Inday TrendingInday Trending
Napansin Niyang Buhay ang mga Halaman Niya Kahit Hindi Niya Nadidiligan; Sino nga ba ang may Gawa Nito?

Napansin Niyang Buhay ang mga Halaman Niya Kahit Hindi Niya Nadidiligan; Sino nga ba ang may Gawa Nito?

Sa tinagal-tagal niya sa paghahanap ng pagkakakitaan, ngayon lamang nakakuha ng isang magandang trabaho sa Maynila ang dalagang si Pai at dahil nga ilang kilometro ang layo nito sa probinsya kung saan siya nakatira, napagdesisyunan niyang magrenta na lamang ng isang maliit na apartment malapit sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya na lingid naman sa kagustuhan ng kaniyang ina.

“Paano kung may mangyaring masama sa’yo roon, ha? Mag-uwian ka na lang! Dalawang bus lang naman ang sasakyan mo para makarating sa trabaho mo!” pag-aalala ng kaniyang ina.

“Mas maaga akong mawawalan ng buhay kung mag-uuwian ako, mama! Pagod na ang katawan ko sa trabaho, mapapagod pa ako lalo sa tagal ng biyahe! Sayang din sa oras, mama!” katwiran niya habang inaayos ang mga gamit na kaniyang dadalhin sa natagpuang panuluyan.

“Ang dami-dami naman kasing pupwedeng pagtatrabahuhan dito sa probinsya natin, sa Maynila pa talaga ang gusto mo! Mag-ingat ka roon, ha, mag-text ka sa akin palagi!” galit na sabi nito habang maluha-luha.

“Papayag din pala, sinermunan pa ako!” sabi niya habang tumatawa.

“Tumahimik ka! Mamimiss ka ni mama!” mangiyakngiyak nitong sabi saka siya mahigpit na niyakap.

Doon na nagsimula ang mag-isa niyang buhay sa Maynila. Mag-isa man, hindi niya ito nararamdaman dahil sa dami ng pinadalang halaman ng kaniyang ina. Pakiwari niya tuloy, naroon pa rin siya sa kanilang bahay at kasama niya pa rin ito.

Bukod pa roon, siya’y labis na natutuwa sa araw-araw na pagkaing dumadating sa apartment niya kahit wala naman siyang ino-order.

“Diyos ko, mahal na mahal talaga ako ni mama! Kahit malayo siya, nagagawa niya pa rin akong painumin ng kape tuwing umaga!” sabi niya sa sarili, isang umaga nang may dumating na delivery ng kape sa kaniya bago siya pumasok sa trabaho.

At dahil nga labis siyang natutuwa sa ginagawa ng ina, agad niya itong tinawagan upang magpasalamat.

“Ano bang sinasabi mo riyan? Saan naman ako kukuha ng pera para maibili ka ng kape sa Maynila? Bukod pa roon, ni hindi nga ako marunong umorder ng pagkain sa restawran, sa selpon pa kaya?” nagtataka nitong tugon na kaniyang pinagtaka.

“Ah, eh, biro lang, mama! Ikaw naman, nagpapaniwala ka agad! Gusto ko lang marinig ang boses mo! Papasok na po ako, ha, ingat kayo!” pagsisinungaling niya upang huwag itong mag-alala.

Kahit na hindi niya alam kung saan nanggagaling ang mga pagkaing patuloy na dumadating sa bahay niya, masaya pa rin niya itong tinatanggap dahil siya’y nakakatipid dito. Ang perang nakalaan sa pagkain niya, nagagastos niya sa pagbili ng mga pangkolorete niya sa katawan na talagang lalo niyang ikinatutuwa.

Kaya lang, isang araw, habang siya’y nagpapahinga sa kaniyang higaan, napansin niyang namumulaklak na ang mga halamang padala ng kaniyang ina na talagang ipinagtaka na niya dahil ni minsan, simula nang mapatira siya rito, hindi niya pa ito nadidiligan ng tubig.

Dahil sa pagtataka, agad niyang nilapitan ang mga ito at isa-isang inusisa. Napansin niyang may mga bagong halaman na rin sa paligid ng mga halamang bigay ng kaniya ina at bukod pa roon, mayroon ding nakatabing pandilig at ilang pampataba sa sulok ng kaniyang terasa.

Doon na siya labis na kinilabutan dahilan para papuntahin niya roon ang kapatid niyang lalaki. Kabilin-bilan niya rito, “Huwag mo ‘tong sasabihin kay mama, ha, saka pagdating mo rito, dalian mo ang pagpasok sa apartment ko,” na agad naman nitong sinunod.

Halos dalawang oras lang ang nakalipas, agad nang dumating ang kapatid niya at ikinuwento niya na rito ang lahat.

“May nagmamanman sa’yo, ate, bakit ngayon ka lang nagsabi? Lumipat ka na ng panuluyan!” payo nito, bago pa man siya makasagot, narinig niya na may nagbubukas ng kaniyang pintuan dahilan para matago ang kapatid niya at maya maya lang, isang lalaking balbas sarado ang kaniyang nakita.

“Si-sino ka?” nanginginig niyang sabi rito habang ito’y papalapit sa kaniya.

“Hindi mo ako kilala? Ako ang nagpapadala ng mga pagkaing gustong-gusto mo at ang nagdidilig ng mga halaman mo. Nakatabi mo na nga rin ako matulog, eh, imposibleng…” hindi na nito natapos ang sinasabi dahil agad na itong pinukpok ng kawali ng kaniyang kapatid at ito’y agad na dinaganan.

“Tumawag ka na ng pulis, ate!” utos nito, nanginginig man siya, pinilit niyang makatawag sa pulis upang madakip na ang lalaki.

Sa kabutihang palad, nasa kalapit na kalsada lamang ang mga pulis na nakausap niya dahilan para sila’y agad na mapuntahan ng mga ito at madakip ang naturang lalaki.

Mangiyakngiyak niyang niyakap ang kapatid dahil sa takot na nararamdaman. Ngunit dahil nga hindi siya pupwedeng basta na lang sumuko sa buhay, imbes na tumigil sa trabaho, nagpatulong na lang siya kapatid na maghanap ng bagong lilipatan at kalabanin ang takot na nararamdaman.

“Hanga ako sa’yo, ate, salamat sa pagiging matapang mo para sa pamilya natin,” sabi ng kaniyang kapatid, isang araw habang siya’y tinutulungan nitong maglipat ng gamit.

Simula noon, hindi na siya kailanman tumanggap ng kahit ano mula sa taong hindi naman niya kilala. Siniguro niya na ring walang ibang makakapasok sa kaniyang apartment nang hindi niya alam.

Hindi man niya ito sinabi sa kaniyang ina, nangako siya sa sariling hindi na ito muling mangyayari dahil siya’y lubusan nang mag-iingat. Kailangan niyang maging maingat at matatag dahil kailangan pa siya ng kaniyang pamilya.

Advertisement