Inday TrendingInday Trending
Inayawan ng Bata ang ‘Regalo’ sa Kaniya ng mga Magulang; Ikabibigla Niya ang Katotohanan sa Likod Nito

Inayawan ng Bata ang ‘Regalo’ sa Kaniya ng mga Magulang; Ikabibigla Niya ang Katotohanan sa Likod Nito

Marami ang naiinggit sa batang si Annie, sampung taong gulang. Bukod kasi sa ubod ng yaman ang kaniyang mga magulang ay laging sunod pa ang kaniyang mga nais. Kapag may pagpupulong sa klase ay parehong mga magulang pa niya ang dumadalo. Talagang binibigyan siya ng mga ito ng sapat na panahon. Kapag may mga bagong uso ay asahan mong mayroon niyan si Annie.

“Nakakainggit ka talaga, Annie! Ikaw pa lang ang nakikita kong merong ganyang bag! Marami nga ang nagnanais ng ganyan pero mahal daw!” saad ng isang kaklase.

“Walang mahal na presyo sa mga magulang ko dahil mahal nila ako. Ayaw nilang nakikita akong nalulungkot. Saka isang sambit ko lang sa kanila ay susundin nila lahat ng gusto ko!” pagmamalaki naman ni Annie.

“Talagang ikaw ang paborito ng mga magulang mo, ano? Sabagay, nag-iisang anak ka lang kasi. Paano kaya kung magkaroon ka ng kapatid?” saad pa ng kaklase.

“Hindi na mangyayari ‘yun. Kasi narinig ko sina mommy at daddy na nag-uusap isang araw. Galing sila ng ospital. Malungkot nga noon si mommy, e. Hindi na raw talaga sila magkakaanak ulit. Tandang-tanda ko pa nang yakapin nila ako dahil buti na lang daw at narito na ako. Kaya, imposible na magkaroon pa ako ng kapatid!” tugon muli ng bata.

“E, paano nga kung isang araw ay magkaroon ka ng kapatid? Matatanggap mo bang may kahati ka sa atensyon nila?”

“Hindi ko na iniisip ‘yan! Sa totoo lang ay parang hindi ko kaya. Gusto ko ay sa akin lang ang atensyon nina mommy at daddy. Mabuti na nga na hindi na talaga sila magkakaanak ulit. Ayaw ko na ng kapatid!” tugon pa ni Annie.

Ni sa hinagap ay ayaw isipin ni Annie na magkakaroon siya ng karibal.

Dahil dito ay na-miss tuloy niya ang kaniyang mga magulang at hindi na siya makapaghintay pa na makauwi ng bahay nang lambingin na siya ng mga ito.

Pag-uwi nga ni Annie sa bahay ay agad siyang nagtungo sa opisina ng mga magulang, nang makita niya ang ama ay agad siyang yumakap dito.

“Narito na pala ang anak kong maganda! Kumusta naman ang eskwela? Marami ka bang natutunan?” tanong ng amang si Fred.

“Opo, daddy. Miss na miss ko lang talaga kayo ni mommy kaya gusto ko na pong umuwi agad!” tugon naman ng bata.

“Naglalambing na naman itong anak mo, Sonia!” sambit muli ng ama.

“Siguro ay may ipabibili na naman! May gusto ka ba, anak?” tanong naman ng ina.

“Wala naman, mommy. Miss ko lang po talaga kayo.”

Hindi lang masabi ni Annie ang pangamba niya dahil buong araw niyang inisip kung mayroon nga siyang kapatid.

“Dahil napakabuting bata mo, anak. Bukas ay mayroon kaming surpresa ng daddy mo sa iyo. Alam namin na matagal mo na itong inaasam,” wika pa ni Sonia.

Kinikilig itong si Annie. Sigurado siyang ito na ang pagkakataon para bilhan siya ng kaniyang mga magulang ng pinakabagong selpon. Iyon kasi ang matagal na niyang hinihiling.

Kinabukasan ay hindi na makapag hintay na umuwi galing eskwela itong si Annie. Wala siyang bukambibig sa mga kaklase kung hindi ang bagong selpon na ibibigay ng mga magulang.

Ngunit pag-uwi niya sa bahay ay nagulat siya sa kaniyang nakita.

“S-sino po ang batang iyan, mommy?” tanong ni Annie nang makita ang limang taong gulang na batang babae kasama ang kaniyang mga magulang.

“Anak, ito ang tinutukoy namin regalo sa iyo. Alam naming matagal mo nang hinihiling na magkaroon ng kapatid. Siya si Candy, ang bago mong kapatid. Inampon namin siya ng daddy mo para magkaroon ka ng kapatid,” sambit ni Sonia.

Imbes na matuwa ay nag-walk out itong si Annie! Agad siyang pumunta sa silid at saka padabog na sinara ang pinto.

Agad naman siyang sinundan ng ama.

“Alam mo naman kung gaano namin kanais na magkaroon ka ng kapatid. Ayaw mo ba no’n, may makakasama ka na bukod sa amin? May makakalaro ka at makakausap palagi,” paliwanag ni Fred.

“Daddy, hindi ko kailangan ng kapatid! Kaya po ba kayo nag-ampon ay dahil hindi na kayo masaya sa akin? Ayos naman po tayong tatlo, ‘di ba? Ayaw n’yo na pa ba sa akin?” tanong naman ni Annie.

