Nilooban ng mga Magnanakaw ang Bahay ng Bagong Lipat na Mag-asawa; Tiklo ang mga Ito sa Wais na Misis
Limang buwan nang nagsasama bilang mag-asawa sina Brenda at Eian. Nakabili na rin sila ng sarili nilang bahay sa isang subdivision na pinagkakaabalahan nilang ayusin at linisin
“Musta ka, honey? Ayos ka pa ba diyan?” tanong ni Brenda sa mister.
“Okay na okay pa ako rito, hon. Malapit na akong matapos sa ginagawa ko,” sagot ni Eian habang pinapalitan ang pintura sa pader.
“Matatapos na rin ako. Pagkatapos ko’y magluluto na ako ng pananghalian natin,” wika pa ng misis na tinutulungan ang mister sa ginagawa nito.
Nang matapos nila ang pagpapalit ng pintura at paglilinis sa buong kabahayan ay agad na naghanda ng pagkain si Brenda para sa kanilang dalawa at habang nanananghalian sila…
“Paano ‘yan? May pasok na ako bukas. Wala kang makakasama dito sa bago nating bahay. ‘Di mo pa kasi isinama rito ang kapatid mong bunso, eh,” sabi ni Eian sa asawa.
“Naku, huwag mo akong alalahanin. Alam mo naman na I can manage kahit walang kasama. Saka makulit si Jojo, magugulo lang ang buhay natin,” natatawang sagot ni Brenda.
Napailing si Eian.
“Kahit na. Medyo malayo na tayo. Marami kang trabaho rito sa bahay kaya kailangan mo nang makakasama,” giit pa ng mister.
“Iniisip ko rin naman iyon, pero kaya ko pa naman ang mga gawain dito sa bahay, eh.”
Niyakap ni Eian ang asawa.
“Naaawa na kasi ako sa iyo, eh. Ayokong sobra kang napapagod. Kumuha na lang kaya tayo ng maid para may makatulong ka rito,” suhestyon pa ng lalaki.
“Huwag na! Gastos lang iyon, hon. Huwag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko,” pagtanggi ni Brenda na ginantihan ang yakap ng mister.
Maya-maya, dahil sa matinding pagod ng dalawa ay kapwa sila nakatulog nang mahimbing.
Walang kamalay-malay ang mag-asawa na sa labas ng kanilang bahay…
“May madadali na naman tayo mga pare,” wika ng isang lalaki sa mga kasama sa sasakyan.
“Balita ko bagong lipat ang mga ‘yan, pare. Walang ibang kasama sa bahay,” sabi pa ng isa.
“Umaalis sa umaga ‘yung lalaki at naiiwan sa bahay ‘yung asawa. Ang ganda at ang sexy,” sabad ng isa pa.
Ang tatlong nag-uusap ay mga notoryus na magnanakaw sa lugar na iyon at dahil may bagong lipat na naman ay may bago na namang silang mabibiktima.
Kinaumagahan ay maagang nagising si Brenda.
“Ho-hum…Ang sarap ng tulog ka, a!” aniya.
Ginising na rin niya ang mister para sabay na silang mag-almusal.
Sa kusina, abala si Brenda sa paghahanda ng makakain nila ni Eian nang…
“O, bakit nagkape ka lang? Hindi mo man lang pinansin ang niluto ko,” nagtatampong sabi ni Brenda.
Niyakap at hinagkan ni Eian ang misis.
“Huwag ka na magtampo, nagbaon ako. Sa opisina ko na kakainin ito. I’ll just help myself, mahirap nang maipit sa traffic,” tugon ng lalaki.
“Talaga? Kakainin mo ‘yan ha? Kundi wala tayong labing-labing mamaya,” wika ni Brenda sabay kurot sa tagiliran ng mister.
Bago tuluyang umalis ay muling hinagkan ni Eian ang kanyang asawa.
“Love, take care ha?”
“Take care too! Bye, honey!”
Nang makaalis ang mister ay hinarap naman ni Brenda ang mga gawaing bahay. Lingid sa kaalaman niya ay lihim nang nakapasok sa loob ang tatlong kawatan na may masamang balak. Sanay na sanay na kasi ang mga buhong sa pagpasok sa mga bahay para magnakaw. Huli na nang matuklasan niya.
