Inday TrendingInday Trending
Masama ang Sinasabi ng Albularyo Tungkol sa Bagong Doktor sa Kanilang Lugar; Isang Araw ay Kakainin Niya ang Lahat ng Ito

Masama ang Sinasabi ng Albularyo Tungkol sa Bagong Doktor sa Kanilang Lugar; Isang Araw ay Kakainin Niya ang Lahat ng Ito

Kinakabahan ngunit puno ng motibasyon ang binatang doktor na si Garry. Ngayon kasi ay matutupad na ang pangarap niya na magsilbi sa kaniyang mga kababayan sa malayong parte ng Pilipinas. Mula noon ay ito na kasi talaga ang kaniyang layunin sa buhay. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon ay agad niyang sinunggaban.

Ngayon pa lang mawawalay si Dok Garry sa kaniyang pamilya sa lungsod. Tutol man ang mga magulang niya sa nais niyang gawin ay hindi siya napigilan ng mga ito.

Isang taon ang kontrata ni Garry bilang doktor ng isang malayong baryo. Batid niyang marami ang nangangailangan ng tulong medikal sa lugar ngunit alam din niyang magiging malaking pagsubok ito para sa kaniya. Dahil nga kasi hindi naaabot ng medisina ang baryo ay umaasa na lang ang mga ito sa albularyo, at alam niyang mahihirapan siyang baliin ang mga nakasanayan na.

Pagtapak pa lang niya sa lugar ay kinaharap na niya ang isang matinding pagsubok. Sa laki ng nasasakop ng lugar ay wala man lamang pasilidad na pang-medisina. Walang ospital o kahit center man lang.

Bukod pa roon ay binalot na agad siya ng maraming intriga. At ang lahat ng ito ay nagmula sa isang kilalang albularyo doon, si Ka Teban. “Huwag tayong magpapaloko sa mga taga-siyudad na iyan. Nagpapanggap lang silang may alam ngunit ang totoo ay nais lang nila tayong pag-eksperimentuhan. Hindi ang mga gamot na dala ng doktor na ‘yan ang makakapagpagaling sa atin kung hindi ang mga gamot na na nakasanayan na,” saad ng albularyo.

Kaya kahit na patuloy ang pagpapalaganap ng magandang balita na mayroon ng doktor sa baryo ay wala pa ring nagpupunta upang magpagamot.

Isang araw ay napilitang magbahay-bahay itong si Dok Garry upang makilala siya nang husto ng mga taga-baryo. Nais din kasi niyang alamin nang personal ang mga kalagayan ng mga ito.

Ngunit ni wala man lamang nais na magpasuri sa kaniya.

“Wala kaming ibabayad sa iyo!” sambit ng isang ale habang bitbit ang anak na halatang kulang sa malnutrisyon.

“H-hindi po ako nagpapabayad. Narito po ako upang suriin ang bawat pamilya sa baryong ito,” tugon naman ni Dok Garry.

“At ano naman ang mangyayari kung susuriin mo kami? Wala rin naman kaming pambili ng gamot. Saka hindi kami naniniwala sa mga katulad mo. Ang tanging nais n’yo lang ay sirain ang paniniwala namin!” dagdag pa nito.

Hirap na hirap itong si Dok Garry. Paano niya magagawang suriin ang mga taga-roon kung ayaw naman ng mga ito?

Isang araw ay inobserbahan ng binatang doktor kung saan nagtutungo ang mga tao kung sila ay nagkakasakit. Natunton niya ang may edad na albularyo. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagpapagamot sa kaniya. Mula sa simpleng sakit ng ulo hanggang sa mga sakit sa balat.

Isang kaso ng isang batang may sakit ang pumukaw ng atensyon ni Dok Garry.

“Ginang, mawalang galang na po sa inyo. Ngunit kailangan ko pong masuri ang anak ninyo. Hindi ito ang tamang lugar para bigyan siya ng lunas,” hindi na nakapagpigil pa ang doktor.

Nakita naman siya ni Ka Teban na labis na ikinainit ng ulo nito.

“At ano’ng ginagawa mo sa lugar na ito? Huwag mong sabihin sa akin na magpapagamot ka rin?” natatawang sambit ng albularyo.

