Imbes na Ipaampon Upang Gumanda ang Kinabukasan ng Anak ay mas Pinili Nitong Makasama Siyang Maghirap; Ito Pala ang Kaniyang Dahilan
Panay ang ubo at nilalagnat ang kaniyang ina kaya hindi na alam ni Kristine kung ano ang dapat niyang gawin. Natutuliro na siya at hindi na magkandaugaga sa kakaisip kung ano ba dapat ang gawin niya sa ina para lang gumaling ito.
“‘Ma, isugod na kaya kita sa ospital?” natataranta niyang wika.
Umiling-iling ang ina saka iwinasiwas ang kamay. “Magiging maayos rin ako bukas anak,” anito.
“Pero ilang araw na iyang lagnat at ubo mo,” aniya.
Limang taong gulang siya nooong namayapa ang kaniyang ama, dahil nasagasaan ito habang nagmamaneho ng bike pauwi. Mula noon ay mag-isa na siyang itinaguyod ng ina sa abot ng makakaya nito. Upang makakain sila ay tumatanggap ito ng gabundok na labahin sa halagang tatlong daang piso, at paminsan-minsan ay naglilinis ito ng malaking bahay sa ganoon ring halaga.
Nang magdalaga naman siya’y naging katuwang siya ng ina sa paghahanap-buhay habang nag-aaral. Nagtitinda siya ng kung ano-ano sa eskwelahan, para may pambaon at pagkatapos ng klase ay tumatanggap din siya ng labada at nagmamanicure upang may pandagdag sa gastusin nilang mag-ina.
Noon… may nag-alok sa mama niya na ampunin siya. Ninang at ninong niya iyon na sa tagal ng pagsasama ng dalawa ay hindi man lang nagkaanak. Inalok nito ang kaniyang inang ampunin siya, para hindi na ito mahirapan, at ganoon din siya. Nangako ang mag-asawang gaganda ang buhay niya at sisiguraduhin ang kaniyang pag-aaral, at gaganda ang buhay niya sa poder ng mga ito. Ngunit imbes na tanggapin ang magandang alok ng mag-asawa ay mariin iyong tinanggihan ng kaniyang ina. Ayon pa rito’y kakayanin nito ang lahat ng hirap basta magkasama silang dalawa.
Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung bakit kailangang pahirapan ng ina ang sarili kung pwede naman sana nitong tanggapin ang inialok ng ninang at ninong niya noon. Kung nagkataong ibinigay siya ng ina noon sa dalawa, malamang ay hindi niya nararanasan ang ganitong klaseng hirap.
Makalipas ang dalawang araw ay gumaganda-ganda na ang lagay ang kaniyang ina, ngunit hindi pa masyado at halatang kailangan pa nito ng mahaba-habang pahinga upang mabawi ang sariling lakas. Ngunit nakita niya itong tumanggap na naman ng gabundok na labada, dahilan upang mainis siya at magalit.
“Sabi ko naman sa’yo na magpahinga ka na muna rito sa abahay. Baka mabinat ka’t magkasakit na naman, ako na naman ang mamomroblema sa’yo! Pakiusap naman ‘ma, sundin mo naman ako,” aniya.
Naiinis siya, ngunit hindi niya kayang singhalan ang ina. Naiiyak lamang siya dahil ang tigas ng ulo nito. Kaya naman niya, siya na muna ang kakayod para sa kanilang dalawa, huwag na muna itong gumalaw hangga’t maaari dahil ayaw niyang magkasakit na naman ito.
“Gusto ko lang naman na makabawi sa’yo anak, alam kong nahihirapan ka, kaya gusto kong makatulong,” anito.
“Alam mo naman pala na nahihirapan na ako. Bakit kasi hindi mo na lang ako ipinaampon noon kay ninang at ninong? Bakit hinayaan mo akong maghirap kasama ka? Kung ipinaampon mo na lang sana ako, hindi ko sana nararanasan ang mga nararanasan ko ngayon at hindi ka sana naghihirap nang ganyan!” mangiyak-ngiyak niyang sumbat sa ina.
“A-Ayoko lang naman na mahiwalay ka sa’kin, anak,” mangiyak-ngiyak nitong wika.
“Magkasama nga tayo ‘ma, pero nahihirapan naman tayong pareho,” aniya, saka tinalikuran ang ina.
Hindi na sumagot pa ang kaniyang ina, hinayaan na lamang nito ang sariling umiyak nang umiyak. Kung ano man ang nasa loob nito ay hindi alam ni Kristine. May mga desisyon ang kaniyang ina na hindi niya minsan maintindihan.
Kayod kalabaw, iyon ang pinakamalapit na salitang kayang ikumpara ni Kristine sa sarili. Habang nag-aaral kasi siya’y nagtatrabaho siya at kumakayod para sa kanilang dalawa ng kaniyang ina. Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon nga’y ga-graduate na siya sa kaniyang tinapos na kurso sa kolehiyo. Salamat sa Panginoon at nakayanan niya ang lahat, kasama ang kaniyang ina.
Matapos tanggapin ang kaniyang parangal sa entablado kasama ang umiiyak niyang ina ay masinsinan siya nitong kinausap at masayang tiningnan ang hawak niyang diploma, pati na ang kaniyang suot na toga.
“Masaya ako, anak, sa naabot mo at sa mga maaabot mo pa,” anito.
Hindi siya sumagot. Masayang-masaya ang puso niya at wala siyang mahagilap na salitang nais sabihin.
“Alam ko na darating ang araw na ito, na makikita ko lahat ang tagumpay at salamat sa Diyos dahil hindi Niya ako binigo. Pasensya ka na kung kinailangan mong pagdaanan ang hirap kasama ako. Ayoko kasing mahiwalay sa’yo, anak, gusto kong nariyan lang ako sa tabi mo habang inaabot mo ang lahat ng pangarap mo. Handa akong maghirap anak, kahit gumapang ako, basta kasama kita. Sapat na sapat na iyon,” umiiyak na wika ng ina.
Ngayon niya mas naintindihan kung bakit mas pinili nitong huwag siyang ibigay sa ninang at ninong niya noon. Nais pala nitong masaksihan ang lahat ng mangyayari sa kaniya. Mahigpit niyang niyakap ang ina at nagpasalamat.
Kung ibinigay rin siguro siya ng kaniyang ina noon sa ninang at ninong niya, baka nagtanim din siya ng galit dito.
“Salamat ‘ma, at hindi mo ako ibinigay sa iba,” humihikbi niyang wika.
Walang magulang ang nais mahiwalay sa anak. May iba na kinailangang magsakripisyo para lamang makitang maayos ang lagay ng kanilang minamahal na anak, may iba namang magulang na mas pipiliin ang maghirap, kaysa mawalay sa pinakamamahal nilang anak.