Maaga Nilang Pinagplanuhan ang Bakasyon Nila sa Boracay; Makasama pa kaya Nila si Bunso sa Bakasyong Iyon?
Disyembre pa lang, pinlano na ng ginang na si Mildred kasama ang kaniyang asawa at tatlong mga anak na dalaga ang gagawin nilang pagbabakasyon sa Mayo at kanilang napagdesisyunang sa Boracay nila ipagdiriwang ang pagtatapos ng pag-aaral ng kaniyang bunsong anak.
“Sigurado po ba kayo, mommy? Malaki-laki ang magagastos natin doon!” pag-aalinlangan ng kaniyang anak.
“Oo naman, anak! Hindi natin pupwedeng hindi ipagdiwang ang tagumpay mo! Kaya, mag-aral kang mabuti, ha, at ipasa ang huling semestre para maging isang ganap ka nang abogado!” sabi niya rito na talagang sinang-ayunan ng kaniyang asawa.
“Opo, mommy! Pangako ko po sa inyong lahat ‘yan! Kapag naging abogado na ako, ako naman po ang magbabayad ng lahat ng gagastusin natin sa pagbabakasyon natin sa malayo at magandang lugar!” pangako pa nito na labis niyang ikinatuwa dahilan para kaniya itong mayakap nang mahigpit.
Hindi nga siya binigo ni minsan ng anak niyang ito. Lahat ng pagsusulit nito sa semestreng iyon, lahat ay pasado at kung minsan pa, perpekto ang iskor nito kaya ganoon na lang siya nakakasiguradong magiging isang magaling na abogado ang kaniyang anak.
Bago ang buwan ng Mayo, tuluyan ngang nakapagtapos ng kolehiyo ang kaniyang anak. Ngunit kasabay noon ay ang sandamakmak na pagdiriwang na gusto nitong puntahan kasama ang mga naging kaibigan sa kolehiyo.
“Wala namang problema sa akin kung gagala ka kasama ang mga kaibigan mo basta, anak, siguraduhin mo lang na makakauwi ka nang ligtas, ha?” bilin niya rito, isang umaga bago ito umalis sa kanilang bahay upang magpunta sa Antipolo kasama ang mga kaibigang naghihintay na sa labas ng kanilang bahay.
“Opo, mommy! Magbabakasyon pa po tayo sa katapusan ng Mayo, eh!” masaya nitong tugon saka agad nang humalik sa kaniya at umalis sa kanilang bahay.
Ngunit, kahit pa ganoon ang sinabi ng kaniyang anak, hindi niya pa rin maiwasan ang hindi mag-alala rito. Kaya naman, kahit tatlong oras pa lang itong nawawala sa kaniyang tabi, agad na siyang nagdesisyong tawagan ito.
Ilang beses niyang tinangkang tawagan ito ngunit kahit isang beses, hindi siya sinagot ng kaniyang anak.
“Baka naman nagdiriwang pa sila, mahal, kumalma ka lang,” pagpapakalma ng kaniyang asawa saka hinimas ang kaniyang likuran.
“Hindi, eh, iba ang nararamdaman ko. Parang bang may nangyaring hindi…” hindi niya pa natatapos ang sasabihin agad nang sumigaw ang kaniyang panganay na anak habang papalit sa kanilang mag-asawa.
“Mommy! Tumawag sa akin ang isa sa mga kaibigan ni bunso, nahulog daw sa bangin ang sinasakyang kotse…” sambit nito na agad niyang ikinaluha.
Maya maya pa, nakatanggap na siya ng tawag mula sa mga rescuer at pinaalam sa kanilang pamilya na wala na ang kanilang bunsong anak.
“Magbabakasyon pa kami sa Boracay!” sigaw niya habang umiiyak.
Malamig na ang katawan ng kaniyang anak nang dumating sa kanila. Kanila itong binurol at agad na ring nilibing pagkalipas ng tatlong araw.
“Napakabata pa ng anak ko para mawala,” sabi niya habang pinagmamasdan ang puntod nito.
“Marami naman po siyang natulungan katulad ko. Niligtas niya po ako mula sa depresyon noong mga araw na palagi akong bagsak sa mga pagsusulit. Sobrang bait po ng anak niyo, sa murang edad niya, marami na siyang buhay na nabago,” sabat ng isa sa mga kaklase nitong dumalo sa libing nito na talagang ikinataba ng puso niya.
“To-totoo ba ‘yan?” tanong niya habang nangngingilid ang mga luha.
“Opo, sigurado rin po akong gusto niyang ituloy niyo ang pagpunta niyo sa Boracay. Ipagdiwang niyo po roon hindi lang ang pagtatapos niya, kung hindi pati na rin ang magandang buhay na naranasan niya sa mundong ito,” sabi nito saka siya niyakap na talagang ikinaiyak niya maigi.
Agad niyang sinabi sa kaniyang asawa’t mga anak na naghihintay na sa sasakyan ang balitang natanggap. Lahat ng ito ay humagulgol din dahil sa magkahalong tuwa at lungkot na nararamdaman.
“Siguro nga, tapos na ang misyon ng anak natin dito sa lupa kaya kinuha na agad siya. Ang sarap naman sa pakiramdam na magkaroon ng isang anak na kahit wala na, nananatili pa rin sa puso ng mga natulungan niya,” hikbi ng kaniyang asawa dahilan para silang lahat ay magyakapan.
Tinuloy nga nila ang pagbabakasyon sa Boracay. Kulang man na sila ngayon, alam niyang nasa kani-kanilang mga puso pa rin ang bunso nilang may mabuting puso.
“Anak, hindi mo man natupad ang pangako mong ikaw ang manlilibre sa amin sa susunod na bakasyon natin, alam kong masaya ka kung saan ka naroroon dahil sa kabutihang taglay mo,” bulong niya sa hangin habang ninanamnam ang hampas ng alon sa kaniyang mga paa.