Kinalimutan ng Panganay na Anak ang Sarili Para sa Kaligayahan ng Kaniyang mga Magulang; Tama bang Ipaubaya sa Panganay na Anak ang Obligasyon Nila?
Pababa na sana ng hagdanan si Ranna nang maulinigan niyang nag-uusap ang tatlo niyang kapatid sa may sala ng kanilang bahay. Akmang hahakbang na siya sa may unang palapag nang marinig ang pinag-uusapan nila.
“Rhianne, bakit hindi mo kinausap si mama kanina nang tumawag siya? Gusto ka lang naman niyang kumustahin,” ani Roy ang sumunod sa panganay.
Hindi kumibo si Rhianne, bagkus ay mas lalong bumusangot ang mukha ng bunsong kapatid. Tumawag pala ang mama nila, siguro’y tulog pa siya kanina kaya hindi niya alam.
“Oo nga naman, Rhianne, bakit ba galit na galit ka kay mama at papa? Si ate at kuya nga hindi sila ganyan kila mama at papa, tapos ikaw ganyan ka, e ikaw itong pinakabunso sa lahat,” komento ni Ryan, ang ikatlo sa magkakapatid.
Salubong ang kilay na humarap sa mga kapatid si Rhianne.
“Hindi ko naman kasi sila mama at papa, bakit kailangan ko pa silang kausapin?” ani Rhianne.
“Bunganga mo Rhianne ah!” saway ni Roy sa bunsong kapatid.
Itutuloy na sana ni Ranna ang pagbaba upang sawayin ang bunsong kapatid ngunit agad na natigilan sa muling sinabi nito.
“Totoo naman ‘di ba? Si mama lang ang nagluwal sa’kin, pero hindi siya ang nagpakananay sa’kin! Hindi niya ako inalaagaan, hindi ko nga alam na siya pala ang nanay ko e, kasi hindi ko matandaan na naging nanay ko siya.”
Hindi nakapagsalita sina Roy at Ryan sa sinabi ni Rhianne, dahil tama naman ito. Mag-iisang taon noon si Rhianne, nang magdesisyon ang mama at papa nilang maghiwalay na. Nasa abroad noon ang papa nila, at doon nakahanap ng mas higit pa sa kanilang ina kaya nakipaghiwalay ito sa mama nila at nangakong hindi sila pababayaan sa pinansyal na suporta.
Makalipas ang isang taon mahigit ay nakahanap naman ang mama nila ng bagong pag-ibig, iyon ang highschool sweetheart daw nito. Tatlong taon si Rhianne nang mabuntis muli ang kanilang ina, kaya nagdesisyon itong ipaubaya sina Roy, Ryan at Rhianne kay Ranna, na labing limang taon pa lang noong panahon na iyon.
“Si Ate Ranna, siya ang mama ko, nating lahat. Siya ang tumayong ina at ama nating tatlo, dahil mas inuna nila mama at papa ang sarili nilang kaligayahan. Hindi man lang nila inisip ang damdamin natin, lalong-lalo na ang kaligayahan ni ate,” ani Rhianne.
Hindi na napigilan ang pagdaloy ng luha sa mga mata. Naninikip naman ang dibdib ni Ranna sa mga sinabi ni Rhianne. Minsan man ay hindi siya nagalit sa mga magulang nila, wala siyang ibang ginawa kung ‘di unawain ang dalawa. Isinakripisyo niya ang sariling kaligayahan para sa kaligayahan ng mga magulang niya.
Siya ang tumayong ina at ama ng mga kapatid niya, dahil sa palagay niya iyon naman talaga ang tamang gawin. Kung hindi niya iyon gagawin, sino? Pinabayaan na nga ng mga magulang nila ang mga kapatid niya, pati ba naman siya’y iyon din ang gagawin?
“Kung tutuusin, dapat sa edad ni ate ngayon ay may asawa na siya, pero anong nangyari? Tinanggihan nya si Kuya Sam para sa’tin. Sinakripisyo niya ang sariling kaligayahan huwag lang niya tayong mapabayaan. Kaya naiinis ako kila mama at papa! Mas inuna nila ang sarili nila kaysa sa’tin. Matapos nilang iluwal tayo sa mundo, para na lang tayong halaman na walang halaga sa kanila at ipinaubaya ang pagdidilig sa iba. Masaya sila sa kaniya-kaniya nilang buhay, pero tayong apat… hindi na nila inisip kung naging masaya ba tayo noong iwan nila at gumawa ng kaniya-kaniyang pamilya!”
Mas lalong walang masabi ang dalawang lalaking kapatid. Iyon rin ang nararamdaman nila, pero ayaw na lamang nilang isipin pa.
Bumaba si Ranna upang yakapin ang umiiyak na si Rhianne. Hindi niya gustong maramdaman ni Rhianne ang bagay na iyon, ngunit hindi niya hawak ang isip ng kapatid. Hindi niya kailanman siniraan ang mga magulang sa mga ito, wala siyang ibang sinabi kung ‘di hayaan nang lumigaya ang mga ito sa kaniya-kaniyang sariling pamilya, dahil nand’yan naman siya na handang tumayong ama, ina at ate para sa mga ito.
“I’m sorry, ate.” Humahagulhol na niyakap ni Rhianne si Ranna.
“Hindi mo kailangang humingi ng sorry, bunso. Wala kang kasalanan, at hindi mo kasalanan kung iyon ang nararamdaman mo kila mama at papa,” alo niya.
“Nasasaktan lang ako para sa’yo, kaya ako nagagalit sa kanila. Hindi mo deserve ang lahat ng ito ate, napaka-makasarili lang talaga nila, para ipasa sa’yo ang obligasyong dapat sila ang gumagawa,” ani Rhianne.
“Tahan na, mahal ko kayo, kaya ko ito ginagawa. Ako ang ate, kaya hindi ko kayo pababayaan. Magulang pa rin natin sila, kaya huwag ka nang magalit sa kanila,” nakikiusap niyang wika.
Hindi na sumagot si Rhianne, sa halip ay niyakap na lamang siya nito nang mahigpit. Nakiyakap na rin sina Roy at Ryan sa kanila.
Hindi niya pwedeng idikta sa mga kapatid ang dapat at hindi dapat maramdaman ng mga ito. Kung may lihim man itong tampo sa mga magulang niya’y hindi niya iyong kagustuhan, pero wala siyang ibang hinihiling kung ‘di sana’y mawala na ang mga tampong iyon sa puso ng mga kapatid, dahil kahit ano naman ang mangyari ay mga magulang pa rin nila ito.
Wala siyang ibang nais kung ‘di makita ang mga mahal niyang masaya. At handa siyang isakripisyo ang sarili niyang kaligayahan, makita lamang ang tatlong nasa maayos na kalagayan.