“Nais kong ipatigil ang ginagawa mong ito dahil hindi mo sila tunay na ginagamot! Kung hindi mabibigyan ng karampatang lunas ang kanilang mga kalagayan ay lalong lalala ang kanilang nararamdaman!’ sambit naman ni Dok Garry.

“At ano ang alam mo sa mga tagarito, e, bagong salta ka lang? Walang sakit ang mga ka-baryo ko! Pinaglalaruan lang sila ng mga demonyo at maligno na tulad mo! Umalis ka rito sa lupain ko kung hindi ay ipakukuyog kita sa lahat ng narito,” pananakot pa ni Ka Teban.

Nagpumilit pa rin si Dok Garry na masuri ang bata na nakita niya kanina. Lalong nagalit ang albularyo.

“Sige nga! Kung magaling ka talagang doktor ay sabihin mo sa akin kung ano ang tunay niyang karamdaman!” hamon ni Ka Teban.

“Madilaw ang kaniyang balat at mata. Malaki ang kaniyang tiyan. Maaaring may iniinda siyang sakit sa atay. Kailangan ko pang masuri ang kaniyang kalagayan upang makita ang tunay niyang sakit at gaano ito kalala,” sagot naman ni Dok Garry.

“Tingnan mo nga at hindi ka sigurado! Ang batang iyan ay pinaglalaruan at kinatutuwaan ng mga dwendeng itim. Alam ko dahil nakikita ko sila! Umalis ka na rito dahil walang naniniwala sa iyo!” pagtataboy ni Ka Teban.

“Isang araw ay kakailanganin mo rin ang tulong ko. Huwag kang mag-alala at nasa center lang ako kapag nagkataon!” wika pa ng binatang doktor.

“Huwag kang mag-alala dahil kahit masawi ako ay hindi ako hihingi ng tulong sa iyo! Kaya kong magpagaling ng iba. Hindi ako tinatamaan ng karamdaman!” dagdag pa ng albularyo.

Umalis si Dok Garry sa lugar na iyon upang matigil na ang komosyon. Ngunit hinanap niya ang pamilya ng batang may sakit. Kinausap niya ang ina nito upang kaniyang suriin.

“Wala akong hinihinging kapalit, ginang. Ang nais ko lang ay pagalingin ang anak mo. Ayaw mo bang malaman ang tunay niyang kalagayan? Ayaw mo bang magamot siya nang sa gayon ay humaba pa ang kaniyang buhay?” tanong ng doktor.

Napaiyak na lang ang ginang.

“Ilang beses na po kaming pabalik-balik kay Ka Teban. Kung anu-ano na nga po ang inaalay namin sa kaniya. Naubos na ang mga alaga naming manok. Ang pangako niya sa amin ay paaalisin niya ang duwendeng naglalaro sa anak ko. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya gumagaling. Dok, tulungan n’yo na po ang anak ko. Ayaw kong mawala siya sa amin!” pagtangis pa ng ginang.

Agad na sinuri ni Dok Garry ang bata. Gumawa rin siya ng paraan upang mai-confine ang bata sa isang malaking ospital. Tulad ng kaniyang pangako ay walang babayaran ang mga magulang ng bata.

Doon napag-alaman na may karamdaman nga sa atay ang bata at kailangan nito ng agarang operasyon.

“Mabuti ay hindi n’yo na pinatagal pa ang lahat. Nakakita na po kami ng donor at kailangan na lang na palakasin ang katawan ng anak niyo nang sa gayon ay malunasan na siya,” dagdag pa ng doktor.

Nang malaman ng mga taga-baryo ang nangyaring ito ay labis ang kanilang pag-uusisa. Lalo pa nang dumating sa kanila ang balitang patuloy na ang pagbuti ng kalagayan ng bata.

Mula noon ay marami nang nagpapasuri sa doktor. Labis namang ikinabahala ito ni Ka Teban. Mawawalan kasi siya ng kabuhayan lalo pa at hindi nagpapabayad ang naturang doktor.

Kaya naman gumawa siya ng usap.

“Nakita ko sa aking mga pangitain na isang malaking eksperimento lang ang lahat. Mayroong bagong gamot at nais nilang subukan ito sa tao at tayo ang kanilang ginagawang daga. Papayag ba tayong itrato nila tayong hayop? Ayos naman ang buhay natin noon! Saka kung maganda talaga ang hangad ng gobyerno sa ating kalusugan ay bakit isang pipitsugin at batang doktor ang kanilang pinadala rito?” pahayag ng albularyo.

