Nanalo sa Lotto ang Mister na Ito, Kaya Naman Nagpakasasa Sila sa Paggastos; Hanggang sa Dumating ang Isang Malaking Pagsubok sa Kanilang Pamilya
Hindi makapaniwala si Mang Lito na matapos ang halos buong buhay niya na ugaling pagtaya sa lotto, isa siya sa pinalad na makakuha ng jackpot prize na 100 milyong piso.
“Mayaman na tayo, Delia! Mayaman na tayo!”
Hindi nagpatumpik-tumpik si Mang Lito na kubrahin ang kaniyang napanalunang pera.
“Mabuti pa Lito, magbukas ka na ng bangko mo at nang mailagak mo ang mga pera na iyan,” payo sa kaniya ni Aling Delia.
“Ay huwag na. Mas gusto ko na nasa atin ang pera. Marami na akong plano rito.”
Kaya naman, nang mabalitaan ng kanilang mga kalugar ang pagkapanalo ni Mang Lito ay biglang nagdagsaan ang mga ‘kaibigan’ nito para humingi ng balato o kaya naman ay libre.
May halos isang linggo yatang bumaha ng pagkain at alak sa maliit na bahay at bakuran nina Mang Lito bilang pakain sa kanilang mga kapitbahay.
Pagkatapos, agad na bumili si Mang Lito ng tatlong malalaking bahay na nasa loob ng magagarang subdibisyon, at sa bawat bahay ay may tatlong iba’t ibang uri ng sasakyan.
Lahat ng masasarap na pagkain, bagay, at halos lahat ng mga gusto niya at ng kaniyang mga anak ay kaniyang pinagbibili.
“Hinay-hinay sa paggastos, Lito at baka maubos ang pera natin,” paalala ni Aling Delia.
“Naku, hindi mauubos iyan, Mahal. Magpakasasa tayo. Milyones ang pera natin. Sa isang milyon pa lamang ay kay hirap nang gastusin.”
Kaya ang ginawa nila, naglakbay sila sa iba’t ibang bansa, at halos malibot na nga nila ang buong mundo.
Nang minsang bilangin ni Mang Lito ang kanilang pera, ito ay nasa 50 milyon na lamang.
“Puwedeng-puwede pa tayo maglustay ng pera.”
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Baka naman magulat na lang tayo na wala na pala ang pera?”
“Hindi iyan.”
Kaya naman halos araw-araw ay may party sa bahay nina Mang Lito dahil walang katapusan ang kanilang pagkain at pag-inom ng alak.
Hanggang isang araw, hindi na nakabangon si Mang Lito dahil hindi niya maigalaw ang kalahati ng kaniyang katawan.
Hindi malaman ni Aling Delia at ng kaniyang mga anak kung paano itatakbo sa ospital ang padre de pamilya.
Bumili nga sila ng mga sasakyan subalit wala ni isa sa kanila ang marunong magmaneho. Si Mang Lito lamang ang maaaring makapagmaneho.
Matagal bago dumating ang ambulansya. Agad na dinala si Mang Lito sa pinakamalapit na pribadong ospital.
Stroke ang kinahantungan ni Mang Lito, bukod pa sa komplikasyon sa kaniyang bato at apdo, dahil sa kaiinom ng alak at kakakain ng matatabang mga putahe.
Kaya naman ang natitirang pera nila ay ginamit sa pagpapagamot ni Mang Lito. Hindi nila namalayan na unti-unti nang nauubos ang kanilang hawak na pera, pambayad pa lamang sa pribadong ospital na pinagdalhan sa pasyente, bukod pa sa gamot at mga pang-araw-araw nilang gastusin.
Hanggang sa kinailangan na nilang ibenta ang mga bagong sasakyan.
Hanggang sa maging ang kanilang mga bahay ay naibenta na rin.
Lalong lumalala ang kondisyon ni Mang Lito at paubos na rin nang paubos ang kanilang pera, na napupunta lamang sa ospital at mga gamot nito.
Unti-unti na ring nagsilayuan sa kanila ang mga taong sa kasagsagan ng pagbuhos ng biyaya mula kay Mang Lito, ay nagpapakilalang mga kaibigan nito.
Masuwerteng nabuhay si Mang Lito subalit payat na payat na siya, bedridden na, at kinakailangan pa ng dialysis sa kaniyang bato dahil sa kaniyang kondisyon.
Lahat ng mga ari-ariang napundar nila ay nauwi na sa wala, dahil kinailangan nilang ibenta para sa gamutan at maintenance ng pangangatawan ni Mang Lito.
Hanggang sa bumalik sila sa lumang bahay nila na sira-sira na.
Halos isang kahig isang tuka na lamang sila.
Tiniis ni Aling Delia ang mga pagpula at batikos na natatanggap niya mula sa kaniyang mga kapitbahay.
“Hayan, mayayabang kasi. Milyonaryo na nga naging bato pa. Hindi naging masinop sa pera.”
“Puro kasi gastos ang ginawa. Hindi man lamang nila naisip na mag-ipon o magtayo ng negosyo?”
Ang mga pumupukol sa kanila ng masasakit na komento ay mga taong nakinabang o nakatanggap naman ng libre mula sa kaniyang asawa.
Kaya naman pinulong ni Aling Delia ang kaniyang mga anak.
“Mga anak, minsan na nating nalasap ang maging milyonaryo, pero nauwi rin sa wala dahil naging bulagsak tayo, gastador, at walang sinop sa pera. Nagkataon pang nagkasakit ang Tatay ninyo. Pero babangon tayo at lalaban tayo. Magtutulungan tayo.”
Kaya naman ang natitirang perang hawak ni Aling Delia ay ginamit niyang pamuhunan upang makapagsimula ng isang maliit na negosyo. Nagtayo siya ng karinderya sa tapat ng kanilang munting bahay. Kahit pakonti-konti, masaya na siya na tumutubo ang kaniyang puhunan.
Ipinangako sa sarili ni Aling Delia na hinding-hindi siya susuko sa pag-aalaga kay Mang Lito, na kahit iba na ang kalagayan, ang mahalaga ay kasama pa rin nila. Napagtanto rin niya na kahit gaano kalaki ang hawak na pera, kung hindi ito napamahalaan nang maayos, mauuwi rin ito sa wala. Sa isang iglap lamang, sa isang kisap lamang.