Inday TrendingInday Trending
Tatlong Taon ang Lumipas, Ngayon ay Wala nang Laman ang Tindahang Kaniyang Pinaghirapan; Ano Nga Ba ang Nangyari?

Tatlong Taon ang Lumipas, Ngayon ay Wala nang Laman ang Tindahang Kaniyang Pinaghirapan; Ano Nga Ba ang Nangyari?

“Oy, Pareng Boyet, umaasenso ka na nga talaga ah. Tingnan mo naman itong tindahang pinatayo mo, kumpleto sa laman at tiyak na tatangkilikin ito ng bawat naninirahan dito sa barangay natin,” ani Alvin, ang kaniyang kumpare at kaibigan.

Matamis na ngumiti ni Boyet at inikot ang buong paningin sa paligid. “Oo nga p’re, ilang taon ko ring pinaghirapan ang itinayo ko rito sa barko. Ngayong nakapagdesisyon na akong hiindi na muling sasampa, mas maiging magnegosyo na lang ako rito sa’tin, nakakasama ko pa ang pamilya ko,” aniya.

Labing limang taon ring nagpabalik-balik si Boyet sa pagsampa sa barko, at sa awa ng Diyos, dahil matipid at hindi abusada ang kaniyang asawa sa pera niya, nakakaipon ito at naipagawa ang dating bahay kubo nilang bahay. Bukod pa roon ay napagtapos nilang lahat ang tatlo nilang anak at ngayon ngang puro propesyonal na ang mga ito’y nagdesisyon na silang mag-asawa na magritero na siya sa trabaho at pumirme na lang dito sa ‘Pinas.

“Basta pare, iwasan mo ang magpautang ah. Maging matibay ka talaga at istrikto, doon kasi madalas nalulugi ang negosyo sa utang,” babala pa nito na kaniya lamang malakas na tinawanan.

Makalipas ang tatlong taon… muli niyang binuksan ang tindahang tatlong buwan nang nabakante at wala nang laman. Mabigat ang kaniyang dibdib na imbes mga sari-saring paninda ang sumalubong sa kaniya’y mga alikabok ang kaniyang nalalanghap at nakikita.

Ang dating estante na puno ng sari-saring paninda, ngayon ay bakante at alikabok na lang ang natira. Ang dating tindahan na maaliwalas at puno, ngayon ay wala nang laman. Nais niyang humagulhol ng iyak sa bigat ng kaniyang dibdib, ngunit wala siyang luhang mailabas.

“Tama na ang pagsesentimyento mo, Boyet, wala na tayong magagawa kung ‘di tanggapin na wala na talagang laman ang tindahang pinaghirapan natin,” ani Kriselda, ang kaniyang maybahay.

Marahang tumango si Boyet at dagling pinunasan ang luhang sumilip sa gilid ng kaniyang mata.

“Tama ka, Kriselda, tanggap ko naman na, pero hindi ko lang talaga maiwasang hindi masaktan kapag nakikita ko ang tindahang ito. Lalo na kapag naaalala ko kung paano natin ito itinayo. Tumatanda na tayo at wala nang kakayahang kumayod gaya ng dati. Malaking tulong sana talaga ang tindahan para sa’tin, ang kaso nga lang ay nalugi ito dahil sa pagiging mabait at maunawain ko,” wika niya.

Hindi niya tinandaan ang mahigpit na ibinilin ni Pareng Alvin na huwag siyang magpapautang. Dahil galing siya sa hirap at alam niya ang pakiramdam kung paano ang mawalan at maubusan, kapag may nakikiusap sa kaniya ay agad niya itong pinagbibigyan, kahit na madalas ay sila ang naaagrabyado, dahil pagkatapos mangutang ay kakalimutan na lamang ng mga ito ang obligasyon nilang bayaran siya.

Kapag naman hindi siya magpautang ay siya ang nagiging masama. Nariringgan niya pa ang mga kamag-anak noon na sinasabing madamot siya at hindi marunong kumilala ng kamag-anak, por que nakakaangat na sa buhay.

Kulang na lang ay hingin ng mga kamag-anak niya ang kaniyang paninda at hindi niya iyon pinigilan, bagkus ay hiyaan lamang niya at pinagbigyan kaya heto siya ngayon… lugi at wala nang laman ang tindahan.

“Makakabangon din ulit ang tindahang ito, Boyet, kaya huwag ka nang malungkot. Kaya nga natin ito binubuksan ulit ngayon upang linisan. Sana sa muli niyang pagbubukas, maging mas wais at huwag na tayong maging masyadong mapagbigay,” mahinahong pakiusap ni Kriselda sa asawa.

Likas kay Boyet ang pagiging mabait at hindi niya pinagtatakhan ito. Saksi siya sa pinagdaanan nitong hirap noon, kaya hindi niya maiaalis dito ang mabilis na maawa sa kapwa. Pero gaya nang nangyari tatlong taon na ang nakakalipas. Ang lahat ng paninda nila’y parang hinipan lamang ng hangin at nauwi lahat sa utang at iyong iba ay bigay. Nagtayo sila ng negosyo, hindi charity.

“Pangako, mas magiging wais at business minded na ako simula ngayon. Dadalhin ko na palagi ang payo sa’kin noon ni Pareng Alvin, hindi masamang tumanggi kung para naman iyon sa ikabubuti natin,” aniya saka nilingon ang asawa at nginitian.

“Masyado akong naging maawain sa iba, noong nawalan tayo wala tayong ibang natakbuhan kung ‘di mga sarili lang natin. Mas na napagtanto ko, Kriselda, na dapat talagang hinihiwalay ang negosyo sa pagiging maawain. Kay kapag nakabangon na ulit ang tindahang ito, sisiguraduhin kong hindi na ulit tayo mawawalan gaya sa nangyaring pagkalugi natin,” dugtong ni Boyet.

Niyakap na lamang ni Kriselda ang asawa. Lahat ng pagkakadapa ay may dahilan at may makukuha tayong aral, at iyon na nga ang naging aral para sa kanilang mag-asawa.

Minsan, hindi natin magawang tumanggi sa iba, dahil iniisip natin na nakakatulong naman tayo at walang masama sa bagay na iyon, imbes ay biyaya pa nga iyon na pakikinabangan mo. Pero madalas kasi ay nakakalimutan natin na may pangangailangan din tayo at masyado na tayong naging mapagbigay na madalas ay nakakalimutan na natin ang sariliing kapakanan.

Matutong tumanggi! Unahin muna ang sarili bago ang iba.

Advertisement