Inday TrendingInday Trending
Walang Magandang Bagay ang Nangyari sa Araw na Iyon para sa Dalaga; Hindi Niya Akalain na Isang Bata Lamang pala ang Magpapabalik ng Kaniyang Saya

Walang Magandang Bagay ang Nangyari sa Araw na Iyon para sa Dalaga; Hindi Niya Akalain na Isang Bata Lamang pala ang Magpapabalik ng Kaniyang Saya

Inis at pabalibag na isinara ni Maribelle ang pinto ng kaniyang sasakyan, dahilan upang mapatalon bahagya sa gulat ang may edad na niyang drayber na si Mang Antonio. Naiinis siya at gusto niyang maghamon ng suntukan sa araw na iyon, baka sakaling humupa ang inis na kaniyang nadarama. Anong bang kamalasan ang nasalubong niya kanina at hanggang ngayon ay hindi man lang siya tinatantanan!

Umaga pa lang ay wala ng nangyaring maganda sa araw niya, ito ang literal na ibig sabihin ng tinatawag ng karamihang bad day!

“Sa simbahan tayo, Antonio!” utos niya sa drayber na hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin sa galit na nakikita nito sa mukha ng dalagang amo.

Pero imbes na magtanong pa ay agad na nitong minani-obra ang sasakyan upang pumunta sa paborito nitong puntahan na simbahan. Habang nasa biyahe ay nagpupuyos pa rin ang damdamin ni Maribelle, nakasalubong ang kaniyang kilay at nagtatangis ang bagang sa sobrang inis, dahilan kaya mas lalong naiilang na magsalita si Antonio.

Kapag ganoon kasi ang itsura ng dalaga ay mas minamabuti nitong huwag na munang magsalita at itikom na lamang ang bibig dahil baka sa kaniya pa mapunta ang inis at galit nito.

Nang marating ang simbahan ay agad na bumaba si Maribelle at dere-deretsong naglakad sa loob ng simbahan ang dalaga. Nag-desisyong umupo sa gitnang bahagi ng upuan at nagsimulang magdasal. Humihingi siya ng kapatawaran sa mga kasalanang kaniyang nagawa, alam man niya o hindi ay inihihingi niya iyon ng kasalanan. At nagpasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap sa araw-araw.

Seryoso siyang nagdarasal nang mapansin ang batang babae na sa kaniyang tantiya ay nasa edad tatlo o apat. Seryoso itong nakatingin sa kaniya na para bang pinag-aaralan nto ang kaniyang itsura. Nababasa kaya nito ang inis niya?

“Bakit?” buka niya sa bibig pero walang tunog ang lumabas.

Tila natakot naman ang batang babae at agad na ibinaling ang tingin sa ibang bahagi ng simbahan. Hindi maiwasan ni Maribelle ang lihim na pagngiti dahil sa naging reaksyon nito.

Ngunit maya maya ulit ay muli itong tumingin sa direksyon niya. Hindi na ito mukhang natatakot, dahil nakangiti na ito na tila ba nahihiya. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito. Napapangitan ba ito sa kaniya o nagagandahan? Nababasa ba ng bata na wala siya sa mood o ano?

Inikot niya ang tingin sa buong paligid… sabagay, wala masyadong tao sa simbahan at siya lang ang malapit sa pwesto nito kaya siguro sa kaniya nakatitig ang bata, habang abala ang ina nito pagdarasal.

Imbes na magpokus siya sa nais niyang idasal, mas nagpokus siya sa pakikipag-asaran sa batang hanggang ngayon ay sa kaniya nakatitig. Sinubukan niyang takutin ang bata, pinanlakihan niya ito ng mata, ngunit imbes na matakot ay tila natuwa pa ito sa kaniyang itsura.

Hindi niya tuloy mapigilang hindi matawa sa naging reaksyon nito. Habang tinatakot niya ito’y gumaganti naman ito ng pang-aasar kaya tuluyan nang nakalimutan ni Maribelle, kung bakit siya naroroon ngayon sa loob ng simbahan, at nakalimutan niyang masama pala ang kaniyang timpla sa araw na iyon.

Nang matapos makipag-asaran sa bata ay nagdesisyon siyang tumayo na upang umalis. Gusto man niyang makipag-asaran pa sa cute na bata ay kinailangan niyang pumunta sa isa pang branch ng kanilang kumpanya at marami pa siyang aasikasuhing trabaho.

Ngunit bago iyon ay nilapitan niya ang batang ngayon ay ngiting-ngiti na nakatingin sa kaniya na para bang isa siyang clown na nagbibigay tuwa rito.

“Hi cute, anong pangalan mo?” tanong niya.

Ngunit imbes na pangalan ang sambitin ng inosenteng bata, ay minani-obra nito ang tatlong daliri sabay sambit ng;

“Three, oh, three,” anito.

Ang inis na naramdaman niya kanina ay mas lalong naglaho dahil sa inosenteng bata. Lihim siyang umusal ng pasasalamat sa walang alam na bata kung paano nito natanggal ang inis niya sa araw na iyon.

“Sa’yo na ito oh, candies,” aniya. Inabot sa tuwang-tuwang bata ang isang supot na candies na palaging nasa kaniyang bag, saan man siya magpunta. At saka naglakad palabas ng simabahan. Pagbalik niya sa loob ng kotse ay hindi na kasing-bigat kagaya kanina ang mukha niya.

“Hindi ka na bad-trip, Maribelle?” nag-aalangang tanong ng matandang drayber.

Matamis na ngumiti si Maribelle. “May nakita kasi akong mapang-asar na anghel sa loob, kaya nawala na ang inis ko. Gusto mo ba ng candy, Mang Antonio?” alok niya rito.

Agad namang ngumiti ang matandang drayber at lihim na umusal ng pasasalamat, kahit medyo naguguluhan sa ibig sabihin nitong anghel. “Kung ibibigay mo’y tatanggapin ko,” anito.

Humalakhak ng tawa si Maribelle at agad na binigyan ng candy si Mang Antonio. May mga pagkakataong ang hirap ngumiti o tumawa, basta subukan mo lang lumingon sa iyong paligid at maghanap ng dahilan para sumaya.

Advertisement