Inday TrendingInday Trending
Inis ang Dalaga sa Mahigpit na Tiyahin Kaya Iniwan Niya Ito Upang Sumama sa Ina; Kalauna’y sa Piling din pala Nito ang Balik Niya

Inis ang Dalaga sa Mahigpit na Tiyahin Kaya Iniwan Niya Ito Upang Sumama sa Ina; Kalauna’y sa Piling din pala Nito ang Balik Niya

“Melanie, halika nga rito saglit at tulungan mo ako sa pagbubuhat nitong mga hinango kong damit sa sampayan!” sigaw ni Lourdes sa kaniyang pamangkin.

Nang mga panahon na iyon ay nakikipag-usap sa kaniyang mga barkada si Melanie kaya labis ang inis nito nang pakiusapan ng tiyahin.

“Nakakainis talaga ‘tong si tiya! Wala talaga sa tiyempo, e! Nakita nang nagkakasayahan dito tapos ngayon pa ako tatawagin para magtiklop ng damit!” naasar na sambit naman ng dalaga.

Patuloy ang sigaw ni Aling Lourdes para tawagin ang pamangkin. Pinababayaan lang ito ni Melanie hanggang sa hindi na nakatiis ang tiyahin at sinundo na siya sa labas.

“Kanina pa kita tinatawag, Melanie. Tara na at samsamin mo na ang mga damit mo. Dapat ay marunong kang magsinop ng mga damit mo. Gawain iyon ng isang babae,” wika naman ni Lourdes.

“Sinabi ko na pong sandali lang! Pagpasok ko naman po ay gagawin ko na agad ang pinag-uutos n’yo. Bakit kailangan n’yo pa akong sermunan sa harap ng mga kaibigan ko? Talagang pinapahiya n’yo ako!” inis pa ng dalaga sabay padabog na tumayo sa kaniyang inuupuan.

Pinalagpas ni Lourdes ang pagsagot ni Melanie nang pabalang, pero nang makapasok sila ng bahay ay patuloy pa rin sa pagmamaktol ang dalaga.

“Bakit ba kailangan pang ako ang gumawa ng lahat ng iyan? Kaliwa’t kanan ang utos ninyo sa akin! Bakit kasi hindi n’yo na lang ako ibalik sa nanay ko nang sa gayon ay maramdaman ko naman ang pagkakaroon ng isang ina? ‘Yung pinagsisilbihan ako!” sigaw pa ni Melanie.

“Huwag kang nagtataas ng boses sa akin, Melanie. Kung nais ka talagang balikan ng nanay mo ay matagal na n’ya iyong ginawa. Hindi naman kita ginagawang alila sa bahay na ito. Sa katunayan nga ay ako pa ang gumagawa ng halos lahat ng gawaing bahay. Masama na bang hingin ko ang tulong mo gayong mga damit mo naman ang titiklupin?” pahayag pa ng tiyahin.

Inis na inis si Melanie dahil para sa kaniya’y pinahihirapan lang siya ng kaniyang Tita Lourdes. Alam kasi niyang malaki ang galit nito sa kaniyang ina dahil sa labis na inggit. Mas paborito raw kasi ng kanilang mga magulang ang ina ng dalaga. Kaya naman sa tingin ni Melanie ay pinagbubuntungan siya nito.

Nagdadabog si Melanie habang tinitiklop niya ang kaniyang mga damit. Hindi na siya pinatulan pa ng kaniyang Tita Lourdes ngunit patuloy pa rin ito sa pangaral sa kaniya.

Kinabukasan ay pumasok ng paaralan si Melanie. Hindi siya nagpaalam sa kaniyang tiyahin na aalis sila ng kaniyang mga kaibigan. Hilong-hilo at kabang-kaba itong si Lourdes sa kakahanap sa kaniyang pamangkin.

Gabi na nang makauwi ito ng kanilang bahay.

“Gawain ba iyan ng isang dalaga? Kung ang pusa nga kapag nawawala ay hinahanap, ano pa kaya ikaw? Bakit hindi ka man lang nagsabi sa akin na may lakad pala kayo? Ang akala ko ay kung ano na ang nangyaring masama sa iyo!” bungad ni Lourdes.

