Napansin ng Ina na Ayaw Kainin ng Anak ang Pagkaing In-order sa Mamahaling Restawran; Magugulat Siya sa Sasabihin Nitong Dahilan
Matagal na pinag-ipunan ng mag-asawang Joy at Noli ang ikapitong kaarawan ng kanilang nag-iisang anak na si Joly. Balak kasi nila itong dalhin sa isang magarang restawran na ngayon ay sikat na sikat sa mga bata dahil sa masasarap daw na pagkaing talagang patok sa mga nasa ganitong edad.
“Talaga po, mama? Pupunta po tayo roon?” tuwang-tuwang tanong pa ni Joly sa kaniyang mga magulang na masaya rin namang tinanguan ng mga ito. “Yehey!” dagdag pa ng nasasabik na bata na ikinahagikhik ng dalawa.
Pagkarating nila sa naturang kainan ay agad na naupo ang tatlo sa kanilang napusuang mesa at nagsimula na silang um-order ng kanilang mga pagkain. Hindi naman nagtagal ay dumating din nang mabilis ang kanilang order, patunay na talagang maganda ang serbisyo sa kainang ito.
“Mama at papa, salamat po sa pagkaing ibinigay n’yo sa akin. Sobrang saya ko po ngayong birthday ko,” makabagbag damdaming ani Joly sa kaniyang mga magulang na halos magpaluha naman sa mga ito dahil sa labis na tuwa. Bihira na lang kasi ang anak na mapagpasalamat kahit sa mga kaunting bagay na ibinibihay sa kaniya.
“Walang anuman ’yon, anak. Ito na nga lang ang p’wede naming iregalo sa ’yo, e,” sabi pa ni Noli sa anak.
“Kain ka na, anak,” singit naman ni Joy.
Ilang minuto nang nakahain ang pagkain sa harap ng mag-anak ngunit ipinagtataka ng mag-asawa nang mapansing tila hindi ginagalaw ng kanilang anak ang pagkain nito. Bagkus ay kanina pa ito nakatulala sa labas habang hawak ang tinidor at inilalaro-laro ’yon sa kaniyang pagkain. Bakas din ang lungkot sa mukha nito at agad iyong ipinag-alala ng mag-asawa.
“Anak, bakit hindi mo ginagalaw ’yang pagkain mo? Saka bakit parang ang lungkot mo?” tanong ni Joy sa anak na halata ang pag-aalala sa tinig.
“Kasi po, naisip ko lang mama, kawawa naman po ’yong lolo doon sa labas. Kanina pa siya nanghihingi ng pagkain sa mga dumaraan pero wala naman pong nagbibigay sa kaniya,” direktang sagot naman ni Joly na ikinagulat nila. May luha sa mga mata ng bata, patunay na talagang nahahabag itong makita ang sinasabi nitong matanda na nilingon din naman ng mag-asawa. “Mama, Papa, p’wede po bang ibigay ko na lang itong pagkain ko sa lolo? Please po, birthday ko naman po, e,” pakiusap ng bata sa kanila.
Dahil doon ay nagkatinginan ang mag-asawa. Tila ba nag-usap ang kanilang mga isipan at animo nararamdaman nila ang pagtalon ng kaniya-kaniya nilang mga puso dahil sa sobrang saya.
Walang ibang nagawa si Noli kundi ang mapatango na lang sa hiling ng anak dahil hindi niya alam ang sasabihin. Sa totoo lang, pakiramdam nila ay naging napakaganda ng pagpapalaki nila sa kanilang anak dahil natuto itong magkaroon ng simpatya sa ibang tao kahit sa murang edad pa lang nito.
Ganoon na lang ang tuwa ni Joly sa naging tugon ng kaniyang ama. Dali-dali itong tumayo, dala ang kaniyang plato na may lamang pagkaing hindi pa nito nagagalaw upang ibigay iyon sa nasabing matanda na halos hindi makapaniwalang isang batang babae pa ang nagpakita sa kaniya ng awa! Maya-maya ay bumalik pa si Jolly sa kanilang mesa para lang kunin, maging ang kaniyang inumin at ibinigay iyon sa matanda. Natawa pa ang mag-asawa sa pagitan ng kanilang pagluha.
“Hindi ko alam kung paano magpapasalamat sa Diyos. Napakabuti ng anak natin, mahal,” naiiyak na ani Noli sa asawa na ngayon ay kaakbay niya.
“Iyon ay dahil naging mabuti tayong ehemplo sa kaniya, mahal. Tayo ang nagpalaki sa batang ’yan, o! Anak natin ’yan!” tuwang-tuwang tugon naman ni Joy.
Lingid sa kanilang kaalaman ay nasaksihan ng may-ari ng restawran ang kabutihang ipinakita ni Jolly sa matanda sa labas, kaya naman bilang reward ay ipinahain nito sa kanilang harapan ang karamihan sa pinakamamahaling pagkain sa kainang iyon na siyang maaaring pamilian ni Joly! Naging napakamemorable ng araw na iyon, dahil sa ginawa ng bata.
Hindi akalain nina Joy at Noli na imbes na sila ay ang anak pa nila ang magbibigay sa kanila ng magandang regalo nang araw na ’yon. Talagang ipinagpapasalamat nila sa Diyos na ibinigay Nito sa kanila ang isang anak na ’tulad ni Jolly. Dahil doon ay lalo pa nilang pinagbuti ang pag-aalaga sa bata. Pinalaki nila ito sa isang tahanang puno ng pagmamahal at pagbibigayan.