Bata pa lang si Pepito at Ria ay magkaibigan na silang dalawa. Habang lumalaki sila ay hindi na lang kaibigan ang nararamdaman ni Ria para kay Pepito. Iniibig niya ang matalik na kaibigan at masaya siya kapag nakakasama ito. Mula noong naramdaman niya iyon ay wala na siyang itinago sa lalaki. Pinakita at pinaparamdam niya kay Pepito ang kaniyang pagmamahal para sa lalaki, siya ang number one fan ni Pepito sa lahat ng bagay na nais nitong gawin, taga-suporta at kung ano-ano pa. Ang dahilan niya lagi ay “mahal kita kaya ko ginagawa ang mga bagay na ‘to,” at ang laging sagot lang ni Pepito ay “maraming salamat kapatid.”
Madalas pa nga siyang nagseselos kapag may nali-link sa lalaki o kapag may nakikita siyang nilalandi nito. Sinasaway naman siya agad ni Pepito pero hindi niya talaga maiwasang hindi makaramdam ng selos.
“Ayoko lang naman Pepito na may umaaligid sa’yong ibang babae,” naiinis na wika ni Ria ng sawayin siya nito dahil may inaway siyang babaeng sobrang sweet kay Pepito.
“Paano ako makakapag-asawa kung hindi ako lalandi, Ria?” natatawang wika ni Pepito.
“Bakit kasi hindi na lang ako ang asawahin mo?!” naiinis na wika ni Ria.
“Hindi ako pumapatol sa kapatid Ria,” agad nitong wika.
“Hindi tayo magkadugo Pepito,” sagot naman ni Ria. Laging ganun ang usapan nila, pero alam naman niyang mahal din siya ni Pepito. Sapat nang patunay ang mga pinapakita nito sa kaniya. Gusto lamang siguro nitong mag-enjoy muna sa buhay kaya hinahayaan na muna niya ito sa kaniyang gusto. Pero alam niyang pagdating ng tamang panahon ay siya ang babaeng pakakasalan ni Pepito. Paano niya nalaman? Basta ramdam lang niya.
“Hi Ria,” nakangiting bati ni Ralfh sa kaniya na tanging irap lang ang sinagot ni Ria. “Pwede ba kitang ligawan Ria?” pangungulit pa rin ng lalaki. Matagal na niyang manliligaw si Ralfh kaso hindi niya ito pinagtutuunan ng pansin, dahil hindi naman niya ito gusto.
Marahas niya itong nilingon at tinignan ng nakaka-insulto. “Hindi kita type! FYI may boyfriend na ako,” tukoy ni Ria kay Pepito.
“Sino si Sir Pepito? Ang alam ko may girlfriend na siyang model ‘di ba? Ikaw lang naman yata ang umaasa sa kaniya. Hanggang bestfriend lang ang turing niya sa’yo, pero ako kaya kitang mahalin ng higit pa,” wika nito dahilan upang mainsulto si Ria.
“Itahimik mo yang bunganga mo kung ayaw mong tahiin ko ‘yan!” naiinis na wika ni Ria sabay talikod sa lalaki.
Nakakainis kasi ‘tong si Pepito, alam naman niyang siya ang mahal nito pero nambababae pa rin. Ayan tuloy na chi-chismis ito sa iba. Kinabukasan ay agad niyang sinita ang lalaki.
“Pepito! Totoo ba ang naririnig kong girlfriend mo na si Jasmine? Ang pangit na modelong iyon?!” galit na wika ni Ria.
“Mas pangit ka naman kaysa sa kaniya, Ria,” natatawang wika ni Pepito. Hindi man lang ito apektado sa galit niya. “Oo girlfriend ko na siya. Ano naman sa’yo ngayon?” nang-aasar na wika pa nito.
“Wala naman! Naiinis lang ako kasi bakit mo ako pinapahirapan ng ganito! Ano bang gusto mong gawin ko para huminto ka na?” mangiyakngiyak na wika ni Ria.
Tinitigan muli siya ni Pepito na para bang hindi ito makapaniwala sa sinasabi niya. “Wala Ria, kasi wala naman talaga tayong relasyon. Ikaw lang naman itong umaasa sa’kin kahit hindi naman kita pinapaasa. Kaibigan lang kita at hanggang dun lang ang relasyon natin Ria. Ano ba ang mahirap intindihin dun?” wika ni Pepito.
“Sinuportahan kita sa lahat ng gagawin mo Pepito, kahit minsan hindi na kita maintindihan. Pero nandito pa rin ako sa likod mo mula noon hanggang ngayon. Akala ko may pag-asa ako, may pag-asa tayo pero wala naman pala kasi manhid ka!” galit na wika ni Ria.
“Ria, kaibigan lang talaga ang nararamdaman ko sa’yo. Hindi na humigit pa doon. Mula noon hanggang ngayon, hindi na nagbago ang damdamin ko sa’yo. Akala ko bukal sa loob mo ang lahat, kaso mukhang ginagawa mo lang pala iyon dahil may motibo ka,” malungkot na wika ni Pepito.
“Umasa ako Pepito, umaasa ako sa maling akala at maling pag-ibig na akala ko balang araw makakamit ko rin mula sa’yo. Pero ayoko na,” wika ni Ria sabay talikod ng agad ding matigilan.
“Hindi ko sinabing umasa ka Ria,” mahinang wika ni Pepito.
Hindi na napigilan ni Ria ang pag-agos ng mga luha sa mata. Tama si Pepito, kasalanan niya ang lahat dahil umasa siya. Umasa siya kahit ilang beses na nitong pinaaalala kung ano lamang siya sa buhay nito. Tanga siya pagdating dito. Kaya heto ngayon, durog ang puso niya.
Mula noong huli nilang pag-uusap ay hindi na muling nagparamdam si Ria sa kaibigan. Iniiwasan niya na ito at pilit binabalewala ang mga naririnig na chismis sa lalaki. Mas nag-focus siya sa sarili. Sa wakas pinagbigyan niya si Ralfh, sinubukan niyang ibaling ang pagmamahal niya rito. Mahirap nung umpisa dahil naikukumpara niya ito kay Pepito. Ngunit katagalan ay minahal niya rin si Ralfh, katumbas ng binibigay nitong pagmamahal sa kaniya.
“Ralfh, salamat ah kasi nagtiyaga kang mahalin ako kahit nung una ay alam mo namang hindi kita ganun kamahal,” buong pusong wika ni Ria sa lalaki.
“Ang lalaking nagmamahal ay hindi basta-bastang sumusuko. Parang ikaw noon kay Pepito,” pabirong wika ni Ralfh sa kaniya. Agad namang napalo ni Ria ang braso nito. “Joke lang ‘yon babe,” natatawang wika ni Ralfh sabay kabig sa bewang niya at siniil ng halik ang kaniyang labi.
Naging aral kay Ria ang nangyari sa kanila ni Pepito. Huwag mag-assume ng mga bagay na tanging ikaw lang ang nag-iisip. Baka kasi nagkakamali ka lang o umaasa ka lang sa wala. Matutong tanggapin na ang lahat ng bagay ay hindi mapapasa’yo. May mga bagay na hindi talaga nakalaan para maging sa’yo. Katulad na lang kay Pepito, kahit anong pilit ni Ria hindi niya magawang pilitin ang puso nitong ibigin siya.
Ang sabi sa kanta: “Huwag mahihiyang magtanong!” Pero sa sitwasyon nilang dalawa hindi na niya kailangang magtanong pa dahil si Pepito na mismo ang nagsasabi sa kaniya ng tunay na nararamdaman nito. Naging manhid lang siya at hindi matanggap ang lahat.