Agad na Niyaya ng Dalaga ang Kaniyang Blind Date ng Kasal; Ang Lahat pala ay Magtatapos din sa Simbahan
Patuloy ang pagtunog ng telepono ng dalagang si Lindsey pero wala siyang balak na sagutin ito. Nakasalampak siya sa sahig ng kaniyang madilim na silid at walang habas ang pag-iyak at pag-inom ng alak. Dahil nag-aalala na ang nakababatang kapatid na si Roxanne ay agad nitong pinuntahan ang kaniyang ate.
Nadatnan ni Roxanne ang nakatatandang kapatid sa ganoong kalagayan.
“Ate, hanggang ngayon ba ay sinisira mo pa rin ang buhay mo nang dahil lang kay Kuya Joshua? Tanggapin mo na kasing hindi na siya babalik pa! Saka gugustuhin mo pa bang makasama ang isang lalaking paulit-ulit kang niloko? Buksan mo naman ‘yang isip mo!” sambit pa ng dalaga.
Tila hindi naman nakikinig itong si Lindsey. Patuloy ang pagsasalin niya ng alak sa baso. Kaya naman inawat na ito ng kapatid.
“Akin na nga iyan! Ikaw ang tumigil, Roxanne! Hindi mo ako nauunawaan kaya huwag mo akong pakialaman! Hindi mo basta maibabasura ang pitong taon! Pitong taon, Roxanne!” umiiyak na sigaw ni Lindsey.
“Iyon nga, e! Pitong taon kayo pero niloko ka pa rin niya. Hindi lang isang beses, ate. Paulit-ulit! Pagmamahal ba ang tawag do’n? Tigilan mo na ‘yang pag-inom mo kasi! Tingnan mo ang sarili mo! Hindi na rin alam nila mommy at daddy ang gagawin sa’yo. Huwag mo naman silang bigyan ng sama ng loob, ate. Bakit mo hinahayaan na nagpapakasaya ‘yung lalaking iyon habang ikaw ay nagpapakalugmok rito?!” wika naman ni Roxanne.
“Hindi madaling kalimutan ang lahat ng pinagsamahan namin, Roxanne. Ang akala ko talaga ay siya na ang para sa akin. Paano kaya niya nagawa sa akin ang ganito?!” pagtangis pa ng dalaga.
“Mahal ka namin, ate. Narito kami para sa iyo. Tutulungan ka naming makalimot. Basta tulungan mo rin ang sarili mo,” dagdag ng kapatid.
Niyakap nang mahigpit ni Roxanne ang umiiyak na kapatid. Batid niyang hindi magiging madali ang paglimot nito ngunit sinigurado niyang nariyan siya palagi para sa kaniyang ate.
Ilang araw ang nakalipas ay hindi na umiinom ng alak si Lindsey. Madalas na rin itong sumama sa lakad ng kanilang pamilya. Masayang-masaya naman ang kanilang mga magulang dahil matagal din nilang hindi nakasama ang panganay.
Habang nagkakatuwaan ay napansin ni Roxanne na tila tulala na naman ang kaniyang Ate Lindsey at mukhang malalim ang iniisip.
“Si Kuya Joshua na naman ang iniisip mo, ano? Ate, tulungan mong makabangon ang sarili mo. Alam kong hindi madali pero umpisahan mo nang kalimutan siya,” sambit pa ng kapatid.
Sa pangamba ni Roxanne na hindi na makakalimot ang kapatid ay pilit niya itong hinanapan ng bagong ka-date. Naalala niya ang dating manliligaw ng kaniyang Ate Lindsey, si Gilbert. Ayaw nga lang dito ng kaniyang ate dahil nga probinsyano. Pero natitiyak niya na may pagtingin pa rin ito sa kaniyang nakatatandang kapatid.
Abala sa kaniyang selpon itong si Lindsey nang sabihin sa kaniyang ate ang balak niya tungkol sa isang blind date. Hindi pa man niya nasasabi ang kabuuan nito ay nagulat siya nang pumayag agad ang kaniyang ate.
“Sige, sabihin mo lang sa akin kung saan at darating ako. Basta, siguraduhin mo lang na maayos na lalaki ‘yan, a! Nagsasawa na ako sa mga lalaking manloloko. Sabagay, pare-pareho lang naman ang mga lalaki. Magaling lahat sila sa umpisa!” saad ni Lindsey.
