Nagtataka ang mga Misis sa Lugar na Ito Kung Bakit Nahihilig sa Isda ang Kanilang mga Mister; Isang ‘Malansang’ Katotohanan ang Kanilang Natuklasan
Inis na inis si Rosing dahil sa kaniyang mister na si Teban na saksakan nang tamad.
“Hoy Teban, baka gusto mong bumangon na riyan, umagang-umaga, tulungan mo naman ako rito sa tindahan! Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, wala ka nang ginawang matino, ang tamad-tamad mo! Hilata ka nang hilata, nagpapalaki ka ng ti—”
“Oh heto na nga oh, tumayo na! Matagal nang malaki kaya huwag ka nang magalit,” at nilapitan ni Teban ang misis. Hinalik-halikan ang leeg nito. Mula sa likuran, niyakap.
At kagaya ng dati, kapag nilalambing na siya ni Teban, nawawala na ang pagkainis niya rito. Kung hindi lang talaga mahal niya ang mister. Sadya kasing makarinyo ito at malambing, kahit na batugan.
“Kumilos ka na! Tirik na ang araw oh. Uutusan sana kitang bumili ng karne ng baboy sa palengke.”
Napakamot na lamang sa kaniyang ulo si Teban.
“Alam mo namang ayaw na ayaw kong magpunta sa palengke, Mahal naman…”
“Oh sige, huwag kang magpunta sa palengke, wala kang uulamin. Oh kaya naman, ikaw na lang ang magluto ng kakainin mo, gusto mo?”
“Ang sungit-sungit naman ng Mahal ko… parang hindi naman kita napaligaya kagabi…”
“Tumigil ka nga riyan Teban at baka may makarinig sa iyo. Baka marinig ka ng mga bata. Oh siya, heto ang pera, bilisan mo na at baka maubusan ka ng sariwang kasim ng baboy. Bilisan mo ah.”
Wala nang nagawa si Teban kundi ang kunin ang perang iniaabot ng kaniyang misis. Hindi na siya nag-ayos pa. Lumabas na ito ng bahay at naglakad patungo sa palengke.
Ngunit wala pang limang minuto ay kaybilis nitong nakabalik.
“Oh, ang bilis mo naman? Nakabili ka na?”
“Mahal, kuwan… wala na kasing karne ng baboy. Isda na lamang ang nabili ko,” nakangiti at masiglang sabi ni Teban.
Inis na inis na naman si Rosing.
“Ang layo-layo naman ng karne ng baboy kaysa sa isda! Balak kong magsinigang. Anong uulamin natin ngayon?”
“Eh puwede naman ang sinigang na isda, hindi ba? Ikaw naman. Eh sa naubusan na ng karne, Mahal. Babawi na lamang ako sa susunod,” nakangiting sabi ni Teban.
Nang sumunod na mga araw ay lagi nang maagang gumigising ang mister at ito pa mismo ang nagboboluntaryong mamalengke. At kapag mamamalengke ito, nag-aayos pa ito, hindi kagaya ng dati na kung ano na ang suot at hitsura nito, iyon na iyon, wala nang palit-palit.
Natutuwa naman si Rosing sa pagbabago ng asawa, bagama’t nagtataka siya sa mga ikinikilos nito.
Lagi na kasing isda ang nais nitong ulamin.
Kaya sa tuwing umuuwi ito mula sa palengke, isda ang dala-dala nito.
Makalipas ang isang linggo, may kakatwang napansin si Rosing hindi lamang sa kaniyang mister, kundi sa iba pang mga mister ng kaniyang mga kapitbahay. Sila na rin ang namamalengke—at ang kanilang binibili ay isda na rin.
Kaya naman, minsan ay natanong ni Rosing ang kapitbahay kung anong meron at nahihilig sa isda ang mga lalaki sa kanilang lugar.
“Hay naku! Mga buwisit. May bago kasi tayong kapitbahay sa kanto ng kalye natin, nagtayo ng tindahan ng isda, alamin mo kung bakit nagpupunta roon ang mga mister natin.”
Dala ng kuryosidad, nagtungo nga roon si Rosing.
Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil ang tindera ng isda ay isang napakagandang babae na maiksi ang shorts, litaw na litaw ang kaputian at kakinisan ng mga binti, at mahihiya ang papayang Davao sa laki ng dibdib.
Karamihan sa mga suki ay mga lalaki.
Agad na umuwi si Rosing at pinagsabihan ang mister.
“Damuho ka! Kaya pala puro isda ang ulam natin, may iba ka palang binibingwit!”
“Ano na naman ang ikinagagalit mo, mahal?”
“Nakita ko kung bakit sabik na sabik kang magpunta sa palengke, pero hindi ka na pala dumidiretso doon dahil sa kanto ng kalye, may isang mestisang bangus na nagtitinda ng kapwa niya isda! Purgang-purga na ako sa isda! Puwes, simula ngayon, puro gulay tayo!”
At dahil karamihan sa mga mister ay nagsisibilihan na rin sa naturang magandang tindera at nagrereklamo na rin ang mga misis, walang nagawa ang tindera kundi umalis na lamang. Nagbabakasyon lamang pala ito sa kanilang lugar at bumalik na sa dagat, este sa lalawigang talagang tinitirhan nito.
Simula noon ay nasanay na rin si Teban na mag-ulam ng gulay, at dahil nahihiya na rin siya sa kaniyang misis, sinikap na niyang magbago; siya ay nagpakasipag na lalo na sa pagtulong sa mga gawaing-bahay.