Palaging Lumalabas Tuwing Gabi ang Bata at Mag-Isang Pumupunta sa Isang Abandonadong Bahay; Hindi Makapaniwala ang Tatay Niya sa Ginagawa Niya Roon
Tatlong taon na ang nakalipas nang pumanaw ang asawa ni Alfred dahil sa sakit na k*nser. Napakasakit man ang mawalan ng minamahal at katuwang sa buhay ay pinilit niyang kinaya para sa nag-iisa nilang anak na si Angelique.
Sa edad na siyam na taong gulang ay napakakulit pero matalino ang kanyang anak. Wala naman siyang problema pagdating sa pag-aaral nito dahil napakabibo nito sa klase, sa kataunayan ay matataas ang marka ng bata sa lahat ng asignatura. Kaya siya, bilang ama ay proud na proud sa kanyang unica hija.
“Ang galing naman ng beybi ko, top 1 na naman sa school,” masayang bati niya rito nang makita ang report card.
“Siympre daddy, mana ako sa iyo, eh at kay mommy,” sagot naman ni Angelique.
“Dahil diyan, anong gusto mong reward?” tanong niya.
Saglit na nag-isip ang bata, maya-maya ay sinabi na sa kanya ang nais nito.
“Bigyan mo na lang po ako ng pera, daddy,” tugon ng bata.
“Hmmm…ano naman ang bibilhin mo sa pera, anak?”
“Uhmm…basta, daddy. Bigyan mo na lang po ako ng pera, may paggagamitan po kasi ako.”
Kahit napaisip sa isinagot ng anak ay pinagbigyan niya ang gusto nito. Inabutan niya ito ng isang libong piso.
“O, ayan, tipirin mo ‘yan ha? Huwag ubos biyaya,” aniya.
Tuwang-tuwang kinuha ng bata ang ibinigay niyang pera.
“Naku, thank you, daddy! I love you po!” sagot ng anak na nagmamadaling pumasok sa kwarto nito.
Napakamot sa ulo niya si Alfred.
“Bakit kaya parang may nagbago sa anak kong ito?”
Dati kasi ay puro laruan ang gusto nitong reward kapag tinatanong niya, pero nayon ay pera ang hiniling nito sa kanya?
Mas lalo siyang nagtaka nang mapansin niya ang madalas na paglabas ng anak na si Angelique tuwing sasapit ang alas sais ng gabi. Hindi ito nagpapalam sa kanya at kapag tinatanong niya naman ito ay hindi naman ito sumasagot nang maayos. Ipinag-walang bahala niya iyon ni Alfred dahil ayaw naman niyang pilitin ang anak.
Ilang araw pa ang lumipas, napagpasyahan niyang linisin ang kwarto ni Angelique. Nakita niya ang mga nagkalat na mga laruan doon.
“Ang batang ito, napakagulo ng kwarto. Ang laki na hindi pa marunong maglinis,” sambit niya sa isip.
Nang may napansin siyang papel na nilamukos na nakapatong sa ibabaw ng kama ng bata. At nang tinangnan niya at basahin ang nilalaman niyon ay nanlaki ang mga mata niya.
“Diyos ko, sino ang sumulat nito?”
Ayon sa nabasa niya, may kung sinong nag-uutos sa anak niya na pumunta sa isang lugar na pamilyar sa kanya eksaktong alas sais ng gabi. Nakalagay din sa sulat na siguraduhin ng bata na walang makakaalam sa pagpunta nito roon.
“Kaya pala palaging umaalis ang anak ko tuwing gabi dahil dito. Sino naman kaya ang katagpo ni Angelique sa lugar na iyon?” kinakabahang sabi ni Alfred sa sarili.
Ikinatakot niya ang nabasa niya sa papel. Nag-aalala siya sa kapakanan ng kanyang anak, kaya naman napagpasiyahan niyang sundan ang anak nang kinagabihan ay lumabas ito ng bahay.
“Malalaman ko ang dahilan kung bakit nagpupunta roon ang anak ko.”
