Ugali ng Sigang Maton na Takutin ang mga Tauhan sa Karinderya Upang Hindi Makapagbayad; Tiklop Pala Siya sa Lalaking Makikilala Roon
Kilala si Gregor na siga sa kanilang lugar. Ang palagi niyang ipinagmamalaki ay ang kanyang malaking pangangatawan at pagiging matapang kaya marami ang ilag sa kanya.
Ang paborito niyang pakitaan ng kanyang pagiging siga ay kapag kumain siya sa restawran o karinderya.
“Heto po ang chit niyo sir!” magalang na sabi sa kanya ng waitress sa kinainan niyang karinderya.
Kinuha ni Gregor ang papel na iniabot sa kanya ng babae at pinunit iyon sa harapan nito.
“Tinawag mo akong sir pero binigyan mo ako ng chit? Pwe! Hindi ka babayaran ‘yan, kung magpipilit kayo ay maghuhuramentado ako rito!” pagwawala niya.
Walang nagawa ang waitress at iba pang staff ng karinderya. Nagdadabog siyang umalis doon na akala mo kung sino. Hindi niya binayaran ang kinain niya.
Nang wala na si Gregor ay saka siya pinag-usapan ng mga staff.
“Kilala ko ang mayabang na lalaking iyon. Sisiga-siga ‘yan dito at walang kinatatakutan,” sabi ng isang waitress.
“Nakakatakot ano? Parang papat*y ng tao kung magwala,” wika naman ng kahera.
“Sa pinanggalingan kong restawran, nagbasag pa ‘yan ng kasangkapan nang singilin nung kasama kong waiter. Napakakapal ng mukha!” sabipa ng isa pang staff.
Maya-maya ay dumating ang may-ari ng karinderya na si Elsie kasama ang kasintahan nitong si Renan.
“O, anong nangyari? Bakit parang nakakita kayo ng multo?” nagtatakang tanong ng babae.
“Eh, may sigang lalaki po ma’am na hindi nagbayad ng kinain niya kanina,” sagot ng waitress.
“Muntik na nga pong maghuramentado. Mabuti na lamang po at hindi natakot ng mga kustomer,” sabad ng kahera.
“Wala naman bang nasaktan sa inyo? Pagpasensiyahan na ninyo, magkano lang naman ‘yung kinain niya? Ang mahalaga ay walang siyang sinaktan,” wika ni Elsie sa mga tauhan.
Biglang nagsalita ang nobyo niyang si Renan.
“Paano na lang kung lahat ng tao ay hindi kayo babayaran? Dapat ay hindi isinasawalang bahala ang mga ganoong klaseng tao,” anito.
“Kaunti lang naman siguro ang ganoong tao, Renan. Hindi ko naman ikahihirap ‘yung hindi niya ibinayad. Ang importante ay walang nasaktan sa mga staff ko,” sabi ni Elsie.
“Huwag kayong mag-alala, hindi ko hahayaan na maagrabyado pa kayo ng lalaking iyon,” tugon ni Renan.
Samantala, sa bahay ni Gregor…
“Masarap ang lasa ng mga pagkain sa karinderya na iyon. Babalik ako bukas doon, tiyak na makakalibre na naman ako,” natatawang sabi ng lalaki sa isip na hindi makapaghintay na muling matikman ang mga putahe sa karinderya ni Elsie.
Kinabukasan ay nagmamadaling pumunta si Gregor sa kinainan niyang karinderya. Para makakain ng libre ay muli niyang tatakutin ang mga staff doon. Habang iniisip kung ano ang gagawin ay napapangisi na lamang siya. Iba talaga kapag siga at kinatatakutan.
Ang hindi niya alam ay pumunta ulit sa karinderya ang kasintahan ni Elsie na si Renan. Malakas ang kutob ng lalaki na babalik siya roon kaya pinaghandaan siya nito.
Nang dumating si Gregor sa karinderya ay pinagtinginan lang siya ng mga staff doon na halatang takot sa kanya. Umorder siya ng maraming pagkain at pagkatapos na lumamon ay hindi siya nagbayad. Pinagbataan niya ang mga staff na magwawala at guguluhin ang karinderya kapag siningil siya ng mga ito. Paglabas niya ay tatawa-tawa ang buhong.
“Hindi na ako binigyan ng chit, kilala na nila kung sino ang amo,” wika ni Gregor sa isip.
Dali-dali siyang sumakay sa motor niya ngunit…
“T-teka, gumagana pa ito kanina a!”
Ilang beses niyang inulit ang pagpapaandar pero walang nangyari dahil…
“Ibenta mo na ‘yan, pare, kapag ibinenta mo ‘yan siguradong may pera ka nang ipambabayad sa chit mo,” natatawang sabi ni Renan na siyang nagsira ng motor ni Gregor.
Nanggalaiti sa galit ang siga.
“Aba’t tarant*dong ito a! Ikaw ang may sumira nito, ano? G*go ka! Humanda ka sa akin, tatamaan ka sa akin!”
Agad na sinugod ng suntok ni Gregor si Renan ngunit mabilis nitong naiwasan iyon. Pinakitaan ni Renan ng husay niya sa taekwondo ang mayabang na lalaki hanggang sa parang naubusan na ng hangin sa katawan si Gregor.
“Huuunggg!” ungol ng lalaki.
“Ang lakas ng loob mong manakot sa kapwa mo, eh, ikaw naman pala itong lelembot-lembot,” sambit ni Renan na sisiw lang an ginawang pagbibigay ng leksyon sa mayabang na siga.
Babawi pa sana si Gregor ngunit bago siya nakaatake ay pinutakte siya ng kaliwa’t kanang suntok ni Renan hanggang sa wala na itong malay na bumulagta sa kalye.
Inawat na siya ng kasintahang si Elsie.
“Tama na ‘yan, Renan, madadala na siguro ang lalaking ‘yan,” wika ng babae.
Maya-maya ay dumating na ang mga awtoridad na kanina pa pala tinawag ni Elsie para madakip na ang siga-sigaang si Gregor, para wala nang mabiktima pang negosyo at ibang tao ang abusadong gaya nito.
Nang magkamalay ay lulugu-lugong isinama ng mga pulis ang bugb*g saradong si Gregor.
Habang papasok na sa karinderya ang magkasintahan…
“Wala kasing lumalaban sa ungas na iyon kaya lumakas nang lumakas ang loob, eh. Makita mo’t sa presinto’y magmamakaawa iyon sa mga pulis,” sabi ni Renan sa nobya.
“Kung lahat siguro ng may-ari ng karinderya ay may nobyong black belter sa taekwondo ay walang mag-aabusong kustomer, ano?” bungisngis na sabi Elsie sabay yakap kay Renan.
Tama talaga ang kasabihan na walang mang-aabuso kung walang magpapaabuso.