Biglang Nawala ang Nanalong Tiket sa Lotto ng Ginoo sa Isang Inuman; Hindi Siya Makapaniwala Kung Sino ang Kumuha Nito
Masayang sinalubong ng binatang si Quintin ang amaing si Mang Rodel. Kanina niya pa kasi ito hinihintay upang sabay silang kumain. Anak sa pagkadalaga ni Pilar ang binata. Kaya nang yumao ang ginang ay naiwan na siya sa pangangalaga ng ginoo.
“Tiyong, tara po at sabay na tayong kumain. Nagpirito ako ng daing. May mainit na rin pong kape. Hindi po ba ay paborito n’yo ng nanay ko itong pagsaluhan? Tara na po at lalamig na ang pagkain,” paanyaya ni Quintin sa amain.
“Kakain ako kung kailan ko gusto! Saka huwag mo ngang pinapaalala sa akin ang nanay mo! Sapat nang iwan ka niya sa akin! Puro hirap na ang ang dinanas ko simula nang dumating siya sa buhay ko, hanggang ngayon dahil pasanin pa rin kita! Kailan mo ba ititigil ang pag-aaral mo at nang makatulong naman kita sa pagtatrabaho? Aral ka nang aral, wala ka rin namang mapapala riyan!” bulyaw ng amain.
“Tatlong taon pa po, tiyong, bago ako makatapos ng pag-aaral. Hayaan n’yo at ginagawa ko naman po ang lahat para makatapos ako. Saka kapag nakatapos ako ng pag-aaral at nakahanap ako ng trabaho ay hindi n’yo na po kailangan pang maghanapbuhay. Ako na po ang bahala sa atin,” saad muli ng binata.
“Ikaw ang bahala? Ngayon pa nga lang ay hindi ka na mapakinabangan! O siya, umalis ka na sa harapan ko at naaalibadbaran ako sa’yo! Umalis ka na at titingnan ko ang tumama sa lotto! Baka mamaya ay malasin pa ako sa ‘yo!” giit pa ni Rodel.
Ang tanging hangad lang ni Quintin ay ang mahalin rin siya ng ng amain lalo na at ito na lang ang kaniyang pamilya. Ngunit hindi siya magawang mahalin ng ginoo dahil sa isang trahedya.
Nasagaan ang ginang dahil iniligtas niya ang anak. Hindi man lang pinanagutan ng nakasagasa ang kaniyang nagawa kaya malaking pera ang ginastos ni Mang Rodel sa pagpapagamot. Subalit, hindi na rin kinaya pa ng katawan ni Pilar at tuluyan na rin siyang binawian ng buhay.
Mula noon ay naging palainom na si Rodel. Namamasada ito sa tuwing kailan lang nito gusto. Madalas ay nasa inuman lang siya kasama ang mga kaibigan. Madalas pang magsugal ang ginoo kaya madalas ay wala na itong nauuwing pera.
Nang gabing iyon ay muling tumaya ng lotto si Rodel. Nakasanayan na niya ito noon pa man dahil may inaalagaan raw siyang numero.
Isa-isang tinitignan ni Rodel ang mga tinatawag na numero sa telebisyon. Halos hindi na siya makahinga nang mapagtantong isang numero na lang at tatama na siya sa lotto.
Hanggang sa tinawag na nga ang pinakahihintay niyang numero. Hindi makapaniwala itong si Rodel dahil sa wakas, sa tagal ng kaniyang pagtaya sa lotto ay nanalo rin siya!
“Mayaman na ako! Mayaman na ako!” patuloy pagsigaw ang ginoo.
Sa labis na tuwa ay nagsisigaw sa labas itong si Rodel upang ipamalitang nanalo siya sa lotto.
Natuwa rin ang mga kamag-anak nito nang malaman ang magandang balita.
“Huwag mong kalimutan ang balato namin, a! Kailangan mo ng kasama kapag pupunta ka sa opisina para kunin ang panalo mo! Aba’y mabigat dalhin ang sampung milyong piso!” saad ng isang kaanak.
“Sa tanang buhay ko ay hindi ko inaasahan na yayaman akong bigla! Lahat ng pera na nawala sa akin ay mapapalitan na ngayon at higit pa!” saad pa ni Rodel.
Nakipag-inumang muli si Rodel nang gabing iyon dahil sa sobrang saya.
Nag-aalala naman itong si Quintin dahil sa ginagawa ng kaniyang amain.
“Tiyong, hindi kaya kailangang itago mo muna ang tiket mo sa lotto? Baka mamaya ay kung ano pa ang mangyari diyan at hindi mo pa makubra,” wika ni Quintin.
“Pabayaan mo nga ako at alam ko ang gagawin ko! Kung magsalita ka riyan ay parang ako ang tunay mong ama! Wala kang makukuha sa lahat ng yaman ko! Manigas ka riyan, ano? Do’n ka humingi sa tatay mo kung gusto mo ng pera!” galit na sambit ni Rodel.
Nang gabing iyon ay lasing na lasing si Rodel. Nagmamasid lang si Quintin.
“Ikaw, Rodel, ang tibay mo rin, ano? Hindi mo pa isauli sa tatay niya ang anak ni Pilar? Sabagay, baka hindi rin umalis ‘yan sa poder mo lalo pa at nanalo ka na sa lotto!” saad ng isang lasing na kaanak.
