Nais Ipagtanggol ng Kumpanya ang Mayamang Nasasakdal, Piliin Niya kaya ang Trabaho at Pera kaysa Hustisya?
Ginawa ng dalagang si Hejina ang lahat upang maabot niya ang pangarap na maging isang abogado. Nabuo ang pangarap niyang ito noon nang maaksidente ang kaniyang ama na agad binawian ng buhay at dahil nga mayaman ang nakasagasa rito, sinuhulan lamang sila ng pera ng mga ito para tumigil ang kaso.
Hindi man maibabalik ng malaking halaga ng pera ang buhay ng kaniyang ama noon, naging praktikal na lang ang kaniyang ina at ito’y tinanggap. Sabi pa nito sa kaniya, “Wala rin naman tayong laban sa kanila, anak, mayaman sila at kaya nilang paikutin ang lahat sa kamay nila. Gagamitin natin ang perang ito para makapag-aral ka ng kolehiyo. Maging abogado ka, anak, at siguraduhin mong mababawasan na ang mga mahihirap na hindi makakuha ng hustisya dahil lang sa pera. Siguradong ikatutuwa ng ama mo iyon,” na talagang tumatak sa isip niya dahilan para ganoon niya isubsob ang sarili sa pag-aaral.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos ng pag-aaral at naghanda sa pagkuha ng pagsusulit. Ilang beses man siyang bumagsak sa pagsusulit upang maging rehistradong abogado, paulit-ulit niyang tinatak sa isip niya na hindi niya dapat biguin ang kaniyang mga magulang.
Kaya naman, sa panglimang beses niyang pagkuha ng pagsusulit, sinigurado na niyang siya’y makakapasa at tila sinang-ayunan naman siya ng tadhana dahil paglabas ng resulta, pangalan niya pa ang nanguna sa listahan ng mga nakapasa!
“Anak, kung nandito lang ang tatay mo, tuwang-tuwa iyon sa tagumpay mo!” iyak ng kaniyang ina nang ibalita niyang siya’y nakapasa.
“Simula pa lang po ito, mama, marami akong ipapanalong kaso para sa mga mahihirap,” tugon niya na lalo nitong ikinatuwa.
At dahil nga siya ang nanguna sa mga nakapasa, ilang araw lang ang binilang niya, may isang kilalang kumpanya ng mga abogado ang nagbigay sa kaniya ng trabaho.
Malaki ang pasahod na pangako ng mga ito sa kaniya dahilan para agad niya itong tanggapin. Pagkapasok na pagkapasok niya pa lamang, agad na siyang binigyan ng ipagtatanggol na kaso.
“Gawin mo ang lahat para maipanalo ang kasong iyan, hija. Malaki ang investment sa atin ng tatay ng dalagang nirereklamo. Nakasalalay sa’yo ang pagpapatuloy ng kumpanya natin,” sabi ng pinakamataas na abogado sa kumpanya saka iniabot sa kaniya ang ilang dokumento.
“Teka lang po, ipagtatanggol ko po ang inirereklamo?” tanong niya rito.
“Oo, madaling kaso lang naman ‘yan, hija. Suhulan mo lang ng pera ang pamilya ng biktima, ayos na agad ‘yan. Nabangga niya lang naman ang isang matanda dahil sa kalasingan niya. Ikaw na ang bahala riyan,” kwento nito na labis niyang ikinagulat.
“Hindi po ‘to masosolusyunan ng pera, boss! Lalo na’t nakalagay dito, agad na nawalan ng buhay ang matanda bago pa maidala sa ospital!” sambit niya rito at bigla niyang naalala ang nangyari sa kaniyang ama.
“Masyado ka pa nga talagang bata, hija. Hindi ka kikita kung puso ang gagamitin mo imbes na utak. Ito ang pera, iabot mo sa pamilya ng biktima kapag nagkita na kayo. Kung hindi mo magagawa nang ayos ‘yan, hindi ako magdadalawang-isip na tanggalin ka kahit kakapasok mo pa lamang!” babala ng ginang saka siya agad na iniwanan.
Alam niya sa sarili niyang mali ang trabahong pinapagawa sa kaniya. Alam niyang hindi matutuwa ang kaniyang amang nasa langit kung pipillin niya ang trabaho, pera, at posisyon kaysa sa hustisya na noon ay hindi rin nila nakamtan.
Kaya naman, hindi niya tinuloy ang pakikipagkita sa pamilya ng biktima upang ibigay ang pera. Bagkus, pinag-aralan niyang mabuti kung paano mabibigyan ng hustisya ang biktima.
“Bahala na kung mawalan ako ng trabaho at lisensya, kung abogado na ako noong nawala ang papa ko siguradong ito rin ang gagawin ko,” sabi niya sa sarili, isang hapon bago siya tuluyang pumasok sa court of justice ng kanilang kumpanya.
Pagkadating niya roon, agad siyang tinawag na parang pulubi ng mayamang dalagang nirereklamo. Ngumiti lang siya rito saka agad na pinasa sa judge ang mga ebidensyang nakalap niya laban sa nirereklamo.
“Teka, hindi ba’t ikaw ang abogado ng nasasakdal? Bakit lahat ng ebidensyang ito ay laban sa kaniya?” tanong ng judge matapos basahin ang mga dokumentong binigay niya.
“Kasi po, your honor, siya naman po talaga ang dapat na maparusahan at magsisi. Lasing siyang nagmamaneho at gustong bayaran ang pamilya ng biktimang nawalan ng buhay. Hindi po ba’t walang kinikilingan ang hustisya? Mayaman man o mahirap, kailangang mabigyan nito,” diretsahan niyang sabi na nagbigay ng matinding ingay sa loob ng korte.
Dahil doon, agad na napatunayan ang pagiging guilty ng nirereklamo at ito’y nahatulan ng ilang taong pagkakakulong.
Halos halikan ng pamilya ng biktima ang kaniyang mga paa dahil sa labis na pagpapasalamat ng mga ito.
Mangiyakngiyak niyang niyakap ang mga ito habang iniisip ang kaniyang ama na siguradong kaniyang napapangiti ngayon.
Natanggal man siya sa kumpanyang iyon, sandamakmak naman na mas kilalang kumpanya ang nag-agawan sa kaniya dahil agad na umingay sa media ang ginawa niya.
“Kapag talaga ginawa mo ang tama, anak, tatanggalin ka ng Panginoon sa isang posisyong hindi takda sa’yo at ilalagay ka niya sa isang lugar kung saan ka talaga nabibilang. Mukhang parehas mong napangiti ang Panginoon at ama mo ngayon,” sabi ng kaniyang ina habang siya’y nag-aayos ng gamit patungo sa bagong kumpanya kaniyang pagtatrabahuhan na labis niyang ikinaiyak dahil sa tuwa.