Inday TrendingInday Trending
Awa ang Naramdaman ng Ginoo sa Matandang Tsuper na Nasiraan ng Dyip Dahil Galit na Galit Dito ang mga Naabalang Pasahero; Ano Kaya ang Gagawin Niya?

Awa ang Naramdaman ng Ginoo sa Matandang Tsuper na Nasiraan ng Dyip Dahil Galit na Galit Dito ang mga Naabalang Pasahero; Ano Kaya ang Gagawin Niya?

Nagtataka si Ramil kung bakit sa paglabas niya ng lansangan, napakaraming tao at halos nagkakandahaba ang mga leeg sa pag-aabang, pagpara, pakikipaghabulan at pakikipag-unahang papasok sa mga pampasaherong dyip, na halos punuan na rin.

“May nagkikilos-protesta raw sa bandang Bayan,” iritang sabi ng isang ginang, na ang tinutukoy ay ang malaking pamilihan sa Novaliches.

Upang hindi mahuli sa trabaho, kinailangan na rin sigurong makipagbalyahan ni Ramil sa iba pang ang tanging hangad ng mga sandaling iyon ay makarating kaagad sa kanilang mga destinasyon.

Hanggang sa dumating ang isang pampasaherong dyip na walang kalaman-laman. Ang tsuper nito ay isang matandang lalaking abuhin na ang buhok, bigote, at kaunting balbas.

Siya ang pinakamagandang lalaki ng mga sandaling iyon.

Hep! Hep! Dahan-dahan lang!

Paunahin ang matatanda at buntis.

Huwag nang mamili ng puwesto. Maraming gustong sumakay.

Mapalad na nakasingit si Ramil at agad na nakahanap ng puwesto, sa dulo ng dyip. Siksikan na. May nagtangkang sumabit sa bukana ng sasakyan.

Nagsimula na ngang umandar ang dyip.

Awa ang nararamdaman ni Ramil habang pinagmamasdan ang iba’t ibang mga tao na nakaabang sa mga sasakyang papadating, umaasam na isa man lamang doon ay bakante upang makasakay na kaagad.

Isa-isa nang nagbayad ang mga pasahero, kabilang na si Ramil. Tumanggap at iniabot naman ng matandang tsuper ang mga sukli.

Mahaba-haba na rin ang nalalakbay ng tsuper nang maya-maya ay pumugak-pugak ito. Hanggang sa tuluyan na nga itong huminto sa gilid ng kalsada.

“Ano pong nangyari?” iritableng tanong ng isang babae. Posturang-postura ito at mukhang sa isang opisina pa pumapasok.

“P-Pasensya na kayo, mukhang nasira ang dyip ko eh, luma na kasi. Ibabalik ko na lamang ang mga bayad ninyo. Pasensya na talaga sa abalang naidulot ko.”

Galit na galit ang lahat dahil sa malaking abalang idinulot ng pagsakay sa dyip ng matandang tsuper.

“Dito pa talaga sa alanganing lugar! Bakit naman ho kasi bumibyahe pa kayo eh bulok naman po pala ang sasakyan ninyo!”

“Sa susunod ho, kung alam ninyong pupugak-pugak ang sasakyan ninyo, huwag na ninyong ibiyahe, para hindi kayo nakakaperwisyo sa tao. Hindi yung ganitong pati kami eh problemado!”

“Akala naman namin nakaiwas na kami sa trapik, mas pinalala mo pa!”

Hiyang-hiya ang matandang tsuper. Hindi siya makatingin nang maayos sa mga naabalang pasahero. Maging siya man ay naiinis sa mga nangyari. Akala niya kasi ay naayos na niya noong nagdaang gabi ang aberya sa makina ng dyip. Kung kailan naman kailangang-kailangan, saka naman nagloloko.

Isa-isang ibinalik ng matandang tsuper ang mga bayad ng mga pasahero. Nakaramdam naman ng pagkaawa si Ramil sa sitwasyon ng matanda.

Isa-isa nang nakasakay ang mga pasaherong bumaba mula sa nasirang sasakyan ngunit naiwan pa rin si Ramil. Pinagmamasdan niya ang kaawa-awang matandang tsuper na hirap na hirap na ring kumilos, ngunit marahil ay walang mapamimilian kundi ang magbanat ng buto.

“Manong, gusto n’yo po bang tulungan ko na po kayo?” hindi na natiis ni Ramil ang nakikitang kalagayan ng matandang tsuper.

“Naku, kaya ko na ito. Saka nakakahiya sa iyo, marurumihan ka.”

“Hindi ho, manong. Nagtatrabaho po ako sa isang car company kaya alam ko pong bumutingting ng sasakyan, bagama’t wala po akong sariling sasakyan.”

Pumayag na rin ang matanda sa tulong na iniaalok ni Ramil.

Batay sa kanilang kuwentuhan, matagal na palang jeepney driver ang matandang tsuper na si Mang Gado. Kaya lamang ay tumigil na siya dahil sa rayuma. Nahihirapan na umano siyang tumapak sa mga dapat apakan upang mapaandar ang dyip. Kaya lang, napilitan siyang lumabas ulit dahil nagkasakit umano ang kaniyang anak na naghahanapbuhay sa kanila. Ayaw niyang maging pabigat.

“Kaya malaking pilas sa kita kung hindi ito maaayos,” wika ni Mang Gado.

“Huwag po kayong mag-alala, akong bahala. Aayusin natin ito, Mang Gado,” wika ni Ramil habang binubutingting ang makina ng sasakyan.

“Naku salamat, anak. Napakabait mo,” pasasalamat ni Mang Gado kay Ramil.

Maya-maya, umandar na rin ang makina ng sasakyan.

“Maraming salamat, Ramil ah? Halika’t magpunas ka ng mga kamay mo,” at kinuha ni Mang Gado ang baong tubig na pangmakina at ibinuhos sa mga kamay ni Ramil na punumpuno ng grasa.

“Halika at sumakay ka na. Ihahatid na kita sa trabaho mo bilang pasasalamat. Libre na rin ang pamasahe mo. Salamat talaga, hindi masasayang ang araw na ito at may maiuuwi ako sa pamilya ko.”

Masayang-masaya nang araw na iyon si Ramil. Kahit na nahuli man siya sa trabaho, alam niyang nakatulong naman siya nang malaki sa kaniyang kapwa.

Advertisement