Hinding-hindi Kita Mamahalin, Sarah!

Hinding-hindi Kita Mamahalin, Sarah!

InspiringLoveStories

“Hoy Luis, halika na maglaro na tayo ng mobile legends,” masayang yaya ni Sarah sa kaibigang si Luis.

“Sige! Pustahan ulit tayo ah. Kapag natalo ka bibili ka ng ice cream,” masayang sagot naman ni Luis.

“Sige deal!” sabay nilang wika sabay takbo ng mabilis papunta sa suki nilang internet cafe.

Bata pa lang si Sarah at Luis ay matalik na silang magkaibigan. Hanggang sa nagdalaga at naging binata ay nanatili ang pagkakaibigan nila. Madalas pang makahanap ng kaaway si Luis dahil kay Sarah. Marami kasi itong manliligaw na pinagseselosan ang closeness nila. Pero may ilan naman na nagiging kaibigan niya para lang mapalapit rin ang mga ito kay Sarah, katulad na lang ni Sandro. Naging magkaibigan sila dahil nais nitong mapalapit kay Sarah at para na rin tulungan niya itong manligaw sa kaniyang bestfriend.

“Dali na par tulungan mo ako kay Sarah,” nakikiusap na wika ni Sandro.

“Ayoko nga! Bakit kasi hindi na lang ikaw ang magsabi sa kaniya?” wika ni Luis.

“Dali na! Ini-snob ako ni Sarah e, pero ikaw hindi kaya dali na tulungan mo na ako. Ililibre kita promise,” nakangiting wika ni Sandro, sabay abot ng chokolate at isang pulang rosas sa kaniya. “Ibigay mo ‘yan kay Sarah ah. Teka nga, magklaruhan muna tayo. May gusto ka ba kay Sarah?” tanong nito.

“A-ano! Wala akong gusto sa tukmol na babaeng iyon ‘no,” nauutal na wika ni Luis kay Sandro.

“Mabuti naman kung ganun. Basta par bigay mo ‘yan ah,” huling bilin nito bago tuluyang umalis sa court na pinaglalaruan nila. Naiwan si Luis na nakatulala sa ibinigay kay Sandro. Ibibigay niya ba iyon kay Sarah? Sa kakaisip ay padabog siyang tumayo upang makauwi na rin.

Mabilis na lumipas ang panahon at hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila ni Sarah. Masaya silang nagbibiruan ni Sarah nang bigla niyang nakita si Kean na nagmamadaling tumatakbo sa papalapit sa kaniya.

“Luis! Alam mo na ba ang balita?” hinihingal na tanong ni Kean sa kaniya. “P*tay na si Sandro! Par biglaan, sabi sa’kin nasagasaan daw siya,” mangiyak-iyak na dugtong nito.

“A-ano?” wika ni Luis sa hindi makapaniwalang tono.

Kinabukasan ay nakilamay si Luis sa burol ni Sandro. Ang agang n*matay nito, kunting tiyaga na lang sana ay ga-graduate na sila ng kolehiyo kaso nadisgrasya ito. Dumungaw siya sa kabaong ni Sandro habang umiiyak na kinakausap ito.

“Patawarin mo ako par kung lagi kong binabasket ang sulat mo kay Sarah, patawarin mo ako par kung ako mismo ang kumakain sa chokolateng bigay mo para kay Sarah. Patawarin mo ako par kung tinatapon ko sa basurahan ang bulaklak na bigay mo. Patawarin mo ako par. Pangako hinding-hindi ko mamahalin si Sarah, dahil sa kataksilang ginawa ko sa’yo,” humagulhol niyang wika.

Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon nga ay bente-nuwebe na si Luis habang bente-otso naman si Sarah.

“Luis, naghiwalay na naman kami ni Jake,” malungkot na sumbong ni Sarah sa kaibigan.

“Sus! Una pa lang alam ko naman na hindi kayo magtatagal ng lalaking iyon,” balewalang wika ni Luis.

“Paano mo naman nalaman? Tsaka bakit wala kang sinasabi sa’kin!” galit na wika ni Sarah.

“Makikinig ka ba sa’kin kapag binalaan kita? Tsk! Kaya hinayaan na lang kita kasi alam kong wala ka naman gagawin kahit balaan pa kita,” ismid ni Luis.

“Sabagay,” agad namang sang-ayon ni Sarah. “Luis, napapaisip lang ako. Bakit hindi na lang ikaw ang mahalin ko? Tutal marami na akong naging boyfriend pero hanggang ngayon wala pa rin akong asawa,” suhestiyon ni Sarah sa kaibigan.

“Sarah, wala akong balak mahalin ka kaya tantanan mo ako. Ito na lang ang tatandaan mo. Hinding-hindi kita mamahalin kahit anong mangyari, hindi kita mamahalin Sarah,” wika ni Luis, habang nakatitig ng deretso sa mga mata niya.

