Buong Akala ng Babaeng Ito ay Magiging Haciendera na Siya; Hindi Niya Lubos Akalaing Iba Pala ang Aanihin Niya
“Sa tingin mo ba ay magkakatuluyan ‘yung mga anak natin? Kasi ngayon palang ay gumawa na tayo ng kasulatan. Matanda na ako, Rita, ang gusto ko lang ay may maaayos na mapapangasawa ang anak ko pagdating ng araw,” saad ni Aling Mirna sa kaniya habang naglalaro ng mahjong ang mga ito.
“Ito namang si Mirna kung makapagsalita ay parang mawawala na bukas. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa buong ari-arian mo at sa lahat ng maiiwan mo kapag nagkataon dahil sisiguraduhin ko rin na mapapangasawa ni Ryan ang anak kong si Sheena,” masayang pahayag nito sa babae at nagtawanan ang dalawa.
Dumaan pa ang mga araw at tuluyan na ngang pinahawak ni Aling Mirna ang mga negosyo niya kay Aling Rita. Kasabay rin nito ang paglipas ng maraming taon at mukhang pati ang tadhana ay naki-ayon din sa kapalaran ni Alin Rita dahil lumaki sina Sheena at Ryan na sobrang malapit sa isa’t-isa.
“Rita, sa tingin ko ay nasa tamang edad na ang mga bata. Ito na ang tamang panahon para ipakasal natin sila,” saad ng babae sa kanya.
“Naku, hindi niyo na kailangan mag-aalala dahil sa nakikita ko ay hindi na natin kailangan kausapin ang mga bata, tadhana na mismo ang naglapit sa kanila!” kampanteng pahayag ni Rita rito.
“Anak, sa tingin mo ba sa inyong dalawa ni Ryan ay kaya mo siyang manduhan?” biglang tanong ng ale habang naglalakad sila papunta sa bahay nila Aling Mirna.
“Saan naman po galing ang tanong na ‘yan, ‘ma?” halos mabilaukang sagot ng dalaga sa kaniyang ina.
“Wala lang, syempre, alam naman natin na kahit ako ang nagpapatakbo sa mga negosyo ng pamilya nila Ryan ay sila pa rin talaga ang may-ari kaya ibang usapan kapag ikaw na ang mamumuno,” pasimpleng sagot.
“O, siya, basta, gusto ko lang malaman mo na kung may magyaya man sa’yo ng kasal ay hindi kita pipigilang makipag-isang dibdib,” habol pa nito sa dalaga sabay ngiti ng ale at haplos sa kaniyang buhok.
Hindi naman sumagot pa si Sheen at napapailing na lang ito sa kaniyang ina.
Nang makarating sila sa bahay nila Mirna ay agad niyang nilapitan si Ryan.
“Ano bang mayroon ngayon dito sa inyo, Ryan? Bakit napakarami yatang tao?” tanong ni Sheena sa lalaki.
“Ewan ko rin ba, mukhang maghahabilin na yata si mommy sa mga amiga niya,” natatawang sagot naman ni Ryan sa kaniya. Katulad ng tipikal nilang ginagawa, naupo lamang sa sulok ang dalawa at doon ay panay ang kwentuhan at bulungan na para bang mga kinikiliti kung saan.
Maya-maya pa nga ay pumunta na sa harap si Aling Rita at Aling Mirna upang ianunsyo ang mga matagal na nilang plano.
“Ngayong araw na ito ay opisyal naming ipinapahayag ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng mga anak naming sina Ryan at Sheen,” sabi ni Aling Mirna at nagpalakpakan ang lahat. Labis na nanlaki ang mata ng dalawa at napatitig sa isa’t isa.
“Mommy, sandali lang, anong kasal?” bulalas ni Ryan sa kaniyang ina at naputol ang pagsasalita nito.
“Ryan, alam ko naman na gusto mo si Sheena kaya hindi mo na kailangan mahirapan pa kasi ngayon palang ay may basbas ka na mula sa akin at mula na rin sa’yong ina. Matagal na naming nakikita na may malalim kayong pagmamahal,” mabilis na sagot ni Aling Rita sa kaniya.
“Nagkakamali kayo,” sabay na sagot ng dalawa at sabay ring nagtawanan ang mga ito. Para maiwasang mapahiya sa mga bisita ay mabilis na hinatak ni Aling Rita ang mga ito sa isang kwarto kasama si Aling Mirna.
“Ma, ano ba ‘tong kahihiyan na pinaggagawa mo?” natatawang tanong ni Sheena sa kaniyang ina.
“Sheena, huwag na kayong magkunwari, huwag niyo nang itago ang pagmamahalan niyo sa isa’t isa dahil nakita namin habang lumalaki kayo ay sobrang lapit niyo at ni halos hindi na kayo mapaghiwalay kaya naman naisipan namin kayong ipakasal na,” paliwanag muli ng ale.
“Magkapatid lang ang turing namin sa isa’t isa at kahit anong gawin natin ay hindi na ‘yun hihigit pa roon. Buong akala namin na kayo niyo kami pinalaki na maging malapit ay para maging magkapatid dahil parehas kaming nag-iisang anak. Hindi para sa ganito,” sagot ni Ryan dito.
“Pasensya na kayo kung naisip namin ito, nawa’y hindi sana maapektuhan ng pangyayaring ito ang kung ano mang mayroon kayo sa isa’t isa. Hindi na namin ipipilit ang kalokohang ito,” mabilis na wika ni Mirna at mabilis din na tumagaktak ang pawis ni Rita nang marinig iyon.
“Mirna, ‘wag kang mag-alala, pipilitin ko si Sheena. Magbabago pa ang lahat,” mabilis na pakiusap niya sa babae.
“Rita, tanggapin natin na tayo ang nagkamali. Hindi tama na dinamay natin ang mga bata sa negosyo. Huwag mo nang pilitin ang anak mo at huwag ka ring mag alala dahil ikaw pa rin ang magpapalakad sa mga negosyo ko. Malaki ang aral na natutunan ko sa pangyayaring ito, sana ikaw rin,” nakangiting ani Aling Mirna sa kaniya.
“Pero kasi…” lunok sagot ni Aling Rita.
“Huwag kang mag-alala, bibigyan kita ng palugit sa mga kalokohang mayroon ka sa negosyo pero huwag na natin ipambayad utang ang mga anak natin. Mali ko rin na nagbulag-bulagan ako sa mga ginagawa mo dahil naiisip ko na magiging asawa naman ni Ryan si Sheena. Hindi ko naisip na hindi natin kailanman dapat kontrolin ang buhay ng mga anak natin. Gawan mo na ng paraan ang mga utang at kalokohan mo, huwag mo na sanang idamay si Sheena,” diretsong sabi sa kaniya ni Mirna.
Nanlambot ang tuhod ni Rita saka mabilis siyang napasalampak sa sahig. Hindi niya akalain na alam pala ng babae ang mga ginagawa niyang kababalaghan. Mas lalo siyang nahiya para sa kaniyang anak dahil ginawa niya itong pambayad utang na walang kamalay-malay.
Mula noon ay unti-unting itinama ni Aling Rita ang mga utang at pangungupit niya kay Mirna, laking pasasalamat nalang niya na hindi siya ipinakulong ng babae.