrinks sa tindahan.

“Oh ano oh! Ano? Sabihin mo kasi ng diretso, ‘di ka namin maintindihan eh!” sabay hagalpakan ng mga tambay na naroon. Katulad ng dati ay ang pagiging bulol na naman nito ang naging tampulan ng tukso.

Sanay na si Badong sa mga pambubulas sa kaniya dahil mula noon pa ay nararanasan na niya iyon. Wala namang pisikal na depekto sa kaniyang dila ngunit hindi niya malaman kung bakit ganoon siya magsalita. Ayaw niya ng kaniyang kalagayan kaya kapag walang nakakakita ay talagang sinasanay niya ang sariling magsalita ng diretso. Ngunit sa malas ay hindi niya talaga magawa.

Hindi na lang niya pinansin ang mga patutsada at basta na lamang tumalikod sa mga ito. Natuto na siya. Dati kasi noong bata siya ay lagi pa siyang nangangatwiran at lumalaban sa mga nanunukso sa kaniya, ngunit payo sa kaniya ng ina na huwag na lamang siyang pumatol.

“Anak, hayaan mo nalang sila ha? Kasi kapag nangatwiran ka pa ay lalo ka lang mabubulol, tapos lalo ka lang nilang aasarin, naiintindihan mo? Bulol ka pero ipakita mo na may iba ka pang kayang gawin” naalala niyang laging bilin sa kaniya ng pumanaw na ina.

“Oh bakit di k-ka n-na pumap-palag nga-ngayon ha?” asar pa sa kaniya ni Macmac. Pinili niyang ikuyom na lang ang kamao upang mapigilan ang sarili na sumagot at mapahiya. Dahil dito ay hindi niya sinasadyang sumirit ang softdrinks na hawak niya kaya natalsikan niyo ang pilyong binatilyo. Naghiyawan naman ang tropa sa nasaksihan dahil inakala nilang sinadya iyon ni Badong.

“Aba tarantadong ‘to ha! Hoy Badong! Sinadya mo ‘yon ‘no?!” sabi ni Macmac at saka kinuwelyuhan ang binatang bulol.

“Ma-macmac, hinde ko nisasadya yo-yon!” paliwanag pa ni Badong ngunit naumbagan na ito ni Macmac na pikon na pikon dahil ayaw nitong napagtatawanan.

Advertisement

Dahil wala namang laban sa pisikalan ay tinanggap na lamang ni Badong ang mga batok nito. Natapon na sa kalye ang binili niyang softdrinks, pero walang umaawat sa kilalang siga na si Macmac. Umuwi siyang may pasa sa braso at may malaking bukol sa ulo.

Tinanong siya ng kaniyang ama kung anong nangyari sa kaniya ngunit walang salita siyang dumire-diretso sa kaniyang kwarto. Nagalit ang ama sa kaniyang akto kaya gaya ng dati ay nakatikim din siya ng umbag dito.

“’Tong bulol na ‘to! Gusto mong putulin ko na nang tuluyan ‘yang dila mo kung hindi mo gagamitin?!” galit na sabi nito.

Dahil sa tuloy-tuloy na pisikal na pananakit, idagdag pa ang berbal na pangungutya ng mga tao mula pa pagkabata, isang araw ay tuluyan na ngang hindi na nagsalita si Badong. Tila ba nga nagkaroon ito ng trauma kaya’t kahit anong pilit ng ama o ninuman ay hindi na siya kailanman nagsalita.

Dalawang taon na ang nakalipas at wala na ngang nagawa ang ama tungkol sa kalagayan ng anak. Mabuti na lang at mahusay ito sa kompyuter at napakinabangan nito ang kakayahan nito upang kumita ng pera kahit hindi nakapagsasalita.

