Inday TrendingInday Trending
Nanganak ang Misis Niya sa Bahay; Mas Pinaniwalaan Niya pa ang mga Albularyo nang Magkakumplikasyon Ito

Nanganak ang Misis Niya sa Bahay; Mas Pinaniwalaan Niya pa ang mga Albularyo nang Magkakumplikasyon Ito

Lunes ng umaga, nagising si Carding sa sigaw ng kaniyang asawa na talagang nagpabalikwas sa kaniya.

“Mahal, tulungan mo ako! Pumutok na ang panubigan ko! Tumawag ka na ng kumadrona!” sigaw nito dahilan para siya’y dali-daling tumakbo sa bahay ng kapitbahay nilang nagpapaanak habang pinababantayan niya ang asawa sa kapatid niyang nagising din sa sigaw nito.

Pagkasabing-pagkasabi niya ng balitang ito sa kumadronang kinontrata na nila noon pa man, dali-dali na rin itong nagtungo sa kanilang bahay. Pinahanda agad nito sa kaniya ang lahat ng kailangang gamit katulad ng lampin, maligamgam na tubig, gunting, alocohol at marami pang iba.

Kabadong-kabado man siya sa panganganak ng asawa dahil kitang-kita niya kung paano ito hirap na hirap umire, siya’y labis na nanalangin para sa kaligtasan ng kaniyang mag-ina.

Tila dininig naman kaagad ang kaniyang panalangin dahil ilang minuto pa ang lumipas, napalitan na ng iyak ng kaniyang anak ang malalakas na sigaw ng kaniyang asawa.

“Naku, lalaki ang anak mo, Carding! May junior ka na!” sigaw ng kumadrona na talagang ikinatuwa niya.

Agad niyang binuhat ang kaniyang anak at ito ay pinakita sa asawa niyang hinang-hina.

“Napakatapang mo, mahal, pangako, hindi ko kayo pababayaan,” nakangiti niyang sabi rito.

Hindi siya umalis sa tabi nito kahit saglit. Magdamag niyang binantayan ang kaniyang mag-ina kahit na siya’y antok na antok na.

Kaya lang, ilang oras lang ang lumipas, napansin niyang tila kinakapos ng hininga ang kaniyang asawa.

“Ayos ka lang ba, mahal?” tanong niya rito saka niya ito hinawakan sa kamay. Doon niya naramdamang mainit ang katawan nito at may kaunting panginginig, “Diyos ko! Anong nangyayari sa’yo?” tanong niya ngunit kahit anong tugon wala siyang nakuha rito, “Bunso! Bunso! Tingnan mo muna si ate mo, tatawag ako ng albularyo!” utos niya sa kapatid niyang noon ay nagpapahinga na.

“Kuya, hindi ka dapat sa albularyo lumapit! Tumawag ka na ng tulong para maidala na sa ospital si ate!” sabi nito ngunit dahil nga malaki ang paniniwala niya sa mga manggagamot sa kanilang barangay, hindi niya ito inintindi.

Pagkadating niya sa bahay ng albularyo, agad niyang sinabi rito ang sitwasyon ng kaniyang asawa at nang sabihin nitong, “Normal lamang iyon, hijo, sa mga babaeng nanganganak. Wala ka dapat ikapag-alala! Ito, ipainom mo sa kaniya itong tsaa na gawa ko. Maigi ‘yan sa lamig na tiyak nararanasan ng asawa mo,” siya’y agad na naniwala at pinainom ang tsaa sa asawa.

Ngunit, paglipas pa ng ilang oras, tumirik na ang mga mata ng kaniyang asawa at ito’y hindi na talaga makahinga.

“Kuya! Bakit ba ayaw mo pa siyang dalhin sa ospital? Walang maitutulong sa’yo ang mga manggagamot! Kung una pa lang dinala mo na siya sa ospital, at doon mo siya pinaanak, hindi mangyayari ‘to, kuya!” sigaw nito sa kaniya saka binigyan ng supot ang kaniyang asawa upang makatulong sa paghinga.

“A-ayos lang naman siya…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil siya’y tiningnan na nang masama ng kapatid.

“Anong ayos sa sitwasyon niya ngayon, kuya? Hahayaan mo bang mawala ang ina ng anak mo dahil lang sa bilib mo sa mga manggagamot dito sa lugar natin?” sigaw nito dahilan para siya’y biglang matauhan.

“Hawakan mo ‘tong bata, tatawag na ako ng tulong,” natataranta niyang sabi saka inabot ang anak sa kapatid.

Oramismo, agad siyang tinulungan ng kanilang mga kapitbahay na madala sa ospital ang kaniyang asawa at pagdating nila roon, dali-dali itong pinasok sa emergency room.

“Patawarin mo ako, mahal, pinili kong maniwala sa mga manggagamot kaysa siguraduhin ang kaligtasan mo,” iyak niya habang naghihintay sa naturang ospital.

Sa kabutihang palad, agad na nalunasan ang kondisyon ng kaniyang asawa.

“Mister, kung mag-aanak po ulit kayo ni misis, mas maiging sa ospital mo siya idiretso kaysa paanakin mo siya sa bahay. Mas bihasa kaming mga doktor kaysa sa mga kumadrona at albularyo. Sa ganoong paraan, masisiguro mo ang kaligtasan ng mag-ina mo,” payo nito na talagang buong puso niyang tinanggap.

Doon din, nangako siya sa sariling mas uunahin na ang kapakanan ng kaniyang mag-ina kaysa sa kaniyang mga paniniwala. Ayaw niya na muling maranasan ang takot at pag-aalalang naramdaman niya nang mag-agaw buhay ang kaniyang asawa.

“Hindi ko kayang mawala ka, mahal,” hikbi niya habang hinimas-himas ang kamay ng asawa niyang ngayon ay nakakakain na at napapas*so na ang kanilang bagong silang at malusog na anak.

Advertisement