Magaspang ang Ugali Niya sa Sekretarya; Natauhan Siya nang Makita Kung Paano Tratuhin ng Iba ang Kaniyang Asawa
“Sophie!” inis na tawag ni Joan sa kaniyang sekretarya.
Taranta naman itong napasugod sa opisina niya, bahagya pang hinihingal.
Galit na ibinato niya sa babae ang hawak niyang folder. Kung hindi ito nakaiwas ay malamang nasapol ito sa mukha.
“Bakit po, M-madam?” gulantang na usisa nito.
“G*ga ka kasi! Mali na naman ang ginawa mong report! Gusto mo na tanggalin na talaga kita?” nandidilat na sikmat niya sa babae.
Nanginginig ang kamay nito nang damputin ang hinagis niyang folder.
“Ma’am Joan! Sorry po! Aayusin ko na po ito!” anito bago nagmamadaling lumabas ng opisina niya.
Naiwang nagpupuyos sa galit si Joan. Paano ba naman, ilang buwan na rin sa kaniya ang sekretarya, pero hindi pa rin nito magawa nang tama ang trabaho!
“Kaunti na lang talaga ay sisisantehin ko na siya!” gigil na bulong niya. Kung hindi lang mahirap humanap ng kapalit ay talagang ora-orada ay aalisan niya ito ng trabaho!
Napairap na lang siya nang makita niya na pasimple itong nagpunas ng luha.
“Tatang*-tang* tapos iiyak kapag napagalitan!” sa isip-isip niya.
Bahagya lamang siyang kumalma nang marinig ang tunog ng cellphone niya. Nakita niya na tumatawag ang asawa niya.
“Mahal, happy anniversary!” masiglang bungad nito.
Napangiti siya sa narinig.
Gaya niya ay isa ring engineer ang asawa. Ilang beses niya itong pinilit na magtrabaho na lang sila sa isang kompanya ngunit matigas ang pagtanggi nito. Hindi niya alam kung bakit.
“Happy anniversary, mahal!” aniya.
“Hintayin mo ang regalo ko,” malambing na wika nito.
May nadama siyang hiya. Hindi man lang kasi siya nakapaghanda ng kahit na anong regalo para rito.
llang sandali pa ay sumungaw na sa pinto niya si Sophie.
“Ma’am, delivery po…” kiming sabi nito bago ipinatong sa mesa niya ang bungkos ng bulaklak at isang kahon ng paborito niyang tsokolate.
Galak na galak si Joan. Napaka-sweet talaga ng asawa niya.
“Mahal, nakuha ko na ang regalo. Maraming salamat,” aniya sa asawa.
“O sige. Kita na lang tayo mamaya sa bahay. I love you,” anito bago ibinaba ang tawag.
Sinamyo niya ang sariwang rosas. Palabas na sana ang sekretarya niya nang isang ideya ang pumasok sa isip niya.
“Sophie, ano ang schedule ko?” mataray na usisa niya sa babae.
Taranta nitong binuklat ang hawak na notebook.
“May meeting po kayo, pero mamaya pang alas tres,” anito.
Kumislap ang mata ni Joan. Tamang-tama pala! Pwede niyang sorpresahin ang asawa at dalhan ito ng pagkain sa opisina.
“Um-order ka nga sa paborito kong restawran. Dadalhan ko ng pagkain ang asawa ko,” utos niya sa sekretarya, na agad nitong sinunod.
Kalahating oras lang ay bumalik na ito, dala ang pagkain. Nakatungo lang ito, halos hindi masalubong ang mata niya. Marahil ay nag-iingat na magkamali.
Inirapan niya ang babae at kinuha mula rito ang pagkain.
“Aalis muna ako. Ayusin mo ang report dahil titingnan ko ‘yan pagbalik ko,” bilin niya sa sekretarya.
“Opo, Madam,” maamong sagot nito.
Habang nagmamaneho si Joan papunta sa opisina ng asawa ay hindi maalis ang ngiti sa labi niya. Tila nakikita niya na ang malawak na ngiti ng asawa niya dahil sa sorpresa niya.