“Bakit kasi ayaw mo akong mahalin?!” padabog na wika ni Sarah. “Pangit ba ako? Mataba ba ako? Hindi ba ako deserve mahalin? Bakit hindi mo ako magawang mahalin?” kunwari’y pagda-drama na wika ni Sarah, pero deep inside ay totoo iyon. Matagal na niyang dinadaan sa biro ang salitang gusto niya ang kaibigan. Ngunit ang lagi nitong sinasabi sa kaniya’y: “Hinding-hindi kita mamahalin Sarah.”

“Basta ayokong mahalin ka. Hindi pwede,” seryosong wika nito na nakatitig sa malayo. Hindi na lang sumagot si Sarah, nakatitig na lang siya sa mukha ng kaibigan sabay buntong hininga.

Kinabukasan ay kinausap muli ni Sarah si Luis. Ano nga ba ang dahilan bakit ayaw ni Luis sa kaniya. Lagi lang kasing sinasabi nitong hinding-hindi siya nito mamahalin.

“Hoy! Luis, ipaliwanag mo nga sa’kin kung bakit ayaw mo akong mahalin?” bungad niya sa kaibigan. “Hindi ako nakatulog sa kakaisip kung bakit ayaw mo akong mahalin. Ano ba ang dahilan mo? Takot ka bang isugal ang pagkakaibigan natin? Hindi ka ba talaga attracted sa ganda ko? Ano ba ang dahilan mo?” sunod-sunod na tanong ni Sarah kay Luis.

“Ano bang nangyayari sa’yo? Bakit ako na naman ang hina-hunting mo ngayon? Ganyan ka na ba ka-desperada?” takang tanong ni Luis habang napapangiti dahil sa itsura ni Sarah. “Tingnan mo mukha mo oh! Wala ka pang ligo at toothbrush,” dugtong nito.

“Gusto ko lang malaman kung bakit ayaw mo akong mahalin? Matagal na kitang gusto at alam kong nararamdaman mo iyon kung hindi ka ba naman manhid. Ilang anesthesia ba ang itinurok mo sa sarili mo bakit ang manhid-manhid mo?!” naiinis ng wika ni Sarah.

“Ayaw kong mahalin ka kasi mahal ka ni Sandro!” sa wakas nasabi na rin niya ang totoong nagpipigil sa kaniyang mahalin niya si Sarah. “Pakiramdam ko ang laki ng kasalanan ko sa kaniya kasi binabasket ko ang love letter na pinaghirapan niya noon para sa’yo. Hindi mo man lang nalaman na mahal ka niya dahil sa’kin. Kaya ayokong mahalin ka. Ipinangako ko sa kaniyang hinding-hindi kita mamahalin bilang pagrespeto sa kaniya,” seryosong wika ni Luis.

“Anong gusto mong gawin ko? Mahalin ko ‘yong taong p*tay na? Luis, wala kang kasalanan sa pagkam*tay ni Sandro, hindi naman ikaw ang sumagasa sa kaniya. Ano naman ngayon kung hindi ko nalaman na mahal niya ako? Hindi naman mahalaga sa’kin iyon dahil noon pa man ikaw na talaga ang mahal ko. Ayaw mo lang akong mahalin,” humihikbing wika ni Sarah. “Mahalin mo naman ako Luis, parang awa mo na,” nagmamakaawang pakiusap ni Sarah habang umiiyak.

“Bakit ba para kang desperadang naubusan ng lalaki d’yan?” natatawang wila ni Luis.

“Kasi hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko sa’yo e. Ang tagal kong naghintay sa’yo pero ang manhid-manhid mo! Kung sino-sino na lang naging bf ko para pagselosin ka pero bokya ako lagi. Anong moves pa ba ang dapat kong gawin?” humahagulhol na si Sarah kaya agad niyang niyakap ang kaibigan upang patahanin.

“Sorry na. Sorry na talaga. Sorry kung nagmanhid-manhiran ako,” wika ni Luis, sabay halik sa noo nito. “Bakit ka bumigay ngayon? May pa-amin-amin ka pa sa umaga, hindi mo nga naalalang mag-toothbrush,” natatawang wika ni Luis sa kaibigan noon pero mukhang hindi na ngayon.

“Wala nga akong tulog e. Hinintay ko talagang tumilaok ang manok para sugurin ka. Bakit kasi kailangan pang maging desperada ako bago mo ako sagutin,” nakalabing wika ni Sarah. Hindi na siya sinagot ni Luis, sa halip ay siniil nito ng halik ang labi niya.

Hindi na nila pinatagal pa ang lahat. Makalipas lamang ang tatlong buwan ay nagpakasal na silang dalawa ni Luis. Pakiramdam ni Sarah ay iyon na ang pinakamasayang araw niya. Sa wakas natupad na rin ang pangarap niya noon pa man. Ang makasal sa best friend at partner-in-cri*me na si Luis. Alam niyang hindi pa sapat ang maraming taon na nakilala niya si Luis bilang kaibigan. Dahil ngayon ay kikilalanin niya ito bilang kaniyang asawa.

More Stories