Nakita niyang dumiretso ito sa isang abandonadong bahay sa likod ng kanilang bahay. Pagmama-ari iyon ng kanyang mga magulang noong nabubuhay pa ang mga ito, pero simula nang pumanaw ang nanay at tatay niya hindi na ito natirhan pa at napabayaan na, kaya laking pagtataka niya kung bakit doon pumupunta ang anak niya.
“Kinukutuban ako, ano kaya ang masasaksihan ko?” bulong pa ni Alfred habang dahan-dahan pumapasok sa lumang bahay.
Nasa ibaba siya nang marinig niya ang boses ni Angelique, may kausap ito sa ikalawang palapag. Boses ng isang babae.
“Sigurado ka hija na walang nakakita sa iyo?” tanong ng mahiwagang boses.
“Opo, wala po,” sagot naman ng anak niya.
Matapos ng ilang minuto ay nagmamadali bumaba sa hagdan ang bata at lumabas na sa lumang bahay. Mabilis na nakapagtago si Alfred sa kusina kaya hindi siya nito nakita. Kahit kinakabahan ay minabuti niya na puntahan ang babaeng kinikita ng anak niya.
Pagpanhik niya sa ikalawang palapag ay agad niyang nakita ang isang matandang babae na nakaupo sa isang sulok. Sa tantiya niya ya nasa otsenta anyos na ito, Maayos naman ang suot na damit kaya hindi mapagkakamalang taong grasa.
“Sino po kayo? Anong ginagawa niyo rito sa luma naming bahay?” tanong niya.
Nang makita siya ng matanda ay ikinagulat niya ang naging reaksyon nito, bigla itong umiyak at lumuhod sa kanyang harapan at nagmamakaawa.
“Parang awa mo na hijo, huwag mo akong palalayasin dito. Wala na akong mapupuntahan, ayokong bumalik sa shelter na pinanggalingan ko, minamaltrato nila ako roon, ayoko nang bumalik doon, pakiusap!” hagulgol ng matanda.
Nakaramdam ng habag si Alfred. Pinayapa niya ang kalooban ng matanda at mahinahong kinausap. Napag-alaman niya na tumakas pala ito sa home for the aged dahil sa hindi tamang pagtrato ng ilang staff doon sa mga kagaya nitong may edad na kaya naisip ng lola na umalis na doon. Sinabi rin ng matanda na nakilala nito ang anak niya.
“Nagkakilala kami sa parke ng iyong anak. Nang sinabi kong wala na akong matutuluyan at ayaw ko nang bumalik sa shelter ay dito niya ako dinala sa abandonadong bahay na ito para maroon akong masilungan. Simula noon ay gabi-gabi na niya akong dinadalhan ng pagkain. Noong isang araw ay ang dami niyang ibinigay sa aking tinapay at inumin, malaki raw ang perang binigay sa kanya kaya marami rin siyang binili para raw hindi ako magutom. Inilihim niya sa iyo ang totoo dahil baka raw may makakita sa akin at ibalik ako sa shelter na iyon. Napakabait na bata ng iyong anak, hijo,” hayag ng matanda na nagpakilalang si Lola Enyang na isang biyuda at walang anak.
“Kaya pala pera ang hiniling niya sa akin,” bulong ni Alfred sa sarili na naalala ang ibinigay niyang isang libo sa anak.
Naantig siya sa kabutihang loob ni Angelique kaya naman nang umuwi siya sa kanilang bahay ay masaya niya itong niyakap at sinabi na alam na niya ang sikreto nito, kaya hindi na nito kailangan na maglihim pa.
“Sorry daddy kung naglihim po ako. Kawawa po kasi si lola, eh,” sabi ng bata.
“Naiintindihan kita, anak. Hindi ako galit, proud pa nga ako sa ginawa mo dahil sa mura mong edad ay marunong ka nang tumulong sa iyong kapwa,” aniya.
Ipinangako naman ni Angelique na magiging matapat na itong bata.
Samantala, kinupkop na ng mag-ama si Lola Enyang at pinatira na nila sa kanilang bahay. Itinuring nilang kadugo ang matanda na magkatuwang nilang inalagaan at minahal na parang tunay nilang ina.