Ngunit nang makarating siya sa opisina ng asawa, imbes na ito ang nagulat ay siya ang nasorpresa. Isang tagpo kasi ang dumurog sa puso niya.
“T*nga ka! Hindi mo ginagawa nang maayos ang trabaho mo, kaya nalugi tayo!” sigaw ng boss nito.
Yukong-yuko ang asawa niya habang dinuduro ito ng nakatataas. Mas lalo pang sumakit ang loob niya nang paulit-ulit na inihampas sa ulo nito ang hawak na folder ng boss.
Alam niya na hindi naman masakit iyon kung tutuusin, pero parang alam niya na ang nararamdaman ng asawa niya base sa ekspresyon sa mukha nito—hiya, lungkot, at kawalan ng tiwala sa sarili.
Tila natulos sa kaniyang kinatatayuan si Joan nang magtama ang tingin nilang mag-asawa. Silang dalawa na lang ang tao sa opisina.
Malungkot na malungkot ang mukha nito.
“Sorry, mahal, nakita mo pang napagalitan ako…” anito.
Halos maiyak si Joan sa asawa.
“Bakit mo naman hinayaan na gawin ‘yun sa’yo, mahal?” marahang usisa niya. Nadurog ang puso niya sa isinagot nito.
“Hindi kasi ako magaling na kagaya mo. Mabagal ako sa trabaho, pero ginagawa ko naman lahat ng makakaya ko…” sagot nito.
“Sana lang ay imbes na ganoon, turuan ako nang maayos. Hindi ‘yung sisigaw-sigawan ako at hahampas-hampasin na para akong isang hayop… Kasi paano ako matututo?” malungkot na himutok nito.
“Bakit hindi ka umalis na lang? Maghanap ka ng iba,” suhestiyon niya.
Mapait itong napailing. “Hindi naman ako magaling. Saka paano ang pamilya natin kapag nawalan ako ng trabaho?” anito.
Tuluyan nang napaluha si Joan. Una, dahil naaawa siya sa asawa. Ikalawa, dahil napagtanto niya na halos wala siyang ipinagkaiba sa boss nito. Ganoong-ganoon din kung tratuhin niya ang kaniyang sekretarya.
Kaya naman nang makabalik siya sa opisina ay tila nag-iba ang ihip ng hangin. Nang makita niya ang takot na mukha ni Sophie ay tila naalala niya ang bigong mukha ng kaniyang asawa.
“Ma’am. Ito na po ang report. Sorry po t-talaga, sa s-susunod, aayusin k-ko n-na,” hindi magkandaugagang wika nito.
“Salamat,” marahang sabi niya.
Nanlaki ang mata nito, ngunit kiming ngumiti.
“Sige po, Madam. Tawag lang po kayo kung may papagawa kayo,” marahang sabi nito. Bakas sa mukha nito ang labis na pagtataka. Sanay na sanay kasi itong mataas ang boses niya.
“Sophie…” marahang tawag niya sa babaeng palabas na sana ng opisina.
“Po?”
“Bakit ka nanatili rito kahit na pangit ang trato ko sa’yo?” usisa niya sa babae.
Matagal bago ito sumagot. Ngunit may ngiti ito sa labi.
“Para po sa anak ko. Kailangan ko ng pantustos sa kaniya, eh.”
Matagal nang nakaalis si Sophie ngunit nagmumuni-muni pa rin si Joan. Tama ang hinala niya. Gaya ng asawa niya, mabigat din ang dahilan ni Sophie kung bakit nito tinatanggap ang magaspang niyang trato.
Napabuntong-hininga na lang siya. Kung hindi pa niya nakita kung paano tinrato ang mahal niya sa buhay, hindi pa niya mapapagtanto kung gaano kamali ang trato niya sa sariling sekretarya.
Kaya naman isang pangako ang binitiwan ni Joan sa sarili—magiging mabuti na siya sa ibang tao. Una, ayaw niya na itrato nang masama ang mga taong malapit sa kaniya. At ikalawa, wala namang bayad ang pagiging mabait, kaya bakit niya iyon ipagkakait sa iba?