“Sigurado ‘yan! Baka mamaya ay bilugin pa niyan ang ulo mo para makuha niyang lahat. Ingat ka at baka kung ano ang gawin niyan sa’yo! Kahit na matagal mo nang kasama ‘yan ay hindi mo pa rin ‘yan kadugo! Sinasabi ko lang sa’yo,” saad naman ng isang pinsan.
“Kahit wala ako masyadong pinag-aralan ay hindi pa pinapanganak ang makakapanloko sa akin! Kapag nakuha ko ang pera ko ay ako mismo ang hahanap sa tatay niya at ibabato ko s’ya do’n!” natatawang sambit naman ng amain.
Inabot na ng madaling araw ang inuman at saka nagsialisan ang mga kamag-anak ni Rodel. Si Quintin naman ang naglinis ng lahat ng kalat. Siya na rin ang nagpasok sa kaniyang amain sa loob ng bahay.
Kinabukasan ay napansin ni Rodel na maagang umalis ang kaniyang mga kaanak.
“Saan kaya ang tungo ng mga ‘yun? Ang sabi nila ay sasamahan daw nila akong kumubra ng tama ko sa lotto?” pagtataka ng ginoo.
Agad niyang kinuha ang kaniyang pitaka kung saan niya nilagay ang tiket upang sulyapan muli ang kaniyang pagkapanalo. Ngunit takot na takot siya nang makitang wala na ito sa kaniyang pitaka!
“Quintin! Quintin! Nakita mo ba ang tiket ko? Ilabas mo na!” galit na galit na sigaw ng amain.
“A-ako nga po, tiyo. P-pero tinabi ko lang naman po!” paliwanag pa ng binata.
“Aba’y lintek kang talaga! Pagnanakawan mo pa ako! Siguro ay nais mong kunin ang napanalunan ko nang sa gayon ay ikaw ang magbuhay mayaman! Ang kapal ng mukha mo! Sa lahat ng ginawa ko sa iyo ay ito pa ang igaganti mo? Dapat ay ikaw na lang ang nasawi at hindi ang nanay mo!” bulyaw pa ni Rodel.
Pinagbuhatan ng kamay ni Rodel itong si Quintin. Iyak nang iyak naman ang binata habang nagmamakaawa sa amain. Sa sobrang galit ng ginoo ay ayaw niyang tigilan ang binata.
Hanggang sa biglang nariyan na ang pinsan ni Rodel at sinusugod siya.
“Baliw ka rin, ano, Rodel? Ang sabi mo sa amin ay nanalo ka sa lotto. Pero napahiya lang kami sa tanggapan. Walang ni isang numero ang tumama sa tiket mo!” sambit ng pinsan.
“B-bakit? Anong tiket? Hindi ko maunawaan? Paanong mapapasainyo ang tiket?” pagtataka ni Rodel.
“Tiyong, ako na po ang magpapaliwanag kung bakit nasa akin ang tiket n’yo! Kagabi po ay narinig ko ang mga pinsan ninyo na lalasingin daw kayo at kukunin ang tiket niyo sa lotto. Kaya nang makakita ako ng pagkakataon ay pinalitan ko ng lumang tiket na nasa loob ng pitaka ninyo. Iyon marahil ang nakuha nila. At dahil sa sobrang pagkasabik ay hindi man lang nila sinugurado kung tama ang tiket na nasa kanilang kamay. Itinago ko ang tiket ninyo. At habang lasing na lasing kayo ay sinulat ko ang pangalan ninyo, saka ko kayo pinapirma. Nang sa gayon ay hindi manakaw muli sa inyo ang tumatamang tiket,” pahayag pa ng binata.
Nang marinig ni Rodel ang tunay na pangyayari ay labis ang kaniyang pagsisisi sa pangugulpi sa binata. Hindi niya kasi akalain na nagmamalasakit lamang pala ito.
“Hindi ko po kayo magagawan ng masama dahil kahit ayaw ninyo sa akin ay tunay na ama ang turing ko sa inyo. Ipinangako ko po kay nanay na hanggang pagtanda ninyo ay ako ang mag-aalaga sa inyo,” umiiyak pang wika ni Quintin.
Napayakap si Rodel sa binata at patuloy ang paghingi ng tawad. Napagtanto ni Rodel ang lahat ng magagandang bagay na ginawa para sa kaniya ng anak-anakan.
“Patawarin mo ako, Quintin! Matagal na panahon akong nagpabulag sa galit at kalungkutan ko! Ni hindi ko man lang napahalagahan ang pagmamalasakit mo sa akin. Simula ngayon ay pinapangako kong magiging mabuti na akong ama sa iyo. Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako!” pagsusumamo naman ni Rodel.
Tuluyan na ngang nagkapatawaran ang dalawa.
Sa kabilang banda naman ay nakuha na ni Rodel ang kaniyang panalo sa lotto. Tuluyan na nilang nilayuan ang mga kaanak na manloloko at namuhay sila ni Quintin na magkasama.
Mula noon ay naging maayos na ang pagsasama ng dalawa. Masaya na si Quintin dahil maayos na ang pakikitungo sa kaniya ng amain. Masaya si Quintin hindi dahil sa yaman na mayroon sila ngunit dahil sa wakas ay may matatawag na siyang ama.