“Miss, huwag kang maingay kundi tepok ka dito sa hawak ko,” bungad ng lalaking payat at napapanot na, sabay tutok ng baril kay Brenda.
“Huwag kang mag-alala, mababait naman kami kung susunod ka sa mga ipag-uutos namin,” sabad ng isa pang lalaki na may katabaan.
Kahit takot ay pilit na pinakalma ni Brenda ang sarili.
“A-anong kailangan ninyo?” tanong niya.
“Aamot lang naman kami ng kaunting yaman niyo, miss,” sagot ng isa na maraming tagyawat sa mukha.
“Tapos ay patitikimin mo kami ng matamis mong halik,” hirit pa ng payat na lalaki na lider ng grupo.
Mas lalong kinilabutan si Brenda.
“O-oh, God….help me,” sambit niya sa isip.
Matapos kunin ng mga magnanakaw ang mga mapapakinabangan sa bahay ng mag-asawa ay humirit pa ito ng makakain kaya walang nagawa si Brenda kundi pakainin ang mga buhong. Habang nagpapakasasa sa paglamon ang tatlo ay may pahabol pa ang lider ng grupo.
“Hoy, miss bakit hindi ko mabuksan itong l*tseng ito? Ano ba ang password nito? May susi ba ito?” inis na tanong ng lalaking payat na kanina pa hirap na hirap buksan ang hawak na caja de hiero.
“Naku, ang mister ko kasi ang nakakaalam niyan eh. Sa kanya ang kaha na iyan at siya lamang ang may alam kung paano buksan iyan,” sagot ni Brenda.
“Kung gayon ay tawagan mo ang asawa mo at papuntahin mo rito. Huwag na huwag kang magtatangka na magsumbong kundi ay alam mo na ang pwedeng mangyari,” pananakot ng lalaking may katabaan.
Nagmamadaling kinuha ni Brenda ang selpon at tinawagan ang mister. Nang sumagot si Eian..
“O, honey…bakit ka napatawag? Is there something very important you would like to say at hindi ka na makapaghintay sa pag-uwi ko?” tanong ng mister.
“Honey, please umuwi ka na muna rito sa bahay dahil may sasabihin ako sa iyo, pero bago iyon ay dumaan ka muna sa grocery kasi wala nang gatas si baby, eh. H-hiniram ng hipag mo kanina pero nakalimutan ko pa ring magpabili ng gatas niya, please lang hon,” tugon niya.
“A-ano?!” gulat na sabi ng lalaki sa kabilang linya.
‘Di nagtagal ay dumating na nga sa bahay nila si Eian pero hindi ito nag-iisa gaya nang inasahan ng tatlong magnanakaw, may kasama itong mga pulis.
“Tigil! Taas ang mga kamay!” sigaw ng mga awtoridad.
“Oy, ikaw…doble ang kaso mo, robbery at attempted r*pe,” wika pa ng isa nang mahuling pinagtatangkaan ng lider ng grupo na halikan si Brenda.
Tiklo ang mga kawatan.
Matapos madakip ang mga damuho ay tuwang-tuwa naman ng isang pulis sa ginawa ni Brenda.
“Mabuti na lang at naitimbre mo sa amin. Matagal na naming pinaghahanap ang mga lokong ‘yan. Ang galing ng misis mo, Mr. Castillo,” sabi nito.
“Sa tono pa lang ng salita ng misis ko ay batid ko nang may nangyayaring hindi mabuti, sir. Imagine, wala pa naman kaming baby, eh kaya nagtaka ako nang bigla niyang sabihin na dumaan ako sa grocery para bumili ng gatas para sa baby namin. Kaya agad ko kayong tinawagan,” natatawang sagot ni Eian.
“Ano? Bilib ka na sa akin, honey?” nakangising wika ni Brenda sabay yakap sa mister.
Mula noon ay hindi na nagkaroon pa ng nakawan sa lugar nila dahil naghihimas na ng rehas ang tatlong magnanakaw sa piitan dahil sa angking talino ng asawa ni Eian.
Biruin niyo, naisip niya iyon? Wais na misis, ‘di ba?