“Ibahin mo ang isang ito, ate. Sa tingin ko nga ay mas bagay kayo. At sa tingin ko rin ay mas magiging maligaya ka sa kaniya dahil siguradong sigurado ako na mahal ka niya,” wika naman ni Roxanne.
Dumating nga ang araw ng blind date.
Nagulat si Lindsey na makita ang dating manliligaw na si Gilbert.
“Hindi ko rin alam kung bakit nagulat pa akong makita ka rito. Noon pa man ay ikaw na ang gusto ni Roxanne para sa akin,” saad ni Lindsey.
“Masaya ako nang tawagan ako ng kapatid mo. Hindi naman ako nagmamadali, Lindsey, kasi alam kong naghihilom pa ang puso mo. Pero gusto ko lang malaman mo na handa akong maghintay. Handa akong maging sandigan mo hanggang sa tuluyan ka nang makalimot sa pait ng sinapit mo sa dati mong relasyon,” saad naman ni Gilbert.
Mula nang araw na iyon ay lagi nang dinadalaw ni Gilbert itong si Lindsey. Mabait naman ang binata at talagang mahal nito ang dalaga. Ngunit hindi alam ni Lindsey kung bakit marami pa ring katangian ni Joshua ang kaniyang hinahanap-hanap.
Isang araw ay tinawagan ni Lindsey itong si Gilbert upang sila ay magkita. Nais daw kausapin ng dalaga ang kaniyang manliligaw.
“Gilbert, hindi na ako mag paligoy-ligoy pa. Sinasagot na kita. Ngayong araw na ito ay nobya mo na ako,” saad ng dalaga.
Nanlaki ang mata ni Gilbert sa pagkabigla. Ngunit walang paglagyan ng kaniyang kasiyahan dahil sa wakas ay magkasintahan na sila ni Lindsey.
“Sigurado ka ba? Baka naman nabibigla ka lang, Lindsey. Bawiin mo na agad kung hindi ka seryoso!” saad pa ng binata.
Ngunit seryoso itong si Lindsey.
Sa kanilang relasyon ay trinato ni Gilbert ang dalaga na parang isang reyna. Espesyal ang trato niya rito. Lagi siyang nariyan kung kailangan siya ng nobya. At higit sa lahat ay walang makakapantay sa pagmamahal niya para sa dalaga.
Hanggang sa isang araw ay bigla na lang ulit kinausap ni Lindsey si Gilbert at nagyaya ng kasal.
“Nasa tamang edad naman na tayo, Gilbert. Saka mahal mo naman ako, ‘di ba? Wala naman sa tagal ng pagsasama ‘yan. Ayaw mo bang magpakasal sa akin?” tanong ni Lindsey sa binata.
“H-hindi naman sa ganoon, Lindsey. Baka lang kasi nabibigla ka. Ayaw mo ba akong mas makilala pa? Pero seryoso naman ako sa iyo at talagang noon pa man ay ikaw na ang laman ng puso ko, alam mo naman ‘yan,” tugon naman ni Gilbert.
“E ‘di, pakasalan mo na ako! Kung ayaw mo ay hahanap na lang ako ng ibang pakakasalan,” biro pa ni Lindsey.
Nang araw na iyon ay parang nanalo sa lotto itong si Gilbert. Agad na inayos ng dalawa ang kanilang kasal. Masaya naman ang kapatid na si Roxanne dahil sa wakas ay naka-move on na ang kaniyang ate.
Sumapit ang araw ng kasal ng magkasintahan. Habang isinusuot ni Lindsey ang kaniyang trahe de boda ay napansin ng kapatid ang patuloy nitong pag-iyak.
“Luha ba ‘yan ng kaligayahan, ate? Kasi parang malungkot ka,” saad ng dalaga.
“Roxanne, alam kong mali pero umaasa pa rin ako na sa pagpunta ko ng simbahan ay si Joshua ang naghihintay sa akin. Siya pa rin ang gusto kong mapangasawa,” umiiyak na sagot naman ni Lindsey.
“P-pero, hindi ba’t ayos naman kayo ni Kuya Gilbert? Hindi ba’t nagmamahalan kayo? Kaya nga kayo magpapakasal, ‘di ba?”