“Napaka-OA mo naman, tita! Kasama ko lang ang mga kaibigan ko! Napasarap lang sa pagvi-videoke kaya ginabi. Saka kung magpapaalam ako sa iyo ay papayagan n’yo ba ako? Pagagalitan mo lang din naman ako kaya mabuti na ‘yung sumama na ako sa kanila. Mapagalitan man ako ay nakapagsaya naman ako!” pananarkastiko naman ni Melanie.

“Iyan ba ang natututunan mo sa mga kaibigan mo? Ang sagut-sagutin ako? Kailan ka ba magkakaroon ng respeto sa akin? Natural na maramdaman ko ito dahil nag-aalala ako sa iyo!” wika naman ng tiyahin.

“Pwes! Hindi mo kailangang mag-alala dahil hindi naman ikaw ang nanay ko! Kaya p’wede ba? Tigilan mo na rin na magpakaina sa akin! Saka alam ko naman kung bakit ayaw mo akong ibigay sa nanay ko, e! Dahil gumaganti ka sa kaniya. Mas masaklap ang buhay mo dahil ginagamit mo pa ako para lang makaganti!”

Sa inis ni Lourdes ay hindi na siya nakapagpigil pa at lumapat ang kaniyang kamay sa pisngi ng pamangkin.

“Nakaganti ka na! Nagawa mo na ang gusto mo! Kapag sinundo ako ng nanay ko ay sasama na ako!” sambit ng dalaga habang pinipigil ang kaniyang mga luha.

Ayaw naman talagang gawin ito ni Lourdes. Sa katunayan ay talagang mahal niya ang pamangkin. Ngunit hindi siya nauunawaan ng dalaga. Para kasi kay Melanie ay kontrabida ang kaniyang tita.

Hindi nga nagkamali si Melanie. Isang araw ay dumating ang kaniyang ina at pilit siyang kinukuha.

“Hindi ba’t sinabi mo sa akin na kahit kailan ay hindi mo na siya kukunin? Anong buhay ang maibibigay mo sa kaniya? Hindi ko hahayaang masira ang kinabukasan ni Melanie!” sambit ni Lourdes.

“Wala akong pakialam sa mga nasabi ko noon! Ako ang ina niya at may karapatan ako sa kaniya. Kukunin ko na siya at wala kang magagawa dahil payag na rin naman siyang sumama sa akin! Tanungin mo pa siya!” saad naman ni Alma, ina ni Melanie.

Tumingin si Lourdes sa kaniyang pamangkin na tila pinipigilan niya ito sa pag-alis. Ngunit hindi na nagpapigil pa si Melanie.

“Sasama na po ako sa nanay ko. Ayaw ko na rin naman makasama ang isang tulad n’yo. Sa wakas ay makakaramdam na ako ng tunay na pagmamahal ng isang magulang!” wika pa ng dalaga.

Hindi nagtagal ay tuluyan na ngang sumama si Melanie kay Alma. Sinama siya nito sa tinutuluyan niyang tenement. Narito rin sa bahay na ito ang kinakasama ng ina.

“Hindi rin magtatagal at lilipat na rin tayo ng bahay. Pagpasensyahan mo muna ang lugar na ito, anak. Ang mahalaga ay magkasama na tayo!” niyakap ni Alma ang anak.

Labis ang saya sa puso ni Melanie. Sa wakas ay mararamdaman na niya ang pagmamahal ng kaniyang ina.

Ngunit habang tumatagal ay nararamdaman ni Melanie na parang hindi tunay ang ipinakikitang kabaitan ni Alma sa kaniya.

Hanggang isang gabi, habang natutulog ang dalaga ay nararamdaman niya ang isang kamay na nasa kaniyang binti. Pagkagising niya ay agad na tinakpan ng kaniyang amain ang kaniyang bibig.

“Huwag kang maingay kung hindi ay malilintikan kayong dalawa ng nanay mo sa akin! Sumunod ka na lang sa mga ipapagawa ko sa iyo!” saad pa ng lalaki.

