Hindi Nakakapasok ang Mag-aaral Dahil sa Pag-aalaga sa Kaniyang Nakababatang Kapatid; May Naisip na Solusyon ang Gurong Tagapayo Upang Hindi na Ito Lumiban
Matapos ang kaniyang klase, ipinatawag ni Gng. Rivera ang isa sa kaniyang mga mag-aaral na si Angelito. Si Gng. Rivera ang gurong tagapayo ng klaseng iyon, at siya rin ang guro para sa asignaturang Araling Panlipunan sa Grade 7.
“Angelito, ipinatawag kita dahil napapansin kong marami kang liban sa mga nagdaang buwan. Maaari ko bang malaman ang dahilan?” usisa ni Gng. Rivera sa kaniyang mag-aaral.
Nanghihinayang kasi si Gng. Rivera kay Angelito. Mahusay ito sa klase, at halos makakuha ng perpektong marka kapag may maikli o mahabang pagsusulit siya. Ang kailangan lamang pag-ibayuhin ng bata ay ang hiya nito. Palagay niya ay mababa ang tiwala nito sa sarili, dahil halos laging nakatungo.
“P-Pasensya na po kayo, Ma’am. Wala po kasing nag-aalaga minsan sa kapatid kong maliit. Salitan po kasi sina Nanay at Tatay sa pagtatrabaho, at minsan po, pareho po nilang kailangang pumasok. Kapag ganoon po, kahit gusto kong pumasok sa paaralan, kailangan ko pong bantayan ang bunso namin,” kiming paliwanag ni Angelito.
“Ganoon ba? Wala bang ibang kaanak ninyo na puwedeng maiwan sa bahay, na siyang mag-alaga sa kapatid mo? Oh kaya sa kapitbahay ninyo?”
“Wala po Ma’am. Malalayo po ang mga kamag-anak namin, karamihan po nasa probinsya. Saka… wala po kaming ipapasuweldo sa kaniya kung meron man po. Saka sa mga kapitbahay po namin, nakakahiya rin pong mang-abala.”
Tumango-tango naman si Gng. Rivera. Nauunawaan niya ang kalagayan ng pamilya ni Angelito. Kumakayod ang dalawang magulang para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, at wala siya sa posisyon para manghimasok.
Ngunit kapakanan naman ni Angelito ang nais niyang maprotektahan, dahil nakikita niya ang malaking potensyal sa bata.
“Ganito na lamang Angelito… kung ayos lamang sa iyo… maaari mong dalhin ang kapatid mo rito sa paaralan. Puwede mo siyang isama sa loob ng silid-aralan natin at bantayan siya. Mauunawaan naman marahil ng mga kaklase mo, mababait at malawak ang pang-unawa nila, kaya walang sisita sa iyo. Ang mahalaga, maipagpatuloy mo ang pag-aaral mo,” wika ni Gng. Rivera.
“Maraming salamat po, Ma’am,” naluluhang pasasalamat ni Angelito. “Sasabihin ko po sa Nanay at Tatay ko.”
Kinabukasan, sa pagpasok ni Gng. Rivera sa kaniyang klase ay bahagya siyang nagulat nang may makita siyang maliit na bata sa loob ng silid-aralan. Iyon na pala ang bunsong kapatid ni Angelito.
“Ma’am, magandang umaga po. Narito na po ang kapatid kong si Boyet,” pagpapakilala ni Angelito kay Boyet sa kanilang gurong tagapayo.
Ngumiti si Gng. Rivera kay Boyet.
“Welcome ka rito, Boyet. Huwag mong guguluhin ang kuya mo mamaya ha? Makinig ka lang din sa akin at sa klase.”
Tumango-tango naman si Boyet na limang taong gulang na pala.
Matiyagang nakikinig si Angelito sa talakayan ni Gng. Rivera habang kalong nito ang kapatid, o kaya naman, nagtutungo ang bata sa likurang bahagi ng silid-aralan, at umuupo sa mga bakanteng upuan.