“Ginawa ko lang naman ang lahat ng iyon dahil nakita ko si Joshua sa social media na engaged na siya sa kaniyang kasintahan. Kaya naisip ko na kung magpapakasal din ako ay iisipin niyang nakalimutan ko na siya. Pero sino ba ang niloloko ko?” pagtangis ng dalaga.
Habang nag uusap ang magkapatid ay bigla na lang dumating si Joshua.
“A-anong ginagawa mo rito, Kuya Joshua? Hindi ka p’wede rito dahil kasal ng ate ko ngayon!” sambit ni Roxanne.
“Narito ako para pigilan ang kasal ng ate mo. Ako ang mahal niya at mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Walang ibang pakakasalan ang ate mo kung hindi ako!” sambit naman ni Joshua.
“Ate, anong ibig sabihin nito? Sasama ka ba sa kaniya? Paano na ang kasal? Paano na si Kuya Gilbert?”
“Roxanne, ikaw na ang bahalang magsabi sa kanila. Napag-usapan na namin ito ni Joshua. Magpapakalayu-layo na lang muna kami nang hindi tayo pagpyestahan ng madla. Sabihin mo kay Gilbert na humihingi ako ng tawad kung ginamit ko siya,” sambit pa ni Lindsey.
“Pero, ate, mahal ka ni Kuya Gilbert. Niloko ka na ng lalaki na ‘yan. Sigurado akong uulitin lang din niya ‘yon! Huwag ka nang magpaloko sa kaniya!” dagdag pa nI Roxanne.
Subalit hindi na talaga nagpapigil itong si Lindsey at tuluyan nang sumama kay Joshua.
Hindi man alam ni Roxanne kung paano sasabihin sa lahat ang nangyari ay wala rin siyang magawa. Kung ano ang saya ni Gilbert nang sagutin at ayain siya ni Lindsey na magpakasal ay para namang pinagsakluban ng langit at lupa ang nararamdaman niya ngayon dahil sa pang-iiwan sa kaniya ng mapapangasawa.
Lumipas ang panahon at ang akala ni Lindsey ay tuluyan nang nagbago si Joshua hanggang isang araw ay nakita niya ito sa piling ng ibang babae. Ang mas malupit pa ay nalulong na rin ito sa masamang bisyo at sugal. Parati rin siya nitong sinasaktan.
Dahil sa patuloy na pangyayari ay napilitan rin si Lindsey na makipagkalas kay Joshua. Naiisip niya ang mga panahon na magkarelasyon pa sila ni Gilbert. Kung paano siya itrato nito at pahalagahan.
Nagbalik sa kanilang tahanan si Lindsey. Dahil napagtanto niyang mahal niya si Gilbert ay nakipag-usap siya rito at nakiusap na magkita sila.
“Sige, puntahan mo ako sa simbahan kung saan mo ako iniwan noon,” saad naman ng binata.
Sabik na sabik itong si Lindsey dahil sa wakas ay nahanap na niya ang lalaking para sa kaniya. At handa pa siya nitong patawarin sa kabila ng kaniyang mga nagawa.
Pagpasok ni Lindsey sa simbahay ay may nagaganap na kasalan. Nagulat siya nang makitang si Gilbert pala ang lalaking ikinakasal. Napaluha na lang ang dalaga dahil sa pagkakataong ito ay napagtanto niya ang lahat.
“Kaya mo ako pinapunta rito ay dahil para ipamukha sa akin ang pang-iiwan ko sa iyo noon? Para iparamdam mo sa akin kung ano ang naramdaman mo nang talikuran ko ang ating kasal?” saad ni Lindsey kay Gilbert.
“Hindi, Lindsey. Ayaw naman talaga kitang papuntahin pero mapilit ka. Naisip ko lang na tama rin na makita mong kasal na ako upang mabigyan na ng tuldok ang lahat ng nangyari sa nakaraan. Napatawad na kita, Lindsey. Masaya na ako ngayon sa asawa ko. Sana ay maging masaya ka rin sa susunod mong mamahalin. Hangad ko ang kaligayahan mo,” saad naman ni Gilbert.
Labis na panghihinayang ang naramdaman ni Lindsey lalo na nang makita niya ang trato ni Gilbert sa kaniyang napangasawa. Dapat ngayon ay sila sana ang masayang magkasama kung hindi siya muling nagpabulag sa dating kasintahan.