Inday TrendingInday Trending
Mangiyakngiyak ang Binata nang Malamang Nanunuod ang Kaibigan sa Kaniyang Live Selling; Naroon Nga Ba Ito Upang Suportahan Siya?

Mangiyakngiyak ang Binata nang Malamang Nanunuod ang Kaibigan sa Kaniyang Live Selling; Naroon Nga Ba Ito Upang Suportahan Siya?

“Opo, nagtitinda ako at wala namang masama roon, ‘di ba? Naghahanapbuhay po ako at walang masama sa bagay na iyon,” sagot ni Carlo sa isang viewer na nagbigay komento sa kaniyang live selling.

Hindi naman niya masisisi ang iba kung magbibigay komento ng masama o magtataka. Lalaki siya at hindi masyadong linya ng mga lalaki ang humarap sa kamera upang magsalitang mag-isa at magtinda, ngunit para kay Carlo ay ano naman kung ganoon nga ang ginawa niya?

Hangga’t wala siyang nasasaktan at naaapakang ibang tao, walang masama sa ginagawa niya. Naghahanapbuhay siya para sa kaniyang nanay at tatay.

“Oh! Baka naman, pwede kayong mag-mine at bumili d’yan? Huwag lang manuod, bili-bili rin ‘pag may time!” bibong pakikipagkonek ni Carlo sa kaniyang mga manunuod.

Ini-angat niya ang sapatos at ipinakita sa kamera upang ipaliwanag sa kaniyang manunuod kung ano ang kagandahan ng sapatos na iyon at kung magkano ang presyo.

“Bagong labas iyan sa market, kaya medyo maharlika pa ang presyo ‘no, pero sinasabi ko sa inyo mga suki, maganda at magaan sa paa ang sapatos na ito. Tiyak na pang-basketball at kapag ito ang suot mo… mukha ka nang swabe, dahil sa lakas ng datingan, tiyak maipapanalo mo pa ang laro, dahil sa sapatos na ito, magaan kasi at hassle free mga tsong, kaya sige na mag-mine na kayo,” daldal niya sa harapan ng kamera.

Sobrang hirap maging tindero o tindera, sales talk pa lang, ubos na ang laway mo. Pero iyon ang kailangan upang makaagaw pansin ka sa iyong mga mamimili. Marami ang nagkomento na interesado sila sa sapatos at gusto nila iyon, kailangan nga lang ng dagdag impormasyon pa.

Akmang ibubuka na sana ni Carlo ang kaniyang bibig upang muling magsalita at magdagdag paliwanag nang mapansin ang pamilyar na pangalang lumabas sa comment section.

“Sige, pare, akin na lang iyan at iyong apat pang ipinakita mo kanina— Sonny Alvarez,” basa ni Carlo sa komentong tumawag ng kaniyang pansin.

“Sonny Alvarez? Pamilyar sa’kin ang pangalan mo ah,” aniya salubong ang kilay.

Kilala niya ang Sonny Alvarez na iyon, hindi nga lang niya matandaan kung sino iyon. Imbes na mag-pokus sa pagtitinda ay natigilan siya at inisip kung sino sa mga kakilala niya ang may pangalang Sonny Alvarez.

“Son-son!” aniya nang may maalala. “Son, ikaw nga ba iyan?” dugtong niya.

Halos mapatalon siya sa kinauupuan nang kumpirmahin nito ang kaniyang hinala. Hindi naman niya maiwasang maluha sa nalaman na naroroon ang kaniyang kaibigan, nanunuod at hindi lang basta nanunuod, bumibili pa sa produktong kaniyang tinitinda.

“Seryoso ba ‘to?” aniya.

Hindi niya kayang maniwala na si Sony Alvarez at ang kaibigan niyang si Son-son ay iisa at binibili nito ang limang sapatos na itinitinda niya. Upang mas malinawan ay tinawagan niya ito upang personal na kausapin.

“Son, seryoso? Ikaw nga ‘yong Sonny na iyon?” tanong niya.

Pigil na pigil ang pag-iyak. Wala sa mga kaibigan niya ang nakakaalam sa hanapbuhay niya. Siguro may hinala ang iilan, ngunit wala siyang kinukumpirma. Ayaw niyang insultuhin at pagtawanan siya ng mga ito. Bente syete pa lang sila at wala pa siyang asawa, pero kung kumayod siya’y para bang may sampung pamilya siyang binubuhay.

“Ako nga iyon,” anito.

Hindi man nakikita ni Carlo ang mukha ng kaibigan ay alam niyang nakangiti ito.

“Nakita ka kasi ni Sammy sa isang live, noong nakaraang araw. Kaya sinabi niya sa’kin ang page mo at sinabing bakit hindi na lang ako sa’yo bumili ng sapatos tutal iyon naman daw ang negosyo mo. Ikaw naman kasi wala kang sinasabi sa’min na iyan pala ang negosyo mo,” ani Sonny.

“Nahihiya kasi ako sa inyo, Son,” aniya. Hindi napigilan ang patulo nang luha. Hindi iyon luha ng nasasaktan at naghihinagpis, luha iyon ng saya. Masaya siya at may kaibigan siyang handa siyang intindihin at suportahan nang hindi kinukutya at kinukwestyon kung bakit kailangan niyang gawin ang bagay na iyon.

“Ano ka ba?! Ano naman ang dapat mong ikahiya sa’min,” wika ni Sonny. “Carlo, hindi na tayo gaya ng dati. Kung noon papetiks-petiks lang ang buhay natin at palaro-laro lang, ngayon ay talagang kakayod na tayo para sa magandang kinabukasan natin. At saka ang gara kaya ng ginagawa mo. May sarili kang negosyo, wala kang amo at hawak mo pa ang sarili mong oras. Hindi ka naman nagnakaw para ikahiya ng ginagawa mo!” mahabang wika ng binata.

“Pero salamat pa rin ah. Malaking bagay sa’kin na sinuportahan mo ang maliit na negosyo ko. Ano, kukunin mo ba talaga iyong lima?” natatawa niyang tanong, baka kasi binibiro lang siya nito kanina.

“Oo p’re, ipangreregalo ko ‘yan sa mga pamangkin ko,” anito.

“Sige, bigyan na lang kitang discount. Salamat ulit, Son,” ani Carlo saka nakangiting ibinababa ang tawag.

Ang sarap at ang gaan ng kaniyang pakiramdam, hindi dahil nakabenta siya nang malaki, kung ‘di dahil may isa siyang kaibigang sinuportahan siya’t hindi kinutya ang kaniyang ginagawa.

Advertisement