“Hindi, anak! Kahit kailan ay hindi ka mapapalitan sa puso namin. Ngunit magiging mas masaya ang pamilya dahil narito na ang nakababatang kapatid mo. Sana naman ay huwag kang mag-isip ng ganyan. Ikaw pa rin ang panganay namin, anak. Walang magbabago sa pagmamahal namin sa iyo,” paliwanag pa ng ama.

Pinaghawakan ni Annie ang sinabing ito ng kaniyang daddy. Ngunit napapansin niyang hindi na tulad ng dati. Mas binibigyan na ng atensyon ng kaniyang mga magulang itong si Candy.

“Anak, tara rito at tingnan mo ang ginawang drawing ni Candy. Isa tayong buong pamilya! Ang ganda, ‘di ba?” saad ni Sonia.

Ngunit umalis na lang bigla si Annie.

Isang araw ay hindi na nakapagpigil pa si Annie. Kinukulit siya kasi ng nakababatang kapatid habang abala siya sa pagbabasa ng libro.

“Umalis ka nga rito! Hindi mo ba nakita na nagbabasa ako at ayaw ko ng istorbo? Umalis ka rito sa kwarto ko!” saad pa ni Annie.

“Gusto ko lang namang maglaro tayo, ate. May binili kasing laruan sa akin si mommy at daddy. Tara at maglaro tayo, ate!” pangungulit pa ni Candy.

“Sinabi ko na ngang ayaw ko, ‘di ba? Bakit kasi hindi ka na lang bumalik sa mga totoo mong magulang? Bakit kasi sinisiksik mo ang sarili mo dito sa pamilya namin! Hindi ka namin kailangan dito! Lalong-lalo na at hindi kita kailangan. Kaya ka siguro tinapon ng mga magulang mo ay dahil ayaw nila sa iyo!” bulyaw pa ng panganay.

Ang hindi alam ni Annie ay narinig ng kaniyang mga magulang ang lahat ng kaniyang sinabi.

“Annie, bakit mo pinagsasalitaan ng hindi maganda ang kapatid mo? Nais lang naman niyang makipaglaro sa iyo. Ano ba ang masama doon?” sambit ng ina.

“Hindi tama ang ginawa at mga sinabi mo kay Candy, Annie. Humingi ka ng tawad sa kaniya!’ saad naman ng ama.

“Nang dahil lang sa batang iyan ay pagagalitan n’yo ako? Bakit kasi dumating pa siya sa buhay natin! Totoo naman ang sinabi ko mommy at daddy. Masaya naman tayo nang wala siya. Bakit kailangan n’yo pa kasing mag-ampon?! Ibalik n’yo na ‘yan sa mga tunay niyang magulang!” umiiyak na sigaw ni Annie.

Sandaling ibinilin muna ng mag-asawa si Candy sa yaya nito upang kausapin ang panganay na anak.

“Sa tingin namin ay kailangan mo nang malaman ang totoo, anak. Wala sana kaming balak na sabihin ito sa iyo ngunit kailangan na,” saad muli ni Fred.

“Annie, hindi ka tunay na nanggaling sa amin ng daddy mo. Tulad ni Candy ay inampon ka lang din namin. Kaya sana ay huwag mong pagkaitan ni Candy ng isang pamilya tulad ng ginawa namin sa iyo. Mahal na mahal ka namin ng daddy mo at hindi ‘yun magbabago. Mananatili tayong isang pamilya,” umiiyak na wika ni Sonia.

Hindi makasagot itong si Annie nang malaman ang katotohanan. Alam ng mag-asawa na masyado pa siyang bata upang maunawaan niya ang lahat ngunit hinihingi na ito ng pagkakataon.

Habang pilit na inuuwa ni Annie ang mga nangyayari ay bumalik ang lahat ng mga ginawa sa kaniya ng mga kinikilalang magulang. Mas maluwag na sa kaniyang loob ang lahat.

Pinuntahan ni Annie si Candy upang humingi ng tawad.

“Patawad, Candy, kung sinabihan kita ng mga hindi magagandang salita. Sana ay p’wede pa rin tayong maging magkapatid. Sana ay p’wede pa rin akong maging ate mo,” sambit pa ni Annie.

Napayakap na lang si Candy sa kaniya.

“Maraming salamat at natupad na ang hiling ko sa Panginoon. Meron na akong sarili kong pamilya! Ngayon ay mararanasan ko nang ang mahalin ng mga magulang ko at ng nakakatanda kong kapatid,” umiiyak sa tuwa si Candy.

Niyakap ni Annie ang kaniyang bagong nakababatang kapatid. Nang makita ng kanilang mga magulang ang nangyari ay yumakap rin ang mga ito.“Ngayon ay mas malaki na ang pamilya natin at mas lalo tayong magiging masaya. Pangako namin sa inyo na kahit hindi kayo sa amin nanggaling ay mamahalin namin kayo at hindi n’yo mararamdaman na hindi tayo magkakadugo. Tandaan n’yo na galing kayo sa puso namin ng daddy n’yo,” saad naman ni Sonia.

Mula noon ay mas naging masaya ang buhay ng mag-anak. Natanggap na rin ni Annie ang pagkakaroon ng isang kapatid. At higit na masaya siya dahil mayroon nang isang taong nariyan at palagi niyang makakasama.

Advertisement