Isang araw habang pauwi si Badong ay may narinig siyang komosyon sa isang eskinita. Nakita niyang may ilang mga lalaki ang nagkukumpulan doon. Hindi na sana niya ito papansinin ngunit nagulat siya nang bigla siyang may narinig na daing ng lalaki. Nakita niya kung paano bugb*gin at pagnakawan ng mga lalaki ang isang matanda. Nakilala niya ang mga ito bilang mga tambay din sa kalapit na barangay. Dahil sa takot ni Badong ay binilisan niya ang lakad at nagbulag-bulagan sa kr*men na kaniyang nasaksihan. Ngunit dahil sa hindi maatim ng kaniyang konsensya ay kinuhanan niya ng litrato ang pangyayari at saka tumakbo.

Nabali-balita sa barangay kinabukasan ang nangyaring pagnanakaw sa isang matandang lalaki na noon ay naligaw sa kanilang lugar. Isa pala itong kilalang tao na nasiraan lamang ng kotse kaya nanghingi ng tulong. Sa malas ay mga halang pa ang loob ang napagtanungan nito.

“Anak, hayun! Nadala na sa police station iyong mga nagnakaw at namb*gbog doon sa big time na matanda. Tsk, tsk. Iba na talaga mga kabataan ngayon ‘no? Mabuti na lang at talagang umiwas ka na diyan sa tropa nila Macmac,” sabi nito. Napatingin bigla si Badong sa ama, tila ba naguguluhan sa sinabi nito. Nahinuha naman ng ama ang tila pagtataka ng anak kaya ipinaliwanag niya na si Macmac nga at ilang tropa nito ang dinala sa police station.

Advertisement

Naguluhan lalo si Badong sapagkat sigurado siyang hindi si Macmac at mga tropa nito ang nanghold-up sa matanda. Sigurado siya sapagkat kilalang-kilala niya ang lalaking madalas mambulas sa kaniya noon.

Dahil dito ay sinipa ng konsensya si Badong kaya’t nagtatalo ang kaniyang isip kung sasabihin niya ba ang kaniyang nalalaman. Eh paano kapag siya naman ang mapahamak? At bakit naman niya ipagtatanggol ang isang taong nagpamiserable ng kabataan niya?

Naalala na naman niya ang laging bilin ng ina. “Bulol ka pero ipakita mo na may iba ka pang kayang gawin.” Nang mga oras na iyon ay malinaw na sa kaniya ang dapat niang gawin. Bulol siya pero hindi siya bulag, gagawin niya kung anong sa tingin niya ay tama.

Nang hapon ding iyon ay nagtungo siya sa police station. Nakita niya ang pamilya ni Macmac at ilang tropa nito na naroon. Halatang problemado ang mga ito. Nagulat si Macmac nang magtama ang kanilang mga mata. Napansin niyang halos wala itong pinagbago, maskulado ang katawan na laging nakalantad, ngunit sa pagkakataong iyon, hindi pangungutya kung hindi takot at kawalan ng pag-asa ang nasa mata nito.

“M-meron po akong nalala-laman tungkol sa kaso.” Nagulat ang lahat nang biglang magsalita si Badong na akala nila ay tuluyan nang napipi.

“Naroon a-ako noong nangyari ang panghohold-up ngunit d-dahil natakot ako, hindi ako naki-naki-alam. Pero natitiyak ko p-po na hindi sila Macmac a-ang mga nambugbog at nagnakaw n-nakaw sa m-matanda.” Bilang ebidensya ay ipinakita nito ang litratong kuha niya. Matapos mapawalang sala ng buong tropa ay lumapit ang mga ito kay Badong.

“Badong, s-salamat ah. Kahit naging masama kami sa’yo, ginawan mo pa rin kami ng mabuti. Kahit na nabubulol ka, maraming salamat at sinubukan mo pa ring sabihin ang nalalaman mo.”

Wala namang sinabi si Badong sa mga ito at matipid lang na ngumiti. Nabalitaan ang kahanga-hangang ginawa ng binata kaya naman muli itong naging sentro ng atensyon sa barangay. Ngunit sa pagkakataong iyon, puro papuri at magagandang salita lamang ang nasasabi ng lahat. Kahit ang ama ng binata ay napahanga sa anak.

Advertisement

Napatunayan ni Badong na ang pagkondena sa isang tao dahil lamang iba siya sa nakararami ay hindi kailanman tamang gawin.