Sa Loob ng Factory

Kadarating pa lang ni Mona sa Maynila nang agad na tumawag sa kanya ang kanyang matalik na kaibigan na si Addie upang tumambay sila sa kanilang bahay. Sa kanto pa lamang ay nakita na ni Mona ang kanyang kaibigan na masiglang kumakaway at may patalon-talon pa na labis niyang ikinatuwa.

Habang naglalakad ang magkaibigan patungo sa bahay ay napansin ni Mona na sobrang daldal ng kaibigan niya ngayon at halos hindi ata ito nauubusan ng kwento. Pakiramdam ni Mona ay sobrang tagal ng kanilang paglalakad sa dami na ng naikwento ni Addie sa sandaling oras na pagkakasama nila.

Nakarating ang magkaibigan sa bahay ni Addie, sinabihan niya ang kanyang kaibigan na maupo muna sa kanilang mini garden at ipaghahanda niya lang siya ng makakain at maiinom. Bandang alas sais na rin nang dumating sila sa bahay at lumipas na rin ang tatlumpung minuto bago lumabas ng bahay si Addie na may dalang juice at isang burger na nakabalot ng brown na papel.

“Salamat besh! Nag-abala ka pa talaga ah!” pagpapasalamat ni Mona sa kaibigan.

“Basta ikaw, sandali lang ha, papasok lang ako saglit. May kukunin lang ako,” sagot naman ni Addie.

Pumasok muli si Addie sa kanilang bahay upang kuhain ang gamit na kaniyang nakalimutan, ilang minuto na naman ang lumipas at hindi pa rin bumabalik si Addie. Dumidilim na rin kaya naman naisip na ni Mona na pumasok na lang sa bahay. Nagtataka ang dalaga kung bakit gabi na ay hindi pa rin nagbubukas ng ilaw si Addie.

Aakmang tataas na sana si Mona nang biglang nag-ring ang kanyang telepono kaya tumigil muna ang dalaga upang tingnan kung sino ito. Pagkakuha ng dalaga ang telepono sa kanyang bulsa ay nakita niya na si Addie ang tumatawag, labis namang ipinagtaka ito ni Mona dahil bakit pa kailangan tumawag ng kaibigan kung malapit lamang sila sa isa’t-isa.

Sinagot ni Mona ang tawag kahit nagtataka siya, agad namang nagsalita si Addie sa kabilang linya, “Hello? Besh! Nasaan ka na ba? Kanina pa ako naghihintay sa’yo dito sa bahay, hinihintay ka rin ni mama kasi niluto niya ‘yong paborito mong adobo,” tanong ng kanyang kaibigan sa kabilang linya.

Advertisement

Sa takot ni Mona ay hindi na nito nap*tay ang tawag at agad itong tumakbo at hinanap ang daan palabas, dahil madilim na ay ginamit ng dalaga ang flashlight sa kaniyang telepono at naaninag niya ang mga plastic na nagkalat pati mga papel, naapakan rin ng dalaga ang mga basag na bote at napansin rin niya na maraming mga pula-pulang marka sa pader at sahig.

Hingal na hingal ang dalaga nang makarating ito sa labas, nang tingnan ng dalaga ang pinasukan niya ay nakita niya itong isang abandonadong factory. Maraming puno sa paligid at basag-basag ang mga bintana nito. Sira naman ang pintuan ng factory kung saan lumabas si Mona. Ang factory na iyon ay isang barangay pa ang layo kila Addie na ipinagtaka lalo ng babae.

Nang may mapadaan na tricycle ay agad-agad itong pinara ni Mona at dali-daling sumakay ang dalaga, hindi pa rin niya makalma ang sarili sa takot na nararamdaman niya.

“Miss, matanong ko lang, bakit ka po nasa abandonadong factory? Gabing-gabi na po ah,” tanong ng drayber.

“Manong, nakita ko po kasi yung kaibigan ko sa kanto kaya naman po bumaba ako at sinalubong ang kaibigan ko. Nung una naman po ay maayos naman pero kinalaunan ay napansin ko po na parang may kakaiba na kaya pumasok ako, sa paningin ko po kasi ay iyon ang bahay ng aking kaibigan,” nanginginig na sagot ng babae sa matanda.

Nanlaki ang mata ng matanda sa narinig, “Susmaryosep! Buti nakalabas ka pang bata ka,” sabi ng matanda. Nagtaka ang dalaga sa sinabi ng driver.

“B-bakit po manong? A-ano po ang mayroon?” Takot na tanong ng dalaga.

“Ang sabi-sabi sa amin dito ay may mga nag riritwal na kulto diyan sa abandonadong factory, sabi rin na mga satanista daw ito, gumagamit ng hipnotismo ang mga kasapi ng kultong iyon at ang mga biktima raw ay iaalay sa demonyo. Sa totoo lang, iha, isa ka lamang sa maraming nabiktima nila, at isa ka sa kaunting mabubuting pinalad na makaalis, iha kung ako sa’yo ay wag ka magpagabi o magpalipas ka nalang muna ng gabi sa iyong pupuntahan,” sagot ng matanda sa dalaga.

Advertisement

Nakarating ng ligtas si Mona sa bahay ng kanyang kaibigan at nagpasalamat naman ang dalaga bago umalis ang drayber. Pumasok na siya sa bahay nila Addie at sinalubong niya ang mag-ina ng yakap at hagulgol sa takot. Nagtaka naman ang mag-ina kaya naman tinanong ng dalawa kung bakit at anong nangyari at agad naman itong ikinuwento ng dalaga.

Simula nang pangyayaring iyon ay pagpatak pa lamang ng alas-sais ay pinagbabawalan nang lumabas ang magkaibigan, nabalita rin na mayroon na naman daw na kabataang nawala na lang na parang bula. Sa ngayon ay isa si Mona sa buhay na patunay sa mga paranormal na pangyayari sa loob ng factory.