Inday TrendingInday Trending
Dalawang Daang Piso Lang ang Kita ng Matanda; Ibibigay Niya Pa Kaya Ito sa Dalagang Nakasasakyan na Nangangailangan?

Dalawang Daang Piso Lang ang Kita ng Matanda; Ibibigay Niya Pa Kaya Ito sa Dalagang Nakasasakyan na Nangangailangan?

Tumanda na sa pagtitinda ng kakanin si Lolo June. Paulit-ulit man ang kaniyang ginagawa sa araw-araw, ni minsan, hindi siya nagsawa, o kahit tinamad man lang sa gawain niyang ito dahil ito lamang ang tangi niyang pinagkakakitaan na sumasagot sa pang-araw-araw na pagkain at ilang pangangailangan ng mga inampon niyang batang lansangan.

Wala man siyang sariling pamilya na mula sa laman at dugo niya, wala pa ring mas sasaya pa sa kaniya tuwing nakakasama niya ang mga batang higit sa ama at bayani ang turing sa kaniya.

Ang limang batang lansangan na kaniyang kinupkop ay ang mga batang dating nagloloko at nagnanakaw ng kaniyang mga kakanin. Kukwentuhan siya nang kukwentuhan ng mga ito at kapag napasarap na ang kaniyang pakikipagkwentuhan, doon na siya sasalisihan ng mga ito.

Ganoon pa man, napamahal na siya sa mga batang iyon dahil sila lang ang tanging nagbigay ng oras sa kaniya upang makipagkwentuhan. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya nagdesisyong kupkupin at tugunan ang pangangailangan ng mga ito kahit siya’y may kahinaan na.

Sabi ng iba, tila niluluto niya raw sa sarili niyang mantika ang sariling buhay at isa raw kahibangan ang desisyon niyang kupkupin ang mga ito, sigurado siyang mababago niya ang ugali ng mga batang ito.

Tila hindi nga siya nagkamali dahil isang buwan lang ang lumipas, ang mga batang dating nagnanakaw at nanlilinlang ay naging matulungin at mabait sa lahat ng taong nakakasalamuha.

Natuto ring magtrabaho ang dalawang nakatatanda at natutong magbenta ng kalakal ang tatlo pang bata na labis niyang ikinatuwa dahil bukod sa nagbago nga ang mga ito simula nang tulungan niya, nakakapag-ipon pa ang mga ito para sa kani-kanilang pag-aaral.

Kahit pa alam niyang may sari-sarili nang pinagkakakitaan ang mga batang ito, hindi niya nagawang magdamot dito. Ang kita niya sa isang araw na dalawang daang piso ay agad niyang binibili ng bigas at ulam na pagkakasiyahin nilang anim sa buong araw.

Isang gabi, pagkatapos na pagkatapos niyang maglako, agad na rin siyang nagpasiyang umuwi upang mapakain na ang mga batang tiyak, naghihintay na sa kaniya.

Kaya lang, habang siya’y naglalakad, may isang sasakyan ang tumigil sa harapan niya. Agad na bumaba ang dalagang drayber nito saka siya nilapitan.

“Tatay, baka po mayroon kayong tatlong daan piso riyan. Ipapaayos ko lang po ang sasakyan ko roon sa talyer. Naiwan ko po kasi ang wallet ko at wala akong…” hindi pa nito tapos ang sinasabi, agad na niyang nilabas ang pera niya.

“Ito, hija, dalawang daang piso lang ang kita ko, eh. Ayos na ba ito?” tanong niya rito.

“Opo, Diyos ko! Marami pong salamat! Ang dami ko nang nilapitan pero kayo lang po ang nagbigay sa akin! Pangako, ibabalik ko po ‘to!” mangiyakngiyak na sambit nito dahil sa tuwa.

“Naku, huwag na! Sige na, ipaayos mo na ang sasakyan mo bago pa lumalim ang gabi!” payo niya rito na agad nitong sinunod.

“Hahanapin ko po kayo, pangako! Babawi po ako sa inyo!” pahabol pa nitong salita saka agad na siyang iniwan sa daan.

Hindi man niya alam kung saan kukuha ng mapapakain sa mga batang naghihintay sa kaniya sa bahay, pinakiusapan niya na lamang ito pagkauwi niya.

“Pasensya na, walang kita si Lolo June ngayon. Pupwede bang bukas na tayo kumain?” bungad niya sa mga ito.

“Wala pong problema, Lolo June! Sanay naman po kami sa ganito!” masayang sabi ng mga bata saka agad nang nagpahinga.

Lungkot man ang bumalot sa puso niya nang gabing iyon dahil nga wala siyang mapakain sa mga bata, alam niyang tama ang ginawa niyang pagtulong sa dalaga.

Kinabukasan, nagising siya sa sigawan ng mga batang nasa tapat ng kaniyang bahay dahilan para siya’y lumabas at tingnan kung anong pinagkakaabalahan ng mga ito.

Paglabas niya, siya’y labis na nanghina nang sandamakmak na grocery items, bigas, at motorsiklo ang nasa tapat ng bahay niya!

“Sabi ko po sa inyo, tatay, hahanapin ko po kayo!” sabi ng dalagang tinulungan niya kagabi na kaagad na ikinabagsak ng luha niya.

“Maraming salamat, hija,” iyak niya.

“Kulang pa po ‘yan, tatay. Alam kong iyon lang ang tangi niyong pera kagabi pero hindi pa rin kayo nagdalawang-isip na tulungan ako. Para lubos pa po akong makabawi sa inyo, ipapasok ko po sa paaralan ang mga alaga niyo,” nakangiti nitong sabi na talagang ikinaupo niya na sa sobrang saya.

Simula noon, hindi na siya naghirap sa paglalakad sa kanilang buong lalawigan para makapagtinda. Gamit na niya ang motorsiklong bigay ng dalaga na nakapagbigay ng malaking alwan para sa isang matandang katulad niya.

“Kapag talaga kabutihan ang pinairal mo, hinding-hindi ka pagdadamutan ng tadhana,” sabi niya sa sarili habang nagmomotorsiklo patungo sa barangay na pagtitindahan niya.

Advertisement