Takot na takot si Melanie. Mabuti na lamang, bago maisakatuparan ng amain ang pananamantala ay naalimpungatan ang kaniyang ina.

“Dodong, ano’ng ginagawa mo sa anak ko?” sigaw ni Alma.

Agad na yumakap si Melanie sa ina habang nangangatog ang buong katawan nito sa takot.

“‘Nay, tinakot po niya ako! Buhay natin ang kapalit kapag nagsumbong ako! Natatakot po ako, ‘nay!” pagtangis ng dalaga.

Iniupo ni Alma ang anak sa sala at kinausap ang karelasyon.

Ang buong akala ni Melanie ay papanigan siya ng kaniyang ina ngunit nagulat siya sa kaniyang narinig.

“Ano ba ang ginagawa mo? Pati ang anak ko ay papatusin mo? Paano kapag natakot ‘yan? Baka mamaya ay umalis ‘yan sa poder natin at bumalik na naman kay Lourdes. Alam mong kailangan natin siya para makahuthot tayo ng pera sa tatay niya! Ayusin mo ang mag disposyon mo sa buhay kung ayaw mong mapurnada ang pagkakaroon natin ng pera!” saad pa ni Alma sa kinakasama.

Lalong naiyak si Melanie. Hindi niya akalain na ginagamit lang pala siya ng kaniyang ina kaya naman pala siya kinuha nito. Bigla na lang niya naisip ang kaniyang Tita Lourdes at ang buhay niya sa piling nito.

Habang may pagkakataon pa ay tumakas si Melanie pabalik sa kaniyang tiyahin. Humahangos siya sa sobrang takot ngunit higit ay lumuluha siya sa pait ng kaniyang dinanas sa piling ng ina at kinakasama nito.

Hindi alam ni Melanie kung paano ngunit nakauwi siya sa kaniyang Tita Lourdes. Nakita niya ang tiyahin na hindi makatulog sa labis na pag-aalala sa kaniya. Kaya naman labis ang tuwa nito nang makita niya sa kaniyang harapan ang kaniyang pamangkin.

“A-ano ang ginagawa mo rito sa ganitong oras ng gabi? Alam ba ng nanay mo na umalis ka?” napayakap na lang si Lourdes sa pamangkin.

“Tita, patawarin mo po ako sa lahat ng mga nagawa ko sa’yo! Huwag niyo na po akong ibalik kay nanay! Muntik na po akong mapahamak sa piling nila! Ginagamit lang nila ako dahil gusto nilang kunan ng pera ang tatay ko!” pagtangis muli ng dalaga.

“Kahit ano ang mangyari ay hindi na kita ibabalik sa nanay mo. Dito ka na lang sa akin. Ito ang dahilan kung bakit wala akong tiwala sa nanay mo. Dahil ayaw kong may mangyaring masama sa iyo. Noon pa man ay ayaw na niya sa iyo. Binenta ka niya sa isang mag-asawa. Nang malaman ko ito ay binigay ko ang lahat ng ipon ko mabawi lang kita. Kaya nagduda na ako kung bakit nagbabalik siya sa buhay mo gayong noon ay halos ipamigay ka niya! Pero ‘wag kang mag-alala dahil hindi ka na niya malalapitan pa,” pahayag pa ni Lourdes.

Mula noon ay pinapahalagahan na ni Melanie ang lahat ng ginagawa ni Lourdes para sa kaniya. Siya na mismo ang lumayo sa kanyang ina upang hindi na muli malagay sa masama ang kaniyang sarili.

Nang malaman naman ni Lourdes ang tangkang pananamantala ng amain sa dalaga ay sinampahan niya ito ng kaso. Maging ang kapatid na si Alma ay sinampahan niya rin ng kaso sa pagpapabaya sa anak.

Napatunayan ni Melanie na higit pa isang tunay na anak ang turing sa kaniya ng kaniyang Tita Lourdes. Labis niyang ipinagpapasalamat dahil nariyan ang tiyahin na handang gumabay at magmahal sa kaniya.

Advertisement