Kulang-Kulang ang Suweldong Natatanggap ng mga Bagong Empleyado sa Isang Sikat na Kompanya; Aalis na Lamang Ba Sila o Ipaglalaban ang Tama?
Masayang-masaya si Charles dahil nakapasok siya sa isa sa mga pinakakilala at pinakasikat na advertising company sa Pilipinas. Nagpaabot naman ng pagbati sa kaniya ang mga kaibigan at kakilala sa social media, nang i-post niya ang larawan nito at sabihing doon na siya nagtatrabaho.
Malaki ang isinakripisyo ni Charles para lamang matupad ang pangalawa niyang pangarap sa buhay; na maging isang advertiser. Bata pa lamang siya, mahilig na siyang manood ng mga patalastas ng iba’t ibang produkto. Ginagaya pa niya ang mga ito habang nakaharap sa salamin.
Subalit sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo, hindi kaagad siya nakapasok sa advertising company dahil kinakailangan niyang makahanap kaagad ng trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Nang mga sandaling iyon ay may iniindang sakit sa puso ang kanilang ina, at nagsisipag-aral din ang mga kapatid. Nagtrabaho siya bilang store manager sa isang Korean store sa loob ng mall.
Ngayong magaling na ang ina at nakapagtapos na rin ang mga kapatid, at tutal naman ay may sarili na ring ipon at naipundar na bahay, napagpasyahan ni Charles na gawin ang propesyong isinisigaw ng kaniyang puso. May basbas naman ito ng kanilang ina.
Kaya nang makapasok na si Charles sa kompanya, ginawa ang lahat ng makakaya upang patunayan na deserving siyang makapasok doon. 25,000 piso ang alok na suweldo sa kaniya, bagay na malaki na rin para sa mga gaya niyang nagsisimula.
Subalit sa unang buwan ng kaniyang pagtatrabaho, napansin ni Charles na maliit ang suweldong nakuha niya. Kung susumahin ang suweldong nakuha niya sa isang buwan (kinsenas at katapusan), aabot lamang ito sa 15,000 piso, na ‘basic pay’ sa mga karaniwang empleyadong wala pang karanasan sa pagtatrabaho, gaya ng mga bagong graduate.
Agad niyang ipinagbigay-alam ang problema sa kaniyang boss.
“Naku, sige, akong bahala. Ako na ang magsasabi sa HR at Accounting Department tungkol diyan,” saad ng kaniyang boss.
Ngunit sa sumunod na buwan ay ganoon pa rin ang suweldong natanggap niya, malayo sa tinalakay sa kaniyang suweldo na katumbas ng pagod at effort na kaniyang ginagawa sa trabahong itinatalaga sa kaniya.
Nang sabihin niya ang problema sa kaniyang boss, kung sino-sino na ang itinuro nito, na kesyo sinabi na raw niya sa HR at Accounting Department ang problema sa kaniya. Kapag nagpupunta naman siya sa HR, itinuturo naman siya sa Accounting Department.
Dito na napika si Charles, at sa pagkabigla niya, nalaman niya na ang mga kagaya niyang bagong tanggap sa kompanya, ganoon din ang nararanasan.
“Imposible naman na dalawang beses na silang nagkakamali sa mga pasuweldo nila. Saka hindi ba kayo nagtataka, hindi nakalagay sa kontrata natin kung magkano ang halaga ng susuwelduhin natin. Dapat kasi sa kontrata, nakalagay iyon,” sabi ng isang bagong kasamahan ni Charles na dating guro sa pribadong paaralan, at nagbitiw sa trabaho upang maglakad ng papeles sa pag-aaplay sa pampublikong paaralan.
“Oo nga. Maliban na lamang kung may nangyayaring hokus-pokus. Malay ninyo, ang nakalagay sa offer letter nila sa atin ang inilalagay nila sa bookkeeping ng kompanya, tapos yung mga nawawala sa sahod natin, baka ibinubulsa nila,” wika naman ng isa pang bagong empleyado.
“Huwag tayong titigil sa pangungulit sa kanila na ibigay ang tamang pasuweldo sa atin. Maayos naman ang trabaho natin, hindi naman tayo nandadaya, kaya kailangang ayusin nila. Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang mga usaping ito,” susog naman ni Charles sa kaniyang mga kasama.
At lalo silang nagulat sa napag-alaman nilang marami na palang umalis doon sa kompanyang iyon, na ganoon din ang sitwasyon at naging dahilan ng kanilang pag-alis. Mukhang talamak talaga at hindi naiuulat sa Labor Department dahil sa malakas ang kapit.
Ngunit ang mga bagong mga empleyado na nakapasok ngayon, kagaya nina Charles, ay hindi papayag sa mga ganitong sistema.
“Kailangan nating ipaglaban ang tama kasi kung mananahimik lamang tayo dahil akala nila, hindi tayo papayag dahil mga bago tayo, mauulit at mauulit lamang ito. Marami pa silang mabibiktima,” sabi ni Charles.
At dahil sa puwersa ng mga bagong empleyadong nagrereklamo at pumapalag, sa tulong ng unyon, ay naihain nila ang reklamo sa mga taong nasa likod ng modus na ito.
Tama ang kanilang hinala. Walang may gustong magreklamo noon dahil natatakot, ngunit hindi ganoon ang personalidad nina Charles at kaniyang mga kasama.
Napag-alamang matagal na palang ‘modus’ ng ilang mga tauhan sa Accounting Department ng naturang kompanya, ang pagbabawas sa suweldo ng mga empleyado at agad itong ibinubulsa. Agad silang pinatalsik sa kompanya.
Naibalik na rin sa tamang suweldo ang nararapat na matanggap nina Charles at ng iba pang mga bagong empleyado. Napagtanto ni Charles na kapag nasa tamang katwiran, kailangang ipaglaban.