Kahit na nakarating kay Dok Garry ang mga paninirang ito ay hindi na niya ito pinatulan. Bagkus ay nagtrabaho na lamang siya lalo pa at dumarami na ang nais na magpakonsulta sa kaniya.

Isang araw ay napabalitaan ng lahat na may matinding lagnat daw si Ka Teban. At ang pinagbibintangan nitong may gawa ay ang doktor.

“Sugo ng demonyo ang doktor na ‘yan! Tinawas ko ang aking sarili at nakita kong siya ang gumawa sa akin nito! Dahil ito sa lahat ng mga sinabi ko. Gumaganti siya sa akin! Kapag hindi niya nagustuhan ang mga ginawa ninyo’y maaari ring mangyari ito sa inyo kaya layuan n’yo na siya!” wika ni Ka Teban.

Imbis na magalit ay nag-alok pa ng tulong si Dok Garry upang suriin ang may edad na albularyo.

“Sinabi ko na sa iyo! Masasawi muna ako bago ako magpasuri sa iyo!” sigaw ni Ka Teban.

Lumipas ang mga araw at palala na nang palala ang kalagayan ng albularyo. Nag-aalala na sa kaniya ang kaniyang asawa kaya naman lumapit na ito kay Dok Garry.

“Ano ang ginagawa ng doktor na ‘yan? Hindi ba’t sinabi ko nang hindi ko siya kailangan? Ayaw kong magpagapi sa demonyo!” sigaw pa nito.

“Mataas ang kaniyang lagnat at kailangan na natin siyang i-confine sa center. May mga kagamitan doon na maaaring makatulong sa kaniya,” wika ng binatang doktor.

Sa pagsusuri ni Dok Garry ay napag-alaman na may leptospirosis itong si Ka Teban. Mabuti na lang at agad siyang nasuri ni Dok Garry kaya nailigtas ang kaniyang buhay.

Unti-unting bumuti ang kalagayan ni Ka Teban sa ilalim ng pangangalaga ng binatang doktor. Labis-labis naman ang pasasalamat ng asawa nito dahil sa tuluyan nitong paggaling.

“Muntik ka nang mawala sa amin ng mga anak mo, Teban. Mabuti na lang ay isinalba ni Dok Garry ang buhay mo! Itigil mo na ang ginagawa mo dahil pareho nating alam na hindi naman totoo ang iyong panggagamot! Baka ito na ang balik sa atin ng panloloko mo. Mabuti ay binigyan ka pa ng pagkakataon ng Diyos upang i-tama ang iyong mga mali!” sambit ng ginang.

Napagtanto ni Ka Teban ang lahat ng sinabi ng kaniyang asawa. Kung wala nga si Dok Garry sa lugar na iyon, marahil ay wala na rin siya ngayon.

Humingi ng tawad si Ka Teban kay Dok Garry para sa lahat ng masama niyang sinabi. Labis din ang kaniyang pasasalamat dahil sa kabila nang lahat ay tinulungan pa rin siya nitong gumaling. Nagulat din sila nang malamang hindi lang pala basta-basta ang binatang doktor na ito.

“Nagtapos ako sa ibang bansa ng medisina. Nanguna rin para sa pagkakaroon ng lisensya sa pagdo-doktor. Ako ang dating head ng mga doktor sa isang pribadong ospital pero tinalikuran ko ang lahat ng iyon dahil sa pagnanais kong makatulong sa inyo. Para kasi sa akin ay ito talaga ang kahulugan ng pagiging doktor ko. Ang makatulong at dugtungan ang buhay ng ibang tao. Wala akong hangad na masama sa inyo. Narito ako upang tumulong,” saad pa ni Dok Garry.

Simula noon ay pila na ang nagpapatingin kay Dok Garry. Tumigil na rin sa pagiging albularyo itong si Ka Teban at katu-katulong na ngayon si Dok Garry sa center bilang nag-aayos ng mga datos ng mga magpapasuri.

Unti-unti ay bumubuti na ang kalusugan ng mga tao sa baryo. Mabilis lang ang isang taon ngunit nakapagdesisyon na si Dok Garry na hanggang kaya niya ay lilibot siya sa mga baryong hindi naaabot ng medisina upang magbigay ng tulong medikal.

Advertisement