Paminsan, binibigyan-bigyan ito ng mga guro ng pagkain.
Pakiramdam ni Boyet ay mas dumami pa ang kaniyang mga kuya at nagkaroon pa siya ng maraming ate sa silid-aralan ni Angelito.
Hanggang sa nakasanayan na rin nila na laging naroon si Boyet. Sumasabay na rin ito sa pagbabasa o pagsusulat. Minsan ay nakikinig na rin, bagama’t hindi nakatitiyak kung nauunawaan na ba nito ang mga naririnig na aralin sa talakayan.
Ganoon ang naging kalagayan ng magkapatid. Hanga si Gng. Rivera dahil nakakayang pagsabayin ni Angelito ang kaniyang pag-aaral, sa pag-aalaga kay Boyet.
Hanggang sa matapos ni Angelito ang Grade 7. Kasama siya sa mga pinakamahuhusay na mag-aaral na ginawaran ng parangal sa Recognition Day.
“Ma’am, maraming-maraming salamat po sa lahat. Hinding-hindi po namin kayo makakalimutan ni Boyet,” naiiyak na pasasalamat ni Angelito kay Gng. Rivera.
“Mahusay kang mag-aaral, Angelito, tatandaan mo iyan. Saka kahit na nasa Grade 8 ka na, magkikita pa rin naman tayo rito sa paaralan. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa magiging gurong tagapayo mo kung isasama mo pa rin si Boyet.”
“Iyon nga po ang nais kong sabihin at ipaalam sa inyo, Ma’am. Ito na po marahil ang huling pagkikita natin,” malungkot na pamamaalam ni Angelito.
“Ha? Bakit? Huwag mong sabihing hihinto ka sa pag-aaral?”
“Hindi po Ma’am. Sabi po nina Nanay at Tatay, baka lumipat na po kami sa probinsya namin. Mahirap daw po ang buhay rito. Doon daw po sa probinsya, may naghihintay daw po na trabaho para sa kanila, sa pagawaan po ng tabako ng aking tiyuhin, sa Ilocos Sur po.”
Malungkot man, wala namang magagawa si Gng. Rivera sa mga ganitong bagay, dahil usaping pampamilya na ito. Hangad niya na sana ay magtagumpay sa buhay si Angelito, gayundin ang kapatid nitong si Boyet.
At matuling lumipas ang maraming taon…
“Excuse me po, Ma’am, pinaaabot po ng aming boss…”
Nagulat si Gng. Rivera nang lapitan siya ng service crew at i-abot sa kaniya ang isang chocolate cake. Nasa isang bagong bukas na coffee shop sa isang mall.
“Naku, mistaken customer ka kuya, hindi ako umorder ng chocolate cake, saka sino ang boss mo?”
“Ma’am, Gng. Rivera…”
Napalingon si Gng. Rivera na noon ay may edad na at may salamin na rin. Sinino niya ang mukha ng lalaking kagalang-galang at mukhang may-ari ng naturang coffee shop.
“Si Angelito Legazpi po ito Ma’am, mag-aaral po ninyo sa Grade 7 noon, na may kasa-kasama pong kapatid sa silid-aralan…”
“Angelito, ikaw nga ba iyan? Ang laki mo na at mukhang matagumpay ka na sa buhay?”
“Opo Ma’am. Tinandaan ko po ang lahat ng mga pangaral ninyo sa akin. Kaya heto po, nagsumikap po ako sa pag-aaral. Nakapagtrabaho, at nang makapag-ipon ay nagtayo na po ako ng sarili kong negosyo. Si Boyet po ay nasa kolehiyo na at malapit na pong matapos. Walang hanggang pasasalamat po, Ma’am!”
Masayang-masayang umuwi si Gng. Rivera habang nasa biyahe bitbit ang chocolate cake na bigay sa kaniya ni Angelito. Masaya siya sa kinahitnan ng buhay ng dating mag-aaral. May maibabahagi na naman siya sa klase sa Lunes, isang kuwento ng pagtatagumpay.